HINDI eleksyon kundi bigwas ng “people power” ang pinapanday ni Bise Presidente Sara Duterte sa pagpapapakasipag sa pagsulong ng kampanyang pulitikal ng kampo ng Duterte sa nalalapit na mid-term elections. Mula sa mga rali ng mga kandidatong panglehislatibo (kongresman, senador at partylist) hanggang sa mga lokal na opisyal, naroroon si Sara, matapang na nangangangampanya na para bang ang isinusulong ay pakikibakang buhay-at-kamatayan.
Bakit nga ang hindi?
Ang kanyang sinusuong ay laban para sa pagpapanatili o ganap na pagwakas ng kanyang karerang pulitikal.
Nakaamba na parang espada ni Damocles sa ulo ni Sara ang kanyang impeachment sa Senado. Mapalad siya na ang impeachment na pumasa sa mababang kapulungan ay naipaabot sa senado nang ultimo oras na. Wala nang panahon na isahapag pa sa ilalim ng magwawakas nang Ika-19 na Kongreso. Kung kaya napagpasyahan na harapin na lamang ito sa pagbubukas ng susunod na Kongreso. Aabot na iyun sa proklamasyon ng mga nagwaging senador sa midterm elections.
Ang magaganap samakatuwid, ay, ang bilang ng mga senador na sa ngayon pa lang ay makiling na sa administrasyon ay madaragdagan pa ng mga miyembro ng Alyansa ng Bagong Pilipinas na mga magwawaging senador sa midterm elections. Sa kampo ng Duterte, tatlo lamang ang maaaring lumusot, kabilang na rito si Rep. Camille Villar na kamakailan lamang ay nagpalathala ng video na ini-endorso siya ni Sara.
Makikita na hindi eleksyon ang magliligtas kay Sara sa impeachment. Kumbaga sa bibitayin, daragdagan lamang ng eleksyon ang pisi na ipupulupot sa kanyang leeg.
Subalit sa klase ng pangangampanya na ginagawa ni Sara, kitang-kitang buhay-at-kamatayan ang taya.
Dito dapat na maalarma ang bayan. Anong buhay-at-kamatayang taya ang dapat niyang ipaglaban?
Sa isang ambush interview, walang pasubali ang kanyang ipinahayag.
“Kaya kong maglaro nang marumi,” wika niya.
Dito tayo dapat seryosong nag-aalala. Gaano karumi ang maaaring pagtampisawan ni Sara? Tiyak hindi singgaan lamang ng pag-isyu ng mga tseke sa di-totoong tao kundi sa mga inimbentong nilikha na ipinangalan sa mga tsitsiriya. Maaaring mas masahol pa sa simpleng pagdeklarang bakante ang panguluhan ng bansa dahil sa kawalang kakayahang mangasiwa ng nakaupo at halinhan ito ng pangalawang pangulo. Ito ang nangyari kay Presidente Erap Estrada noong 2001. Dahil sa garapal na pagbastardo sa kalakarang konstitusyunal, ipinahayag ng noon ay Punong Mahistrado Hilario Davide na hindi na kayang mamahala ni Erap at pinanumpa si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang pangulo.
Ang totoo, sa pagtatapos ng 1999, sa kabila ng pursigidong pamamagitan ng noon ay kardinal ng simbahang Katoliko sa Maynila na si Jaime Cardinal Sin, tahasang tinanggihan ni Erap ang hiling ni US President Bill Clinton na huwag atakehin ang Camp Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front.
(Hiwalay na usapin ang dahilan ni Clinton kung bakit gustong iligtas ang punong kampo ng MILF.)
Una munang inimpeach si Erap ng Kongreso sa pamumuno ni Speaker Manuel Villar, at pagkatapos ay nilitis na ng Senado na humantong sa walkout ng mga senador na katunggali ng pangulo. Nagbunga ang walkout ng pag-aalsa na tinawag na Edsa 2.
At doon nga tuluyang humalili si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang pangulo.
Sa mga pag-aalburutong ginagawa ngayon ni Sara, ano ba siya kundi Bise Presidente rin na di tulad ni Gloria na naghihintay lamang na mapatunayang nagkasala si Erap upang humalili sa puwesto, ay siya pa itong na-impeached na ng mababang kapulungan at nanganganib na mapatunayang nagkasala ng impeachment trial ng senado.
Iisang paraan ang nalalabi upang si Sara ay maligtas: ang, ngayon pa lang ay, maging presidente na.
Papaanong mangyayari iyun?
Di lang miminsan kundi dalawang beses pa na ang konstitusyon ay tahasang binastardo upang ihalili sa puwesto ang babaeng presidente.
Kung nagawa ito ni Cory kay Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. noong 1986, bakit hindi ni Sara ngayon sa anak na di man lang kinakikitaan ng anumang bahid ng maruming larong pulitikal?
Lantay konstitusyunal ang bawat hakbang na ginagawa ni Bongbong. Bagama’t, halimbawa, ay sinsero siya sa programang ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo bilang pagtupad sa pangako noong kampanyang pampanguluhan, buong kababaang-loob na hinayaan niyang ang Comelec ang masunod na iatras ang programa hanggang sa matapos ang ekeksyong 2025.
Mapanlansi ang panahon. Habang papalapit ang Mayo 12, lahat ng mata ay nakatuon sa eleksyon — na ito ay proseso upang mapangibabaw ang tinig nh sambayanan.
Subalit kaingat, bayan.
Totoong napakaruming maglaro ng diyablo. Sa snap presidential election ng 1986, maliwanag na si FM ang nagwagi, gaya ng lumabas sa bilangang ginawa ng Batasang Pambansa, ang tanging siyang may basbas ng konstitusyon na bilangin ang resulta ng eleksyon.
Subalit ano ang ginawa ni Cory? Sa pamamagitan ng NAMFREL ay nagsagawa siya ng sariling bilang at pinalabas na nandaya si Marcos.
At iyun ang titis na nagpasiklab sa Edsa I at nagluklok kay Cory bilang pangulo — hindi na ng pamahalaang konstitusyunal kundi ng isang gobyernong rebolusyonaryo.
Lahat ng ligal na proseso burado.
Sa katunayan, hindi pagtatakhan kung ang ganitong senaryo ang siyang namumuo sa ngayon.
Nasa dugo ni Sara, kumbaga.
Si Sara ay apo ni Soledad Duterte, nanay ni Digong, na siyang malapit na kaalyado ni Cory sa pagpapalaganap ng civil disobedient campaign laban kay FM sa Davao papunta sa Edsa People Power Revolt noong 1986. Kung kaya naging napakadaling mahirang na Vice Mayor ng Davao City noon ni Digong oras na presidente na si Cory. Sumunod na termino, mayor na si Digong, at nanatiling ganun ng ilang termino hanggang maging presidente na ng Pilipinas noong 2016.
Nasa ultra-gipit na kalagayan ngayon si Sara. Kailangan niya ang karumihan ng larong pamana ni Cory upang makaligtas.
Ang tanong na lang, papayag ba si Bongbong na maulit sa kanya ang maruming pulitika na nagpabagsak sa kanyang ama?