31 C
Manila
Martes, Hunyo 10, 2025

Ang kulturang ‘Voodoo’ sa New Orleans at ilang pagkakahawig nito sa kulturang Pinoy  

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikalawa sa serye tungkol sa New Orleans, Louisiana)

NABANGGIT ko sa nakaraang kolum kung paanong naaala ko ang Vigan sa Ilocos Sur nang makita ko ang French Quarter district ng siyudad ng New Orleans sa Louisiana. Nakita ko rin ang ilang pagkakatulad sa pagitan ng estadong ito ng US sa ating bansa. Hindi na kataka-taka sapagkat pareho tayong napasailalim sa Spanish rule: 40 taon ang sa New Orleans, 300 taon ang sa atin.

Habang iniikot ko ang French Quarter, napansin ko na malakas na bahagi ng kanilang kultura ang ‘voodoo.’ Kilala ang naturang lugar sa kanilang mga tindahan at museong pang-voodoo. Katunayan, may isa pa ngang walking tour doon patungkol dito: ang ‘voodoo tour’ na nais puntahan ng aking mga pamangkin. Habang naglalakad ako sa mga kalye ng French Quarter, nakita ko na talaga palang maraming tindahan doon ang nagtitinda ng mga merchandise na pang-voodoo. Nandoon ang kung ano-anong bagay na may kinalaman sa witchcraft, funeral, omen, magic, panghuhula.

Nagulat pa ako na ang isang tagline ng isang shop doon ay may linyang ganito:  ‘may the curse be with you.’ May isa pang shop doon na ang pangalan ay ‘Omen’ na isang psychic parlor at witchcraft emporium pala. Nakita ko rin ang isang shop na kung tawagi’y  ‘Jazz Funeral’ na may tagline pang ‘where people are dying to come in.’ At saan ka pa, nadaanan ko rin doon ang isang ice cream parlor na nagtitinda ng ‘VooDoo’ Dreamsicle (popsicle)!


Ang voodoo ay naging praktis na sa New Orleans ilang dantaon na ang nakararaan kung saan naghalo ang tradisyong African at Haitian sa mga karanasang lokal. Tinawag na ‘New Orleans Voodoo’ o ‘Louisiana Voodoo,’ mababakas ang pagsasanib ng West African Vodou sa Katolisismo at iba pang local practices. Ang kasaysayan ng voodoo ay nakaugnay sa nangyaring slave trade sa Louisiana. Dumating ang praktis ng voodoo sa Louisiana kasabay ng mga inaliping Africans at Haitians. Dala nila ang tradisyong ito at paniniwala (galing pa sa West Africa at Haiti). Kung paano ito naiba sa New Orleans ay nang haluan nila ito ng ilang praktis ng Katolisismo.

Ang ‘Congo Square’ sa siyudad na ito ay ang lugar kung saan nagtitipon-tipon ang mga ‘alipin’ at mga taong hindi-Puti (people of color)  upang isagawa ang kanilang mga sinaunang ritwal at tradisyong voodoo. Hanggang ngayon sa modernong panahon ay patuloy pa rin daw na pinapraktis ang voodoo sa New Orleans. Sa praktis ng voodoo ngayon ay naghahalo raw ang tradisyunal at moderno. Dahil sa interes sa voodoo ng maraming tao doon, marami ang nagsasabi na baka ito na ang pasimula ng Voodoo Renaissance sa New Orleans.

- Advertisement -

May mga ritwal at seremonyas silang ginagawa kaugnay sa voodoo. Gumagamit din sila ng kandila, mga dahon-dahon (herbs), at gayuma (potion) para makiugnay sa mga spirits. Agad nating maiisip ang mga albularyo (herbalists) ng Pilipinas. Isa sa kilalang personalidad sa New Orleans Voodoo ay ang voodoo priestess  na si Marie Laveau na naging tanyag noong ika-19 na dantaon. Naalala ko bigla ang mga kuwentuhan namin dati tungkol sa Capiz patungkol sa kulturang ‘aswang’ na laging iniuugnay sa lalawigan. May binabanggit silang ‘Maria Labo’ na isang aswang daw. Maaaring dito kay Marie Laveau kinuha ang naturang pangalan ng fictitious character na ito sa mga ‘kuwentong aswang’ sa Pilipinas.

