(Huling Bahagi)
NANG tumuntong ako ng high school sa Good Samaritan Colleges sa Cabanatuan City, natuklasan kong may lingguhan din palang supply ng Liwayway ang aming eskuwelahan. Napansin ko ang mga sipi nito kapag napapadaan ako sa Principal’s office. Sabi ng aming principal noon na si Mrs. Aurora Laher (na guro ko rin sa subject na Pilipino), maraming mahuhusay na akdang pampanitikan na mababasa sa Liwayway kaya inaanyayahan niya kaming basahin ito. Aba, hindi lang pala libangan ng lola’t nanay ko ang babasahing ito kundi tinatangkilik din sa mga eskuwelahan at kolehiyo bilang importanteng reference material. Lalong tumaas ang tingin ko sa Liwayway!
Nang una kong matunghayan ang aking byline sa pahina ng Liwayway, sobra ang naging tuwa ko. Gusto kong ipagsigawan na may artikulo akong lumabas sa magasin na binabasa ko noong bata pa ako! Ilang kopya nga ba ang binili ko noon? Halos ubusin ko ang mga kopya nito sa palengke ng Cabanatuan. “Bakit ang dami mong binili?” tanong ng Tatay ko. Sabi ko, ipamimigay ko ang mga kopya sa mga kaibigan ko (at saka, siyempre, itatago ko ang ibang kopya). Kasingsaya nang pagpasa ko sa medical board exam ang naranasan ko sa pagkakita ko ng aking byline sa Liwayway.
Nang magsimula na akong magsulat ng mga akdang pampanitikan, lalong naging masaya ang pagbisita ko sa tanggapan ng Liwayway Publishing Inc sa Pasong Tamo, Makati. Wala pang internet noon kaya personal ko pang inihahatid ang mga artikulo (o kaya’y ipinadadala ko sa aking messenger). Makinilyado pa ang mga naturang manuskrito.
Sa loob ng kanilang opisina, bukod kay Ka Rudy (Salandanan), nakikipagkuwentuhan din ako kay G. Reynaldo Duque, makata’t kuwentistang Ilokano na nagsusulat din sa wikang Filipino at Ingles (at isa sa naluklok sa Hall of Fame ng Palanca Awards for Literature). Si Rey Duque ang sumunod na naging patnugot ng Liwayway nang magretiro na si Ka Rudy. Bukod sa nagaganap na konsultahan at bigayan ng reseta habang nandoon ako sa opisina ng Liwayway, marami kaming naging ‘marites’ noon patungkol sa mga hinahangaan naming manunulat. Noon ko natuklasan na higit palang makulay ang buhay ng mga manunulat kaysa mga akdang ginagawa nila!
At siyempre, nandoon din ang kumustahan namin sa estado ng aming mga sinusulat. “Huwag kang papayag na wala kang matatanggap na royalty sa mga aklat pambatang inilalathala mo,” natatandaan kong payo sa akin ni Ka Rey Duque. Lilipas pa ang panahon at pati sa taunang patimpalak sa panitikan ng Palanca Awards ay patuloy na magkikita kami ni Ka Rey Duque. Pareho na kami noong sumasali at pinapalad na manalo sa Palanca Awards.
Di nagtagal, naging kumare ko sa binyag si Eden Pedrajas-Concepcion (ang kalauna’y naging patnugot ng seksiyong ‘Lathalain’). Naging kumpare ko rin sa binyag si Dindo Balares (ang patnugot ng seksyong ‘Showbiz,’ na isa ring mahusay na nobelista). Naging kahuntahan sina Armando Javier (patnugot ng seksyong ‘Panitikan’), G. Marcelo ‘Ka Celo’ Lagmay (patnugot ng tabloid na ‘Balita’), Belen Padon (staff ng ‘Balita’), Rudy Contillo (manunulat ng ‘Bannawag’), at Perry Mangilaya (dating staff ng Liwayway na kalaunan’y naging patnugot nito; at patnugot pa rin hanggang sa ngayon), at ng marami pang empleyado ng Liwayway. Maituturing kong kapamilya na ang mga taga-Liwayway.
