NOONG nakaraang linggo ay nagkasundo ang Israel at Iran sa isang tigil bombahan o ceasefire matapos ang 12 araw na palitan ng missile sa pagitan ng dalawang bansa. Ang digmaan sa pagitan ng Israel at Iran ay pinalala o pinahupa sa pagpasok ng Estados Unidos sa labanan sa pagbobomba nito ng mga nuclear facililty ng Iran.
May dalawang pananaw sa naging hakbang na ito ng Estados Unidos. Una, nag-aanyaya ito ng paglala ng digmaan dahil maraming bansa sa Gitnang Silangan ang lantarang kumampi na sa Iran at naglahad ng matinding kritisismo sa pagpapaulan ng mga missile ng Israel at Estados Unidos sa mga imprastruktura ng Iran. Ikalawa, ang aksyon ng Estados Unidos ay maituturing pagbibigay daan sa pagpapahupa ng digmaan sa rehiyon. Dahil sa malawak na pinsala sa mga facilidad ng Iran, napilitan itong makipagkasundo sa tigil bombahan nang hindi ito mauwi sa pagwasak ng buong imprastruktura ng bansa. Mukhang ang ikalawang pananaw ay nanaig dahil humupa na ang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa bunga ng kasunduan ng ceasefire.
Humupa na rin ang mga posibleng ekonomikong epekto ng digmaan. Ang presyo ng krudong langis na tumaas sa mahigit ng $80 bawat barrel noong kasagsagan ng digmaan ay bumaba na sa $67 bawat barrel matapos ihayag ang ceasefire.. Kaya’t ang tinatantiyang pagtaas ng inflation rate at malawakang resesyon ay isinantabi na ng mga mananaya na mangyayari sa hinaharap sa ekonomiyang global. Ngunit ang epekto ng digmaan sa palitan ng salapi ng mga bansa ay nananatiling mapanganib pa rin.
Ang digmaan ay maaaring mauwi sa depresasyon ng mga salapi lalo na sa mga papaunlad na bansa. Ang mga pondong inilagak ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga bilihang pananalapi ng mga papaunlad na bansa ay maaaring maglipatan at tumungo sa mga lugar na itinuturing ligtas sa panganib ng digmaan. Kadalasan, ang Estados Unidos ay itinuturing pinakaligtas sa mga panganib dahil ito ang pinakamalaking ekonomiya sa mundo at may pinakamatatag na imprastruktura sa mga bilihang pananalapi. Sa pananaw na ito ang paglilipatan ng pondo tungo sa Estados Unidos ay mauuwi sa apresasyon ang US dolyar at depresasyon ng mga salapi ng bansang nalalagasan ng dayuhang pondo.
Ang problema sa pananaw na ito ay ang Estados Unidos ay hindi na maituturing ligtas na lugar upang paglagakan ng yamang pananalapi dahil nakisangkot na ito sa digmaan. Dahil malaking papel ng Estados Unidos sa digmaan, maaaring magsagawa ang mga kaalyado ng Iran at iba pang bansa ng mga atakeng terorista sa Estados Unidos at iba pang facilitad militar nito sa buong mundo.
Dahil sa mga atakeng ito baka mahinto ang normal na gawaing ekonomiko sa Estados Unidos pati na rin ang mga transaksiyon sa mga bilihang pananalapi. Sa halip na lumipat ang mga pondo sa Estados Unidos mula sa mga papaunlad na bansa baka maglipatan ang mga pondo sa European Union (EU), Gran Britanya at Japan. Ang inaasahang apresasyon ng US dolyar ay maaaring mauwi sa depresasyon kung maglilipatan din ang malawakang pondo mula sa Estados Unidos patungong EU, Gran Britanya at Japan.
Kahit na may potensyal na maglipatan ang pondo, kaya bang tanggapin ng bilihang pananalapi ng EU, Gran Britanya at Japan ang naglilipang pondo? Sa aking palagay, hindi kaya ng EU na tanggapin ang naglilipatang pondo dahil napakalitt ng bilihang pananalapi nito kung ihahambing sa US financial market na halos US 100 trilyon ang yamang pananalapi. Ang halaga ng financial market sa European Union ay halos 0.1% lamang ng halaga ng bilihang pananalapi sa Estados Unidos.
Mahirap ding tanggapin ang posibleng maglipatang pondo sa Gran Britanya na may bilihang pananalapi na halos 38% lamang ng halaga ng bilihang pananalapi sa Estados Unidos. Kahit malaki rin ang bilihang pananalapi ng Japan umabot lamang ito sa halos 12% sa halaga ng yamang pananalapi sa Estados Unidos.
Kung pagsama-samahin ang EU, Japan at Gran Britanya, ito ay halos kalahati na ng halaga ng yamang pananalaping nakalagak sa Estados Unidos. Ang mga pondong pag-aari ng mga dayuhan na nakalagak sa Estados Unidos ay maaaring maglilipatan na tinatantiya na nasa USD 15 trilyon. Ang halagang ito ay kakayaning tanggapin ng tatlong ekonomiya ngunit may mga kundisyon o regulasyon ang mga bansa sa pagtanggap ng mga dayuhang pondo. Sa Japan ang pag-iisyu ng mga bonds ng pamahalaan ay kadalasan ipinagbibili sa mga mamamayan nito at kompanya sa Japan at hindi sa mga dayuhan. Idagdag pa rito walang panlasa ang mga bansa sa EU at Japan na umakit ng dayuhang pondo dahil marami sa kanila ay may Balance of Payments (BOP) surplus. Sobra sobra ang kanilang pondo kaya’t hindi gaano silang nangangailangan ng dayuhang pondo. Marahil ang pwedeng tumanggap ay Gran Britanya dahil sa BOP deficit nito.
Samakatuwid, kahit nagiging mapanganib ang paglalagak ng pondo sa Estados Unidos, walang realistikong alternatibong papalit dito sa lawak at halaga ng mga mga bilihang pananalapi nito.