UNCLE, masama bang maging generous?
Aba hindi, Juan. Maganda nga yun. Ang maging mapagbigay. Bakit mo naman nasabi yan?
Kasi, Uncle, may nagsasabing pag generous ka daw, ikaw ang kawawa sa dulo. Wala ring tutulong sa yo sa bandang huli.
Naku, nangyayari lang yan siguro kung nagbibigay ka ng wala na sa lugar. Yun bang hindi mo naplanong mabuti ang iyong pagbibigay.
Iba’t iba ang paniniwala tungkol sa pagiging generous o mapagbigay.
Isa na dyan ang tinatawag na may ripple effect daw ang generosity. Kung ang binigyan daw ay nabiyayaan, ang nagbigay daw ay mas lalong pagpapalain din. Parang pag may binigay ka daw na kaligayahan sa iba, binubuhay mo din ang iyong misyon o dahilan kung bakit ka nabubuhay sa mundo. Pinapaalala lang din nito na ang pera o salapi ay hindi lamang para sa pangsariling halaga kundi para din sa pagdulot ng positibong impact sa iba.
Nagbabago rin daw ang pagtingin natin sa pera kapag tayo ay mapagbigay. Hindi lang natin titingnan ang pera para sa ating sariling seguridad o bilang paraan para makamit ang ating mga pangarap. Mag-iiba at tataas ang pagtingin sa halaga ng pera na higit pa sa gamit nito para sa mga materyal o makamundong bagay. Mas magkakaroon ng kabuluhan ang pera na magbubukas sa mas mapagpasalamat na pagkatao at sa pagpapahalaga sa kung anong meron ka.
Ang pagiging mapagbigay ay nagdudulot din ng personal fulfilment. Lalo na kung sadyang ang values at prayoridad ng nagbibigay, oras man o pera o iba pang bagay, ay maging generous sa mga taong gusto nilang suportahan.
Sa mga generous sa kanilang mga magulang, kapatid, kamag-anak o kaibigan, mahalaga na merong financial plan para mas mababalanse ang mga personal na pangangailangan at mga pangarap sa buhay sa tulong na gustong iabot sa iba.
Ito ang ilang mga tips:
- Maglagay ng tinatawag na “giving goal” katulad ng savings o investment goals. Puedeng 5-10 porsiyento ng iyong kita, halimbawa, na puedeng dagdagan habang umaakyat ang suweldo o income. Hindi puedeng “sky is the limit”.
- Isama sa monthly budget ang gustong ipamigay na tulong o suporta sa iba. Para maiwasan na mabigla o masorpresa sa mga di inaasahang pangangailangan. At maplanong mabuti ang kayang ipamigay sa budget na nilaan.
- Kailangan mamigay na naayon sa iyong values o sa kung ano ang pinakamahalaga sa iyo. Kung ang pagtulong sa magulang ang nakapagpasaya sa iyo dahil mahal mo sila, gawin mo lang ang nararapat. Sundin mo ang puso mo at kung ano man ang magdudulot sa iyo ng saya, katahimikan at contentment. Hindi ka dapat napipilitang magbigay.
- Ang pamimigay ay hindi lamang sa pera o salapi. Nakakagaan din ng loob kung nakakatanggap yung binibigyan mo ng oras, kakayahan, at iba pa na hindi materyal. Minsan ang kailangan na suporta ay ang makasama ka lang o di kaya’y turuan mo lang sila sa kanilang gustong gawin.
- Ipagdiwang ang iyong acts of generosity. Kalimitan ito ang magpapaalala sa iyo na tama ang iyong ginagawa at kung kakayanin, ay palawigin pa ang pagbibigay na naaayon sa kung ano ang mahalaga sa iyo.
Juan, generous ka ba?