Hindi ko rin malilimutan na tuwing nasa opisina nila ako sa ikalawang palapag, sumisilip ako sa plantang nag-iimprenta ng libo-libong kopya ng magasin. Kitang-kita kasi mula sa ikalawang palapag ng gusali ang napakalaking printing press nito. Manghang-mangha ako sa kapangyarihan ng mga nakaimprentang pahina ng Liwayway na di lamang magdulot ng aliw sa ating mga kababayan kundi makapagbigay rin ng kaalaman sa mga nilalaman nito.
Wala pang social media noon kaya dumadaan pa sa mapanuring mata ng mga editor ang bawat artikulong ilalathala. Ngayon kasi, wala nang vetting na nangyayari. Kahit anong content ay agad na ia-upload sa digital media (Youtube, Instagram, Facebook, Twitter/X, Tiktok, at iba pa). Sa isang pindot, sa isang klik, ang ano mang naisip na isulat (maganda man ito o di kanais-nais) ay agad-agad na nalalathala.
“May Liwayway pa pala?” gayon ang sabi sa akin ng marami kapag nalaman nilang may inilalathala pang Liwayway, na ilang ulit ding nagbihis o nagbagong-anyo sa paglipas ng mga taon at dekada.
Noong kasagsagan ng pandemyang COVID, naging online ang edisyon ng Liwayway at mabibili sa pamamagitan ng isang app (mabuti’t muling nagkaroon ng kopyang naka-imprenta ngayon!). Mula sa dating lingguhan ang sirkulasyon nito, naging kada ikalawang lingo, hanggang sa naging buwanan. Mula sa dating nabibili ito sa mga newstands sa tabi ng kalye, ngayo’y sa bookstore na ito mabibili at maaaring umorder sa online app. Mula sa dating sukat nito na malapad, ngayo’y medyo lumiit ito (pero mas kumapal naman). Mula sa binding nito na dating naka-stapler, ngayon ay perfect binding na ito, na parang isang libro o makapal na journal.
“Ang ganda ng new look ng Liwayway!” puna ni Rose Pagnamitan, isang guro sa senior high school sa BGC, Taguig, na dati ring naging contributor sa Liwayway, nang minsang napagawi siya sa National Bookstore. “Siyempre, sandaang taon na ngayon ang Liwayway!” pagmamalaki kong tugon. Agad siyang bumili ng kopya at muling ginunita ang panahong nagsa-submit siya ng artikulo para sa Liwayway. “Gusto ko yatang magsulat ulit para sa Liwayway,” dagdag pa niya.
Sa paglipas ng panahon, nandiyan pa rin ang kakaibang halina ng Liwayway. Lagi’t lagi ko itong binabalikan. Ang pamilya ko rin ay natuwa, lalo na ang Nanay ko, sa pagkakita ng mga bagong kopya ng Liwayway. Ramdam ko na muling nagsalimbayan sa kanilang gunita ang mga panahong ginugol nila sa pagbabasa ng Liwayway, nang panahong buhay pa si Tatay at ang aking Inang Trining. May hatid na nostalgia di lang amin kung hindi sa maraming kababayan natin ang pagkakabanggit ng Liwayway. Sa panig ko, maituturing kong isa itong life-long romance sa isang babasahing naging bahagi ng buhay ko.
Nitong nagdaang taon ay ipinagdiwang ang ika-100 taon ng pagkakalathala ng Liwayway, na unang nakilala bilang ‘Photo News’ noon. Bihira ang babasahing umaabot ng ganito katagal! Pinagkalooban ng ‘Gawad CCP Para sa Sining’ ang Liwayway Magazine dahil sa mayaman nitong kontribusyon sa pagtatampok ng Panitikang Pilipino sa mga pahina nito, at sa naging papel nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga kababayan natin.
Muling bumalik sa gunita ang alaala ng aking pagkabata kaugnay sa pagbabasa ng Liwayway at ng mga panahong hindi ako magkandaugaga sa paghabol sa deadline para sa lingguhang medical advice column para sa iba’t ibang publikasyon ng Liwayway Publishing Inc. Isang magandang okasyon ang sentenaryo ng babasahing ito para alalahanin at pasalamatan ang lahat ng naging kaakbay sa aking paglalakbay sa Liwayway.
- Advertisement -