28.5 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Ang agrikultura at kalakalang global 

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ISA sa mga dahilan sa pagtigil ng negosasyon sa patuloy na liberalisasyon sa kalakalang global sa Doha Round sa ilalim ng World Trade Organization (WTO) noong 2007 ay ang mainit na talakayan sa kalakalan sa mga produktong agricultural. Maraming nagtataka kung bakit ang isang napakaliit na ekonomikong sector ay naging sanhi ng paghinto ng negosasyon. Sa Estados Unidos halos 0.8% lamang ng kanilang GDP ang galing sa agrikultura samantalang 1% lang ito sa Japan at 1.3% sa European Union. Kung ganito kaliit ang ambag ng agrikultura sa pambansang kita, bakit napakatindi ng pagtutol ng mga mauunlad na bansa sa panukala ng mga papaunlad na bansa na tanggalin ang sabsidi o tulong ng pamahalaan na ibinibigay ng mga mauunlad na bansa sa kanilang sector ng agrikultura.

Upang maunawaan natin kung saan nagmumula ang marubdob na paninindigan ng mga mauunlad na bansa sagutin natin ang dalawang pangunahing tanong. Una, bakit mahigpit na pinahahalagahan ng mga bansang mauunlad ang kanilang agrikultura? Ikalawa, ano ang epekto ng mga sabsidi sa kalakalang internasyonal?

Sa unang tanong, ang sabsidi sa mga produktong agricultural ay ipinatutupad batay sa mga dahilang ekonomiko, panlipunan at political. Kahit maliiit lamang ang ambag ng agrikultura sa GDP marami pa ring manggagawa ang umaasa ng empleyo mula sa agrikultura. Dahil mas mababa ang presyo ng produktong agrikultural sa bilihang internasyonal kaysa sa bilihang local bunga ng mataas na gastos sa produksiyon at pabago bagong suplay nito bunga ng saganang ani at mga kalamidad, lumiliit ang kita ng mga magsasaka at nawawalan ng komparatibong kalamangan ang mga  produkto sa sector na ito.

Ang Common Agricultural Policy (CAP) ay ipinatutupad sa European Union (EU) ay naglalayong mapatatag ang suplay na pagkain, mapanatiling matatag ang kita ng mga magsasaka at maging masigla ang  kabukiran. Batay sa CAP ang presyo ng asukal ay itinatakda sa mababang antas kaysa sa presyo sa bilihang internasyonal upang hindi makapasok ang mga asukal mula sa ibang bansa ngunit naseseguro ang mataas kita para sa kanilang mga magsasaka. Sa Japan, ang pamahalaan ay nagbibigay ng insentibo sa mga magsasaka na bawasan ang kanilang produksiyon ng bigas upang magtanim ng ibang produkto sa kanilang sakahan nang hindi lumabis ang suplay ng bigas, bumaba ang presyo nito at lumiit ang kita ng mga magsasaka. Samantala, sa Estados Unidos nagbibigay ang pamahalaan mga pautang sa mga magsasaka upang hindi ipagbili ang kanilang sobrang produksiyon ng mais nang hindi bumaba ang presyo nito at lumiit ang kita ng mga magsasaka. Ang labis na suplay ay ginagawang reserba at ipagbibili kapag ang presyo ay tumaas na.

Batay sa tatlong halimbawang nabanggit, ang pinakaugat sa layuning pagsuporta sa mga produktong agricultural ay mapanatiling matatag at sapat ang kita ng mga magsasaka. May dalawang dahilan kung bakit ito ay ipinatutupad. Una, upang hindi lumawak ang agwat ng kita sa pagitan ng mga magsasaka at mga manggagawa sa ibang sector. Ikalawa, may mabigat na kapangyarihang political ang mga magsasaka na nagluluklok ng mga pinuno ng bansa.


Sa ikalawang tanong, suriin natin ang epekto ng mga patakarang ito sa bilihang inernasyonal. Sa bilihan ng asukal, bumababa ang presyo ng asukal sa bilihang internasyonal sa pagpapatupad CAP kaya’t maraming papaunlad ng bansa ang nawalan ng komparatibong kalamangan sa pagluluwas ng asukal.  Sa Japan, ang layuning mapanatiling mataas ang kita ng mga magsasakang nagtatanim ng palay ay nauuwi sa paghihigpit sa pagpasok ng mga murang bigas mula sa mga papaunlad na bansa bunga ng matataas na taripa sa bigas at kota sa pag-aangkat ng bigas. Ang patakaran ng Estados Unidos sa pagbibigay na pautang sa mga prodyuser ng mais ay nauuwi sa matatag na presyo ng mais at sapat na kita sa mga magsasaka ngunit tumataas naman ang presyo ng mais na inaangkat ng maraming papaunlad na bansa bilang patuka sa kanilang inaalagang mga manok at baboy. Dahil sa mga epektong ito makatwiran lamang na hingin ng mga papaunlad na bansa na tanggalin ang mga tulong na nabanggit upang makapasok ang kanilang produktong agrikultural sa mga mauunlad na bansa.

Ang hindi matanggap ng mga bansang papaunlad ay ang doble karang posisyon ng mga mauunlad na ekonomiya. Gusto nilang buksan ang ekonomiya ng mga papaunlad na bansa sa mga iniluluwas na produktong industriyal ng mga mauunlad na bansa ngunit punong puno naman ng mga hadlang sa kalakalan ang mga mauunlad na bansa sa mga produktong agricultural. Mahalaga ang pagluluwas ng produktong agricultural sa mga papaunlad na bansa dahil mataas ang kanilang komparatibong kalamangan  sa mga produktong ito at maraming mamamayan ang umaasa sa agrikultura sa kanilang empleyo at kita. .

Sa maikling sanaysay na ito naipakita natin kung bakit marubdob ang paninindigan ng mga mauunlad na bansa sa pagtatatupad ng mga sabsidi sa agrikultura, sa isang dako, at ang matinding pagtutol ng mga papaunlad na bansa sa patakarang ito, sa kabilang dako.

 

- Advertisement -

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -