KUMUSTA ang manok mo sa katatapos na botohan/eleksyon/halalan? Olats ba o wagi? Nanalo man o natalo, tandaan, pareho lang ng salitang ugat ang dalawang salitang iyan. Pero hindi iyan ang paksa natin, kundi ang malikhaing paggamit ng wikang Filipino sa pag-uulat sa resulta ng halalan.
Apat na estasyon ng telebisyon ang gumamit ng apat na magkakaibang pamagat sa kanilang coverage ng katatapos na eleksyon: GMA 7 – Eleksyon 2025, ABS-CBN – Halalan 2025, Teleradyo Serbisyo – Mandato 2025, at News 5 – Bilang Pilipino 2025.
Bawat isa sa mga ito ay special coverage – mga salitang hindi na isinalin o tinumbasan sa Filipino, kundi hiniram nang walang pangimi at walang pagbabago. Bukod dito, maraming iba pang salitang hiram mula sa Ingles pero hindi ito nakahadlang sa pag-unawa ng madlang tagapanood.
Pansinin na tatlong salita ang ginamit ko sa pamagat ng kolum na ito: botohan, eleksyon, halalan. Walang gumamit ng “botohan” sa pamagat ng kani-kanilang coverage pero paminsan-minsan, lumilitaw ang salitang ito bilang singkahulugan ng eleksyon at halalan. Ang “eleksyon” ay hiram sa Kastila pero pwede ring sabihing nagmula sa Ingles ang malaganap na paggamit nito dahil hindi pa uso ang eleksyon noong pananakop ng mga Kastila. Pansinin din ang baybay ng eleksyon: walang “I” kontra sa preskripsyon ng Ortograpiyang Pambansa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). (Marami kasing pasaway.) Samantala, “halalan” ang katutubong salita.
Sa apat na estasyon, dalawa – GMA 7 (Eleksyon 2025) at Teleradyo Serbisyo (Mandato 2025) ang gumamit ng salitang hiram; samantala, dalawa rin (ABS-CBN (Halalan 2025) at News 5 (Bilang Pilipino 2025) ang gumamit ng katutubong salita.
Hindi na kailangan pang ipaliwanag ang kahulugan ng “eleksyon” at “halalan.” Ang “mandato,” ayon sa diksyunaryo ng KWF ay nangangahulugang “utos, kautusan, atas.” Samakatwid, kinikilala ng salitang ito ang bisa ng isang halalan sa demokratikong lipunan – atas o utos mula sa sambayanan. Kaya masasabi nating nagsalita na ang mga mamamayan sa pamamagitan ng balota.
Bilang Pilipino
Sa aking palagay, napaka-creative ng News 5 sa pagkapili nito ng “Bilang Pilipino 2025.” Nagawa kasing paglaruin ang dalawang kahulugan ng salitang “bilang.” Umaayon ito sa isang kahulugan ng kanilang pag-uulat, ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa “bilang” na nagsasaad ng dami o numero ng mga botong nakuha ng mga kandidato. Wagi ba? Marami bang botong inani ang isang kandidato? O olats, bokya? Dahil binaligtad, medyo pinalambot ng “olats” ang sakit ng pagkatalo o kakulangan ng botong tinanggap. “Bokyà” naman ang singkahulugan nito. Parehong pagkatalo ang isinasaad.
Bukod sa numero, ang “bilang” ay nagsasabi rin ng “sa paraan ng, gaya ng, sa pagtuturingan” (KWF Diksyunaryo). Katumbas ng “as”sa Ingles. Halimbawa, “bilang mamamayan”(as a citizen). Kaya ang “Bilang Pilipino” ay nagsasabi ng dami o numero ng mga boto ng bawat kandidato kasabay rin ng pagpapaala sa bawat Pilipino ng tungkuling makilahok sa halalan. Angkop na angkop, kung gayon, ang slogan ng “Bilang Pilipino 2025: Bayan ang Ipanalo.” Kung nanalo nga ba ang bayan sa nakaraang eleksyon ay malalaman natin sa mga darating na araw.
Balikan naman natin ang Eleksyon 2025 ng GMA 7. Ang slogan nito ay “Dapat Totoo.” Ibig sabihin, dapat na maging totoo at kapani-paniwala ang resulta ng eleksyon. At may play din sa “eleksyon” dahil kapag pinaiikli nila ito at ginagawang “E2025.” Tumutukoy naman ito sa “E” o elektronikong paraan ng pagboto at pagtransmit ng resulta ng botohan.
Bumoto ng/nang tama, ng/nang tapat?
NG na maikli, o NANG na mahaba? NG tama? NANG tapat? Narito na naman tayo. Hindi na raw dapat pang pagtalunan iyan. Maiintindihan na rin daw, maikling NG man o mahabang NANG. Totoo iyan. Dapat na tayong mag-move on sa maliit na bagay na iyan. Pero ibig ko lamang banggitin na ito ay kaso ng dalawang posibilidad. Pwedeng NG, pwede ring NANG.
Kapag “bumoto NANG tama,” ang paraan ng pagboto ang tinutukoy. Ang “NANG tama” ay naglalarawan sa pandiwang “bumoto.” Kapag naman “NG tama,”tumutukoy naman ito sa di na binanggit na “NG tamang tao/kandidato.” Hindi na binanggit kung sino man ang “tama” na iyon. Ito ang tinatawag na “ellipsis.” At natural itong nagaganap sa wikang Filipino gayon din sa iba pang mga wika.
Sa kaso naman ng “NG/NANG tapat,” gayon din ang paliwanag. “NG tapat” na tao o “NANG tapat” na paraan ng pagboto. Alinman sa maikli o mahaba ay posible, at kapwa tama ang mensaheng ipinaaabot.
Eleksyon noong araw
Makabago na ang eleksyon ngayon. Makina na ang nagbibilang ng mga boto at nagtatransmit nito para makuha ang kabuuang bilang. Pero noong bata ako, mano-mano ang bilangan. Inaabot ng madaling-araw bago mabilang ang lahat ng boto sa isang presinto. At mga araw ang bibilangin bago malaman kung sino-sino ang mga nanalo (at natalo). Ang problema sa makinang ginagamit natin, ginawa yata ito ng mga dayuhan para sa kanilang malamig na bansa. Dito sa atin, napakainit ng panahon kapag Mayo at sinasabing nakakaapekto ito sa makina. Pero dati, hindi Mayo kundi Nobyembre ginaganap ang eleksyon. Kaya kasabay ng mga patalastas at jingle ng mga kandidato, mga awiting pamasko ang pumapailanglang kapag malapit na ang halalan. “Ang Pasko ay sumapit/tayo ay mangagsiawit/ng magagandang himig…/ iyan ang maririnig noon. Nagsimula ang eleksyon tuwing ikatlong Mayo matapos ang Edsa 1. Nagkaroon tayo ng bagong konstitusyon at binago na rin ang iskedyul ng eleksyon – tuwing tatlong taon, hindi dalawa lamang na gaya ng dati.
Maraming nagdududa kung tapat at totoo nga ba ang resulta ng eleksyon 2025. Ganyan naman sa bansa natin. Walang kandidatong natatalo. Mayroon lamang mga nanalo at mga nadaya. Ganyan ang kasabihan. Eleksyon, Halalan, Mandato, Bilang – lahat ay nakatanaw na sa 2028. Bilangin nang tama, bilangin ang tama. Bilang Pilipino, gawin natin ang ating tungkulin.