PINUNA ni Senador Win Gatchalian na ang mga lalawigan at highly urbanized na mga lungsod na may mataas na kaso ng stunting, o pagkaantala sa paglaki, ng mga batang wala pang limang taong gulang ay nakakaranas din ng mababang antas ng literacy.
Binigyang diin ito ni Gatchalian sa isang pagdinig kasunod ng resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), kung saan lumabas na 18.96 milyong mga Pilipino ay nananatiling functionally illiterate. Nauna nang inilabas ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Year 2 report nito na nagsasabing isa sa apat na batang wala pang limang taong gulang ay nakakaranas ng stunting.
Upang matugunan ang mga hamong dala ng pagkaantala sa paglaki at kakulangan sa kaalaman sa pagbasa at pagsulat, hinimok ni Gatchalian ang Department of Education, Department of Social Welfare and Development, at National Nutrition Council na tiyaking ang mga nakatuong tulong o intervention na pang-nutrisyon ay kaakibat ng ‘early childhood and basic education literacy programs.’
“Magkaugnay ang nutrisyon at illiteracy. Isa sa mga paraan para masugpo ang illiteracy sa ating bansa ay tiyaking natatanggap ng mga bata ang sapat na nutrisyon. Kung natatanggap nila ang wasto at sapat na nutrisyong kinakailangan nila, makakapag-aral sila ng mabuti, mas matututo sila, at magiging functionally literate,” ani Gatchalian,
Binigyang diin muli ng mambabatas ang pangangailangan para sa mga local literacy councils sa mga local government units upang malabanan ang illiteracy rate sa bansa.