AYON kay DepEd Assistant Secretary Dexter Galban sa isang pagdinig sa Senado, pinapalakas ng kagawaran ang mga polisiya nito para maiwasan ang bullying, maireport ng maayos at makaresponde ng tama kapag nangyari ito.
Ano ang ‘bullying’?
Ayon sa Anti-bullying Act of 2013 ang “bullying” ay malala o paulit-ulit na ginagawa ng isa o higit pang mag-aaral sa isang mag-aaral na pasulat, verbal o electronic, o pisikal na aksyon o kombinasyon ng alin man sa mga ito na magdudulot ng takot na masaktan sya ng pisikal o emosyonal, at magdulot ng di magandang kalagayan sa paaralan na makaaabala sa pag-aaral ng biktima.
Ikinokonsiderang ‘bullying’ ang panununtok, panunulak, paninipa, pananampal, pangingiliti, panunukso, paggawa ng pranks, at paggamit ng ano mang bagay bilang sandata.
Ibinibilang ding ‘bullying’ ang ano mang kilos na makakasira sa kaisipan at emosyon ng biktima gayundin ang mga mapanirang pananalita o akusasyon na nagdudulot ng emotional distress sa biktima gaya ng pagmumura, pagkokomento ng di maganda sa itsura, pananamit o pangangatawan ng biktima.
Itinuturing ding bullying ang cyber-bullying o ano mang bullying na ginamitan ng teknolohiya o kahit anong electronic device.
Inisyatiba ng DepEd
Kabilang sa mga inisyatiba ng DepEd ang Child Protection Specializaton Course na may layuning turuan ang mga school personnel ng kinakailangang kaalaman, kakayahan, at paglipat sa ‘attitudinal orientation’ upang mapamahalaan ng mas mainam ang mga concern na may kinalaman sa pagpoprotekta sa mga mag-aaral.
Kabilang ang kursong ito sa mas malawakang plano na magtalaga ng mga Child Protection Specialists sa lahat ng regional at school division offices. Inaasahan din na magkakaroon ng kahit isang trained at permanenteng child protection officer sa bawat paaralan.
“These efforts are part of our broader mission to create a learning environment where every child feels safe, supported, and respected,” ani Galban.
Isa pa sa mga plano ng kagawaran ang magkaroon ng ‘telesafe’ platform sa bawat rehiyon upang makatugon agad sa mga report ng pang-aabuso o pananakit na may pagsasaalang-alang sa wika at kultura ng bawat isang komunidad.
Sa pakikipagtulungan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nirerebisa ng kagawaran ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act.
Mayroon na ring national helpline (#33733) para maisakatuparan ang pagrereport ng mga school-based violence.
DSWD nakiisa sa DepEd kontra bullying
Nakikipagtulungan din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa DepEd para makontra ang bullying.
Nagbibigay ito ng mga capacity-building at learning activities partikular na sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa isang online news, sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao, isa sa mga pangunahing nakagagambala sa pag-aaral ng mga bata at teen-agers ang bullying.
Upang tugunan ito, nagsasagawa ang 4Ps ng DSWD ng family development sessions (FDS) upang turuan ang mga magulang ng kahalagahan ng isang maalagang pamilya at maayos na sitwasyon sa paaralan upang maiwasan ang bullying.
Desisyon ng Korte sa isang kaso ng bullying
Kamakailan lamang, napaulat na nagkaroon na ng desisyon ang Korte Suprema patungkol sa naganap na bullying bago pa man naisabatas ang Anti-Bullying Act of 2013.
Sa ulat ng isang online news site, sinabi ditong pinagbayad ng Supreme Court ang isang paaralan ng halagang P650,000 dahil sa kapabayaan nito sa naganap na suntukan ng mga grade school pupils nito sa isang classroom.
Kabilang sa binigyang-diin ng korte suprema ang kawalan ng kakayahan ng paaralan na malaman, mapigilan, at tugunan ang bullying incident. Patunay dito ang pagtatangka ng kawani nito na ituring ang nangyari na isa lamang kaso ng paghaharutan ng mga bata.
Kailangan maisakatuparan
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, maganda ang mga repormang pinaplano ng DepEd subalit binigyang-diin nito na kailangang maipatupad ang mga ito at magkaroon ng nasusukat na resulta.
Isinusulong ni Gatchalian ang implementasyon ng Republic Act 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act kung saan gagawing mandato na magkaroon ng school-based mental health programs, crisis response systems, at emotional support services para sa mga mag-aaral.
Nakapagtala ang Deped ng 79,000 kaso ng bullying mula 2019 hanggang 2022. Nakatanggap din ang helpline ng DepEd ng 1314 report ng campus violence kabilang ang pisikal at cyberbulllying mula Nobyembre 2022 hanggang Abril 2025.