27.1 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 25, 2025

Legarda, kinilala ang social workers ng bansa; nanawagan para sa regularisasyon at marangal na kondisyon sa trabaho

- Advertisement -
- Advertisement -

PINARANGALAN ni Senadora Loren Legarda ang mga natatanging kalalakihan at kababaihang nagsisilbing lifeline ng pagtugon at serbisyong panlipunan ng bansa, kasabay ng panawagan para sa mas matibay na suporta sa regularisasyon para sa libu-libong social worker sa Pilipinas.

“Ang mga social worker ay hindi lamang mahalaga; sila ay walang kapalit. Sa oras ng pangangailangan, sila ang unang tumutugon. Hindi tahimik ang kanilang serbisyo, kundi matapang, visible, at tunay na nakapagpapabago ng buhay,” pahayag ni Legarda.

Binigyang-diin ng four-term senator ang mahalagang papel ng mga ito sa paghahatid ng medikal na tulong, suporta sa edukasyon, ayuda sa libing at food assistance, serbisyong psychosocial, at agarang tulong pinansyal.

Ibinahagi rin ni Legarda na may social worker na bahagi ng kanyang opisina, at malaki umano ang naging ambag nito sa pagpapalakas ng kanilang outreach at social protection programs.

“Isa sa pinakamagandang desisyon ang pagkuha namin ng isang lisensyadong social worker sa aming team. Dahil sa kanyang malasakit, kaalaman, at lalim ng pag-unawa sa pangangailangan ng mga tao, mas umangat ang kalidad ng aming paglilingkod,” aniya.

Kasabay ng pagkilalang ito, nanawagan din si Legarda ng agarang aksyon:

“Panahon na upang i-regularize ang ating mga social worker, lalo na ang mga nasa DSWD na tinaguriang ‘Angels in Red Vests,’ gayundin ang mga nasa lokal na pamahalaan na hanggang ngayon ay naka-job order o contract of service pa rin. Paano natin maaasahan ang tuluy-tuloy na pagkalinga mula sa mga walang kasiguruhan sa trabaho? Hindi lamang ito isyu sa paggawa kundi isa rin itong moral na usapin.”

Binigyang-diin ng senadora ang kahalagahan ng pamumuhunan para sa kapakanan ng mga social worker, lalo’t madalas silang naitatalaga sa mga mapanganib at mabibigat na sitwasyon.

“Sa ating pagkilala sa kanilang trabaho, samahan natin ito ng konkretong polisiya. Ang mga social worker ay hindi lang dapat palakpakan; dapat silang protektahan, suportahan, at bigyang kapangyarihan,” pagtatapos ni Legarda.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -