MAY malaking potensyal ang kalakalan at kooperasyong pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Russia, partikular sa larangan ng enerhiya at seguridad sa pagkain, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kanyang pambungad na pahayag sa bilateral meeting kay Russian President Vladimir Putin sa Kazan, Russia, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang naging talakayan ng dalawang bansa tungkol sa mga usaping nakaaapekto sa kalakalan.
“We appreciate the forward-looking exchange on the different structural issues that affect the trade and – between our two countries,” ani Pangulong Marcos.
“And as you have mentioned, Your Excellency, we – there are many potential areas that I think we should still (open to) explore, and I think that the present level of trade, although it is steady, I think that there is a great deal more that we can do, ” dagdag ni Pangulong Marcos.
(Pinahahalagahan namin ang ating makabuluhang pag-uusap tungkol sa iba’t ibang usapin na nakaaapekto sa kalakalan ng ating dalawang bansa.
Marami pa ring larangan na maaari nating tuklasin at naniniwala akong marami pa tayong magagawa upang higit pang mapalakas ang ating kalakalan.)
Binanggit ng Pangulo na sa ginanap na Joint Commission on Trade and Economic Cooperation (JCTEC) sa Moscow noong Setyembre, kapwa binigyang-prayoridad ng Pilipinas at Russia ang enerhiya at seguridad sa pagkain.
Ayon sa Pangulo, nakatulong din ang business-to-business meetings sa pagbuo ng mga bagong ugnayan at posibleng joint ventures sa pagitan ng mga negosyante ng dalawang bansa.
Kabilang sa mga nilagdaang kasunduan ang kooperasyon sa innovation, retail products, cosmetics, food processing, at industrial collaboration.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na mahalaga ang kanilang pagpupulong dahil kasabay ito ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Russia.
Binanngit din ni Pangulong Marcos ang hangaring ipagpatuloy ang regular na konsultasyong pampulitika sa pagitan ng Pilipinas at Russian Foreign Ministry upang higit pang mapalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa.
Bilang Chair ng Asean, personal ding inimbitahan ni Pangulong Marcos si Putin na dumalo sa ika-21 East Asia Summit na gaganapin sa Maynila sa Nobyembre. | PND

