JUAN, rainy days are here again.
Oo nga, Uncle. Marami na namang kawawa. Sa baha, sa hirap sumakay lalo na kung ikaw ay may trabaho sa malayo, sa sakit na puwede mong makuha.
Tama ka dyan, Juan. Pero alam mo ba ang rainy days sa ating pinansyal na aspeto ng ating buhay?
Naririnig ko na yan, Uncle. Katulad ng “ when it rains, it pours” na puedeng positibo o negatibo sa suwerte na puede mong maranasan. Kaya sabi nila, pag “rainy days”, lalo na yung mga hindi magandang pangyayari na kailangan ng pera para masolusyonan ito, kailangan daw lagi kang handa.
Paano ba maging handa sa “ rainy days”?
Kailangan mong magkaroon ng isang matibay at saktong payong na poprotekta sa iyo para hindi ka mabasa’t magkasakit. Ito ay kahambing ng isang “rainy day” fund o pondo na sasagot sa mga maliit na biglaang gastos o financial emergencies. Ito ay hindi malaking pondo at puwede nitong matustusan ang mga minor na biglaang gastusin tulad ng:
- Personal na krisis tulad ng di inaasahang dental o medical bills, pagpalit ng nasirang appliance o gadget, paggawa ng nasirang sasakyan o bahagi ng bahay.
- Krisis ng pamilya tulad ng biglaang pagkawala ng trabaho, paghina ng negosyo o kamatayan sa pamilya.
- Natural na kalamidad tulad ng bagyo, lindol o epidemiya sa kalusugan na sisira sa ari-arian, kabuhayan o buhay mismo.
Iba ito sa tinatawag nating “emergency fund” na mas malaking pondo na katumbas ng anim na buwan hanggang isang taon na gastusin. Ito ay puedeng sumoporta sa mga major na pinansiyal na krisis tulad ng malubha’t matagal na pagkakasakit, matinding pinsala sa bahay o matagal na pagkawalan ng hanapbuhay.
Ang “rainy day fund” ay panandaliang pantakip-butas sa mga hindi masyadong grabeng dagok sa ating pinansyal na pamumuhay. Ito ay makakatulong na makaiwas sa pangungutang at maibsan ang epekto nito sa iba pang financial goals.
Ito ay katumbas ng isa hanggang tatlong buwan ng gastusin. Wala namang eksaktong halaga na dapat meron ka sa iyong “rainy day” fund pero basta alalahanin na ito ay mas maliit kesa sa iyong emergency fund. At kung may sosobra man sa kung ano ang ilalagay mo sa “rainy day” fund mo, puwede mo itong ipasok sa ibang instrumento sa mga bangko na magbibigay ng mas mataas na interest sa iyong deposito.
Paano ba makakaipon para mabuo ang isang “rainy day” fund?
Una, ano ba ang iyong mga personal na pangangailangan? Kailangan mong malaman at maiintindihan ang iyong cash flow, financial goals at iyong mga taong nakasandal sa iyo para sila mabuhay.
Pangalawa, kapag alam mo na yan, gumawa ng budget Ilang beses na nating inuulit ang 50-30-20 rule o 50 porsiyento ng iyong kita ay para sa iyong mga essential needs tulad ng bayad sa pagkain, bahay, kuryente, tubig at iba pa na hindi mo puedeng iwasan; 30 porsiyento para sa mga gusto mo tulad ng travel, entertainment o shopping at 20 porsiyento para sa iyong ipon o savings. Dito mo puwedeng kuhanin ang para sa “rainy day” fund mo.
Pangatlo, puwede kang gumawa ng hiwalay na savings deposit account sa bangko para sa maiipon mong “rainy day” fund. Dito may posibilidad na maiiwasan mo itong galawin o gamitin.
Pang-apat, dapat sundin mo ang budget na ginawa mo. Iwasan ang tuksong galawin ito .
Panglima, itabi mo ang mga bonus at iba pang ekstra na makukuha kapag napromote halimbawa. Dahil sa ito’y sobra sa nai-budget na kita, madali kang makakabuo ng isang “rainy day” fund at posible na masimulan mo rin ang pag-iipon para sa iba pang pondo tulad ng retirement fund.
At pang-anim, ang pag-iipon ay kailangan tuloy-tuloy at walang patid. Gawing disiplina ito. Hindi natin alam kung kelan tayo bubulagain ng mga krisis sa ating buhay. Kailangan may pondo tayo na binubunot kahit kailan para hindi na tayo makiusap sa iba, mangungutang o magsanla ng kahit ano pang bagay na mahalaga sa atin.
Hindi natin dapat hintayin ang “rainy day” saka tayo nagkakandakumahog na dumiskarte o dumilhensya ng pera. Sabi nga ng mga boy scouts, dapat “ever-ready” o laging handa sa kahit ano pang hamon na dumating.