UPANG mapabilis ang pagkamit ng learning recovery sa bansa, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na kailangang tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
“Sa pagbabalik-eskwela ngayong taon, mahalagang maipatupad natin nang maayos ang ARAL Program dahil ang tutorial session na bahagi nito ay para sa mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong. Kailangang tiyakin nating hindi na sila mapag-iiwanan,” ani Gatchalian. Binigyang diin niya ang pangangailangan ng sapat na bilang ng mga tutors para sa programa.
Iniulat kamakailan ng Department of Education na may tatlong milyong mag-aaral ang nangangailangan ng tulong dahil sa mga itinuturing na learning gaps. Itinatag ang ARAL Program sa ilalim ng Republic Act No. 12028 na isinulong ni Gatchalian bilang sponsor at may akda.
Layunin ng naturang programa na tulungan ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 na bumalik o may balak bumalik sa paaralan matapos mahinto sa pag-aaral. Saklaw din ng naturang programa ang mga hindi nakakamit ang minimum proficiency levels sa reading, mathematics, at science, pati na rin ang mga hindi pumapasa sa kanilang mga examination.
Para sa mga mag-aaral sa Grade 1 hanggang 10, tututukan ng programa ang reading at mathematics. Bahagi rin ng programa ang science para sa mga mag-aaral sa Grade 3 hanggang 10.