Sino si Maria Labo? Siya ay maituturing na isang urban legend sa lalawigan ng Capiz. Siya ang tinutukoy na aswang sa mga kuwentong ganito sa naturang lalawigan. May nagsasabi ring hindi siya taga-Capiz kundi taga-Iloilo. Bilang isang aswang, sinasabing kaya niyang mag-iba-iba ng anyo. Madalas ay mga tao ang kanyang biktima, partikular ang mga buntis. Ang ‘labo’ raw (kung saan kinuha ang apelyidong ‘Labo’) ay isang salitang Hiligaynon para sa ‘tinaga’ sapagkat sinasabing siya’y tinaga sa mukha ng kanyang asawa matapos daw niyang kainin ang kanilang mga anak. Maaari raw nanggaling ang kuwentong ito sa isang programa sa radyo na may ganoong tauhan upang takutin ang mga tagapakinig.

Pero may pagkakaiba ang dalawang ‘Marya.’ Si Marie Laveau ng New Orleans ay isang priestess (o babaylan) na may pambihirang galing sa panggagamot at kayang makiugnay sa mga ispiritu. Samantala, si Maria Labo ng Capiz ay isang aswang, isang nilalang na may kakayahang mag-iba-iba ng anyo: minsa’y tao, minsa’y hayop (aso, baboy, pusa). Puwede rin daw na isang bampira o mangkukulam. Ang aswang sa mitolohiyang Pilipino ay nilalang na nananakit at kumakain ng dugo, lamang-loob (internal organs), at mga sanggol (fetus) na nasa sinapupunan pa ng mga ina.

Sa pagkabanggit ng withcraft kaakibat ng kulturang voodoo sa New Orleans, bumalik din sa aking gunita ang isang pagkakatong nadalaw ko ang Isla ng Siquijor sa Kabisayaan. Napakagandang lalawigan nito na napaliligiran ng magagandang dalampasigan. Pero kapag binanggit ang pangalan ng probinsiya, agad itong naiuugnay sa pambabarang (witchcraft), madyik, at folk healing, kung kaya’t kilala rin ito bilang ‘mystic island.’ Ang pambihira sa kanilang kultura ay ang pagbibigkis nila sa Katolisismo sa mga sinaunang ‘shamanic practices’ na nagbunga ng mga kakaibang ritwal at paniniwala na may kaugnayan sa panggagamot. Pansinin na may ganito ring pagbibigkis sa Katolisismo sa kulturang voodoo ng New Orleans.

- Advertisement -

Mula sa Dumaguete City (malapit sa daungan sa harap ng kilalang Silliman University) ay mapupuntahan ang Siquijor, ang pinakamaliit na probinsiya sa Visayas, sakay ng isang ferry boat sa loob ng 30-40 minuto. Sadyang kilala ang Siquijor sa reputasyon nito bilang sentro ng pambabarang (witchcraft) o pananambal (healing). Sa buong bansa ay ito lamang ang sinasabing lalawigang may ganitong kultura. Katunayan, may pangambang naramdaman ang ilan na unang beses pa lang maglilibot doon.

“Huwag kang tatanggap ng inuming tubig mula sa ibang tao pagdating mo ng Siquijor. Baka sumakit ang tiyan mo!” Gayon ang ipinayo sa akin ng isang kaibigan nang malamang tutungo ako sa lalawigang ito. Labis akong nagtaka kung bakit may gayong paalala. Pero nalimutan ko ang lahat ng kanilang sinabi patungkol sa isla at sa mga naninirahan dito nang dumaong ang ferry boat namin sa Siquijor. Sinalubong ako ng mapuputing buhangin sa mga dalampasigan nito. Kay gandang lalawigan!

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -