27.8 C
Manila
Sabado, Mayo 31, 2025

Modelong gawa ng UP, kayang makatuklas ng maagang senyales ng metastasis sa mga pasyenteng may breast cancer

- Advertisement -
- Advertisement -

SA Pilipinas, ang breast cancer ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa mga kababaihan, kung saan mahigit 33,000 bagong kaso ang naitala noong 2022. Noong taon ding iyon, higit 11,000 buhay ang nawala dahil dito, at ito ang ikalawang nangungunang sanhi ng pagkamatay dahil sa kanser sa bansa, kasunod sa lung cancer.

Si Regina Joyce Ferrer ng UPD-CS na sinusuri ang breast cancer organoids. (Larawan kuha ni Dr. Michael Velarde)

Ang mga agresibong uri ng breast cancer ay maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan, isang prosesong tinatawag na metastasis. Ngunit bago ito mangyari, kailangang makapasok muna ang mga cancer cells sa mga ugat at lymphatic system, na siyang nagdadala sa kanila sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang kondisyong ito ay tinatawag na lymphovascular invasion o LVI, at ito ang isa sa mga unang palatandaan ng metastasis para sa mga doktor. Sa ngayon, natutukoy lamang ang LVI sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga tisyu sa paligid ng tumor na tinanggal sa pamamagitan ng operasyon.

Nakagawa ang mga biologist mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ng isang matematikal na modelo na kayang makatukoy ng LVI sa mga pasyenteng may breast cancer nang hindi nangangailangan ng operasyon. Natuklasan din sa kanilang pag-aaral ang ugnayan ng LVI at resistensya sa gamot laban sa kanser, na nagpapaliwanag kung bakit may mga pasyente ng breast cancer na may LVI ang hindi natutulungan ng mga karaniwang gamot laban sa kanser.

“If we can detect LVI earlier, doctors could personalize patient treatment and improve their outcomes. This could help avoid ineffective treatments and focus on strategies that work better for aggressive breast cancer,” ayon kay Dr. Michael Velarde, may-akda ng pag-aaral mula sa UP Diliman College of Science Institute of Biology (UPD-CS IB).

Kasama ni Dr. Velarde sa pag-aaral sina Allen Joy Corachea, Regina Joyce Ferrer, Lance Patrick Ty, at Madeleine Morta ng UPD-CS IB, at mga mananaliksik mula sa Philippine Genome Center at UP Manila.


Bago sumailalim sa operasyon, kadalasang binibigyan ng mga gamot laban sa kanser tulad ng doxorubicin at anthracyclines ang mga pasyente upang paliitin ang tumor. Sa ilang kaso, napaka-epektibo ng gamot kaya’t tuluyang nawawala ang tumor at hindi na kinakailangang operahan. Ngunit sa ibang kaso, bahagya lamang ang pagliit ng tumor, kaya’t kinakailangan pa ring operahan. Sa puntong iyon pa lamang matutukoy kung ang pasyente ay may LVI.

Batay sa datos mula sa 625 breast cancer patients sa Philippine General Hospital, at sa pampublikong datos, napansin ni Dr. Velarde at ng kanyang mga kasamahan na karamihan sa mga pasyenteng may LVI ay may resistensya sa mga gamot laban sa kanser.

Pinatunayan pa nila ang koneksyon ng LVI at resistensya sa gamot sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga tumor sample at pagpapatubo ng organoids – maliliit na bersyon ng organs. Sa kanilang mga pagsusuri, lumabas na mas hindi nga tumutugon sa gamot ang mga organoids na may LVI kumpara sa mga wala nito.

Nadiskubre rin nila na ang ilang genes na responsable sa pag-metabolize ng mga gamot laban sa kanser, tulad ng UGT1 at CYP genes, ay mas marami sa mga pasyenteng may LVI. Kapag mas marami ang mga gene na ito, mas mabilis nasisira ang gamot, at bumababa ang bisa nito. Dahil dito, mas hindi epektibo ang chemotherapy laban sa mga tumor na kalauna’y kumalat sa ibang bahagi ng katawan.

- Advertisement -

Gamit nito, nakagawa sila ng isang regression model na sinusuri ang pattern ng gene expression ng UGT1 at CYP genes. Nahulaan nito ang tamang LVI status bago mag-biopsy at bago ang operasyon sa 92% ng mga kaso.

“Importantly, our approach can be implemented in the Philippines using locally available genomic technologies, making earlier detection and tailored treatment more accessible to Filipino patients,” dagdag ni Dr. Velarde.

Gayunpaman, iginiit ni Dr. Velarde na hindi pa maaaring ipalit ang modelo sa kasalukuyang paraan ng pagtukoy sa LVI. “More validation studies are needed before this can be used in clinics.”

Pinaplano rin ng mga may-akda ng pag-aaral na i-validate ang kanilang resulta sa mas maraming grupo ng mga Pilipinong pasyente. Layunin nilang mas pag-aralan pa ang ugnayan ng UGT1 at CYP genes sa LVI upang makahanap ng kombinasyon ng gamot na mas epektibo para sa mga pasyenteng LVI-positive. “Our goal is to develop a practical test that can be used in Philippine hospitals to guide doctors in choosing the best treatment for each patient,” anya ni Dr. Velarde. Harvey Sapigao

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -