31 C
Manila
Martes, Hunyo 10, 2025

Bigwas ng sambayanan kay Sara

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

MADUGONG labanan ang buong kahambugan na ipinahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na kanyang nais suungin sa napipinto niyang impeachment trial. Ginawa niya ang pahayag oras na matiyak na lamang na sa bilang ang mga senador na kanyang kakampi kontra sa mga kapanalig naman ng administrasyon.

Sa pinakahuling pangyayari, makikitang nagsimula na ang duguan. Isang kopya ng panukalang resolusyon sa senado ang kumalat sa mga mambabatas ng mataas na kapulungan na humihinging patayin ang articles of impeachment na isinumite ng mababang kapulungan sa senado noong Pebrero ng nakaraang taon. Minarapat ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na upuan na lamang muna ang articles of impeachment at intindihin na lamang sa muling pagbubukas ng plenaryo sa Hunyo 2, 2025. Kung bakit muling ipinagpaliban ni Escudero ang pagtalakay ng senado sa impeachment. At kinailangan pang klaruhin ni Minority Floor Leader Koko Pimentel ang mga bagay-bagay upang sa wakas ay tuluyan nang magpasya si Escudero na ikalendaryo ang pagtalakay sa articles of impeachment sa Hunyo 11, 2025.

Batay sa kanyang mga gawi, sadyang ipinagpaliban ni Escudero ang pag-aksyon sa articles of impeachment hanggang sa ultima ora upang maubos na ang panahon ng Ika-19 na Kongreso para talakayin ito. At alinsunod sa mga alituntunin ng senado, ang mga naiwang gawain ng Ika-19 na Kongreso ay hindi na maaaring itawid pa sa susunod na ika-20 Kongreso.

Sa simpleng salita, patay na ang impeachment.

Ito ang dahilan ni Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino upang ideklara na “functionally dismissed” na ang impeachment.


Makikita na may namumuong kilos sa senado na iwasan nang talakayin ang impeachment ni Bise Presidente Sara. Mas magaan na paraan ito kesa sa impeachment trial na mangangailangang magkabilangan pa ng boto ang mga magpaparusa kay Sara at ang mga aabswelto.

Subalit tumayo si Pimentel at pinanindigan na naipahatid na ng Mababang Kapulungan sa Senado ang articles of impeachment at ayon sa iniaatas ng Saligang Batas, ang mga senador ay dapat na buoin ang kanilang mga sarili bilang impeachment trial court at AGAD na dinigin at pagpasyahan ang mga bintang sa Pangalawang Pangulo. Subalit lumipas na ang apat na buwan at wala pa ni anumang hakbang ang nagagawa ang senado. Katwiran ni Escudero, wala pa ang impeachment trial sa mga naikalendaryo na mga dapat gawin ng senado.

Doon naipako ni Pimentel ang kanyang paninindigan. Mismong sa sesyon na iyun, ipinanukala niya na ikalendaryo ang pagbuo ng Senado bilang impeachment trial court at ang pagdinig nito sa impeachment ng Bise Presidente.

Wala nang maatrasan pa si Escudero. Naitakda ang pagsisimula ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

- Advertisement -

Subalit pasubali pa rin ni Escudero, sa anumang usapin, ibabaw lagi ang pagpapasya ng plenaryo.

Kung ano ang desisyon ng plenaryo, iyun ang masusunod.

Sa ganitong kalagayan biglang sumulpot ang alingasngas sa isang panukalang senate resolusyon na tumatangging tanggapin (idismiss) ang articles of impeachment ni Bise Presidente Sara. Tandaan ang pagdidiin ni Escudero na sa lahat ng usapin, ibabaw ang kapasyahan ng plenaryo. Kapag nagpasya ang plenaryo na tanggihan ang articles of impeachment ni Sara, iyun na iyun.

Tapos na ang usapan. Wala nang impeachment trial.

Lusot na si Sara.

Pagtatakhan pa ba na ang umamin na may akda sa panukalang senate resolusyon na iyun  ay isang masugid na alipures ng mga Duterte — si  Senador Ronald “Bato” de la Rosa?

- Advertisement -

Ang di nakuha sa apat na buwang pag-antala sa pagdinig sa sumbong na impeachment, kukunin ngayon sa imbing paramihan ng kakampi sa bilangan.

Kaya kadiin-diinan ni Senate President Escudero, alintuntunin ng senado na sa lahat ng usapin, ibabaw ang plenaryo.

At mauulit natin, kapag sinabi ng plenaryo, iyun na iyun.

Maliban sa, may higit na ibabaw pa sa senado.

Ang sambayanan.

Biglang-bigla, ang mga kilos protesta ay sumabog sa mga lansangan, mga liwasan, mga kampus, at  mismong sa paligid ng senado, nagpupupuyos sa galit na mga mamamayan nanawagan na ituloy na ang matagal na nabinbin na impeachment trial.

Sa social media ay umugong ang mga diskusyon, lahat kumukondena sa malinaw nang pakana na patayin ang impeachment ni Bise Presidente Sara.

Hindi na isyu kung ikaw ay kontra-administrasyon o pro-Duterte. Pinakamahalaga, respetuhin ang kasagraduhan ng konstitusyon.

Sa nakikitang nagawa na ng Bise Presidente na kumbinsihin ang mayorya ng mga senador na ilibre siya, isang babae ang galit na galit na nagpakawala ng panunuya: “Nananawagan ako sa lahat ng senador na supporter ng pamilya Duterte. Mga p******ina ninyo. Gawin nyo nang ligal ang pagnanakaw at korapsyon sa Pilipinas. Wag nyo nang papanagutin si Sara Duterte. Nakakahiya naman sa inyo. Wag kayong mag-alala. Naririto kaming mga taxpayers. Dodoblehin namin ang sipag. Dodoblehin namin ang pagkayod para meron kayong manakaw. Libreng-libre na kayong nakawin ang perang pinagpaguran namin. Wag na kayong mahiya. Mga p*******a nyo!”

Tiyak, ang sarkastikong pahayag ng iisang babae ay sumasalamin sa totoong damdamin ng buong sambayanang nakikitang niyuyurakan ang dangal ng bansang Pilipino subalit wala silang magawa kundi ang lunukin na lamang ito.

Sa harap ng ganitong kawalang pag-asa ng sambayanan na sawatain ang lantarang pagsuway sa saligang batas ng bansa, napakalaking inspirasyon ang pinakahuling kaganapan na ang Simbahang Katoliko ay pursigido nang nakikialam sa usapin.

Pangunahin ang Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (JPIC) ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na kumondena kay Escudero at sa mga kaalyado nitong senador.

Ayon sa CMSP, “Justice delayed is justice denied (Hustisyang inantala ay hustisyang ipinagkait).”

Kinakatawan ng CMSP ang mga religious superiors sa mga kongregasyon na saklaw ng kabuuan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas. At ang paninindigan nito sa usapin ng impeachment ni Sara ay agad na pinangalawahan ng Caritas Pilipinas, ng Ateneo University at ng La Salle University, mga subok na moog ng mga pagbabalikwas para sa pagtatamo ng hustisya sosyal.

Tandaan na iwing pananampalataya ng dalawang milyung Katoliko ang pumigil sa mga tangke militar ng EDSA 1.

Alin sa dalawa, harapin ni Bise Presidente Sara ang paglilitis ng kanyang impeachment o madurog sa panibagong daluyong ng people power.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -