34.5 C
Manila
Lunes, Mayo 12, 2025

 Ang  ‘tinola’ at ‘aswang’ sa tuwing may halalan

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING halalan na rin ang pinagdaanan ko. Ilang ulit na rin akong naging advocate ng mga kampanya ‘to educate the electorate.’ Natatandaan ko na na may isang proyekto akong ginawa noon para sa isang faith-based NGO: ang Institute for Studies in Asian Church and Culture (ISACC) na pinamumunuan ng anthropologist, theologian, at book author na si Dr. Melba Padilla Maggay. Naglathala ito ng babasahing komiks na naglalaman ng aking ilang kuwento tungkol sa eleksiyon.

“Doon po sa Amin at Iba pang Kuwentong Eleksiyon” ang pamagat ng special edition ng naturang komiks. Sa pagkakatanda ko, ito’y para sa ‘Mayo Onse’ project nang panahong ‘yun. Ito ‘yung panahong ang mahahalal pala sa pangka-pangulo ay si dating Presidente Joseph Ejercito Estrada. Tingnan natin ang ilan sa mga kuwentong nakalaman sa ‘Doon Po Sa Amin.”

Ang isa ay tungkol sa mga katangiang dapat taglayin ng isang mabuting lider: may integridad, may kaalaman, matapat, may maayos na ‘track record’ sa pagiging pinuno,  hindi nagnanakaw sa pondo ng bayan, at may takot sa Diyos. Sa paglalahad ng naturang mga katangian, ginamit ko ang istilo ng ‘pagsulat ng resipi’ para sa pagluluto ng tinolang manok. Sa kuwento, ipinakita kong tinuturuan ng isang nanay ang kaniyang anak na babae sa kung paanong magluto ng tinola. Nagkataon namang first-time voter ang kanyang anak na ito. Kaya habang iniisa-isa ng ina ang mga sangkap ng lutuing tinola,  isa-isa naman niyang binabanggit ang mga ‘sangkap’ (o katangian) na dapat taglayin ng isang matinong lider ng komunidad, bayan, o bansa.  Nagwakas ang kuwento sa isang masarap na tinolang manok dahil tama ang sangkap at maayos na sinunod ang proseso ng pagluluto nito.

Isa pang bahagi ng komiks na ito ay ang kuwentong  ‘Aswangan sa Bayan ni Juan.’ Dito’y pinakialaman ko ang paniniwala ng mga kababayan natin sa mga kuwentong-bayan o folklore, partikular ang tungkol sa mga aswang. Sa naturang kuwento, ipinakita ko ang lumukob na takot sa isang komunidad dahil sa kumakalat na balitang may aswang daw na pagala-gala sa kanilang lugar. Dahil dito, nagkaroon ng ideya ang galamay ng mga pulitiko na samantalahin ang ‘takot sa aswang’ ng mga mamamayang nakatira rito. Pinakialaman nila ang resulta ng halalan. Sinadya nilang magkaroon ng malawakang brownout upang magkatakot ang lahat. Nandoon na raw ang aswang at sila ang susunod na biktima.

May touch ng horror ang naturang kuwento. Sa dakong dulo, matutuklasan ng lahat na hindi pala totoo ang balitang may aswang. Nang muling bumalik ang supply ng kuryente, nahuli nila ang ilang ‘guro’ na nasa aktong pinapalitan ang tally ng scores ng mga kandidato (ito’y noong panahong mano-mano pa ang pagbibilang ng boto sa mga presintong inilagay sa mga eskuwelahan). Kumbaga, ‘nalagyan’ at nakipagsabwatan ang ilan rito sa mga kakampi ng isang partikular na pulitiko kaya mina-manipulate nila ang scores. Ito pala ang mga tunay na ‘aswang’ sa bayan ni Juan. May nagaganap pala talagang ‘aswangan’!  Natiklo ang mga taong ito na walang paggalang sa sanctity at proseso ng halalan.


Ito’y dalawa lamang sa aking kontribusyon sa panitikang komiks patungkol sa paksang eleksiyon. Pero hanggang ngayon, nalulungkot pa rin ako na waring hindi pa rin tayo marunong mamili ng tamang lider ng bansa. Ganoon at ganoon pa rin ang ating ibinoboto: kung sino ang sikat o kilala (lalo na ang mga showbiz personalities na nakikita natin sa TV at pelikula), kung sino ang personal nating kakilala (kahit alam nating wala naman siyang kaalaman sa pamamalakad ng komunidad o bansa), o kung sino ang may ‘naibigay’ sa atin mula sa pondo ng isang pulitiko. ‘Doon na tayo sa naambunan tayo ng grasya!’ ganyan ang katwiran ng iba.

Hindi natin dapat tingnan na ang halalan ay tungkol lamang sa popularidad ng isang kandidato, pagbili at pagbebenta ng boto, o pagbabayad ng ‘utang na loob’ ng taong boboto sa isang kandidato. Hindi rin natin dapat iniisip na maghahalal lamang tayo ng panibagong magnanakaw sa kaban ng bayan. May nagsasabing ang ibotong kandidato ay ang ‘lesser evil’ na lang (pero di ba, ‘evil’ pa rin ‘yun?).  Naniniwala pa rin ako na may mga lider na nais talagang matulungan ang ating bayan na umunlad. Ang eleksiyon ay isang mahalagang gampanin upang maabot natin ang ating minimithi.

Ngayong araw ay muli tayong maghahalal ng ating mga lider. Muli na naman tayong aasa na uunlad ang ating bansa at magiging maayos ang ating mga buhay dahil may bago tayong lider na mangunguna sa atin. Ngunit bakit ganoon, lagi’t lagi ay may pakiramdam tayo na parang naiisahan pagkatapos ng halalan? Nasaan ang mga pangakong binanggit para masungkit ang ating pagtangkilik sa kanila?

“Pinangakuan ka na nga, kailangan pa bang tuparin?” Iyan ang isang biro na madalas nating naririnig. Siyempre pa’y malutong na tawanan ang kasunod nito. Pero kung susuriin, may katotohanan ang naturang mga salita lalo na kung ito’y usaping may kaugnayan sa eleksyon. Talaga bang pangako lamang ang binanggit na salita ng mga kandidato? Talaga bang hindi na kailangang tupdin pa?

- Advertisement -

Pero sa lahat ng ito, umaasa ako sa isang maayos at matapat na halalan. Umaasa ako na maiboboto ang mga lider na may sapat na kaalaman sa pagpapatakbo ng ating bayan. Umaasa ako sa taglay na wisdom ng mga taong boboto. Marami rin namang pulitiko na nasa tama ang puso. Nais maglingkod. Nais manguna tungo sa progreso. Nais makitang ang Pilipinas ay bansang marangal at  inirerespeto ng ibang lahi.

Hindi naman siguro masamang mangarap na, balang araw, ang ating pasaporte (Philippine passport) ay titingnan din na may dignidad at pagpapahalaga sa mga Paliparan sa iba’t ibang dako ng daigdig.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -