NITONG nakaraang linggo ay dinayo namin ang Hampton Beach dito sa New Hampshire. Sabi ng aking kapatid na nurse na si Leah, maganda raw ang mga sand sculptures na matatagpuan sa dalampasigan ng Hampton. May kumpetisyon daw na ginagawa rito taon-taon tampok ang mga mahuhusay na sand sculptors mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Para higit akong makumbinsi, ipinakita pa niya sa akin ang mga retratong kuha nila nang pinuntahan nila ang mga sand sculptures doon nang mga nagdaang taon.
Kahanga-hanga! ‘Yun ang agad kong nasabi nang masaksihan ang mga eskulturang ito sa pinong buhangin ng Hampton Beach. Nababakuran ang mga ito doon sa isang area ng beach (kung saan ay hindi mo mahahawakan ang naturang sand sculptures). Baka nga naman kasi may makaisip na buwagin ang mga ito! Mula sa kinalalagyan nito ay talaga namang tanaw na tanaw ang mga pambihirang eskulturang buhangin. Free viewing! Kadalasan, di kalayuan sa kinalalagyang lugar ng sand sculptures ay makikita ang maraming tao na nasa beach: nagsa-sun bathing, naglalakad, naglalangoy, nagtatakbuhan, may mga nakatayo pang tents.
Pero hindi ganito ang eksena nang dumating kami. Paano kasi, sa napili naming araw nang pagbisita rito ay may nakatakda palang pag-ulan. Hindi na naman namin ito ini-reschedule sapagkat nagkataong ‘yun ang araw na walang duty ang kapatid ko (isa siyang nurse sa Concord Hospital) gayon din ang aking bayaw na isa ring nurse (at naglilingkod sa isang nursing home sa naturang lungsod). Kahit pumapatak-patak ang ulan ay nakita ko ang mga pambihirang sand sculptures. Namangha ako na kahit umuulan ay hindi nawawala sa porma ang pigura ng mga sand sculptures!
“Paano kayang hindi nabubuwag ang mga sand sculptures?” manghang tanong ng aking ina. Ilang araw nga namang nakatayo ang mga ito na mistulang exhibit sa dalampasigan. May ginagamit bang spray o glue upang hindi matibag ang mga buhangin? Naisip kong bigla ang spray net ni Nanay na kanyang ginagamit upang ihulma ang kanyang buhok sa nais nitong porma. Ganoon din kaya ang mga sand sculptures?
Naalala ko ang mga sand castles na nakikita ko sa isla ng Boracay kapag naglalakad ako sa beach front nito. Kay gaganda ng mga ito, di ba? Malinaw na nakaukit sa kastilyong buhangin ang pangalang ‘Boracay Beach’ at ang petsa ng araw (na nagbabago-bago araw-araw hangga’t hindi pa gumuguho ang mga buhangin). ‘Yun ang pinakamalapit na imahen sa akin ng isang sand sculpture. Paminsan-minsan, may hugis ng sirena o isda o bulaklak akong nakikita. O kaya’y nakaukit ang pangalan ng isang tao.
Isang bagay pa, may bayad kapag nagpakuha ka ng larawan sa mga Boracay sand castles sa anyong ‘donation.’ Ang nagtayo nito ang siya na ring naniningil ng ‘donation’ at nagsisilbing photographer (gamit ang personal mong cellphone o camera). Maganda rin naman silang pumitik ng camera! Pero kahit may bayad, talaga namang hindi kami pumapayag na matapos ang pagbabakasyon sa Boracay na walang larawan ng ganitong sand sculpture. Para bang mortal sin na nagbakasyon ka doon pero hindi ka naman nagpa-picture dito!

Nang ipag-utos ng dating Pangulo na linisin ang isla ng Boracay, hindi na pinahintulutan pa ulit ang pagtatayo ng ganitong mga kastilyong buhangin sa beach front. Ayon sa mga opisyal ng isla, nasisira raw ang ayos ng mga pinong-pinong buhangin (na mala-pulbos) kapag umuuka ng mga buhanging ginagamit sa paglikha ng sand sculpture. Oo nga naman, may katwiran. Sumasang-ayon ako sa naturang tuntunin sa Boracay beach front upang mapreserba ang kagandahan nito.
Paano nga ba nagsimula ang tradisyon nang pagtatayo ng mga sand sculptures? Taong 2000 nang magsimula ang taunang Sand Sculpture Event sa Hampton Beach ng New Hampshire. Kinumisyon daw ng US Mint ang master sand sculptor na si Greg Grady na lumikha ng isang ‘larger than life’ replica ng isang coin – ang bagong ‘tail side’ ng coin na 25 cents (tinatawag ding ‘New Hampshire quarter’) para sa Hampton Beach Children’s Festival. Ito’y bahagi ng selebrasyon ng buong estado ng New Hampshire para sa pagre-release noon ng naturang coin sa publiko. Naging patok ito sa mga tao.
Nang sumunod na taon, 2001, ginanap ang kauna-unahang Hampton Beach Sand Sculpture competition. Upang hindi umuka at gumamit ng buhangin ng naturang dalampasigan, tinatayang may 220 tonelada ng imported na buhangin ang dinala ng mga trak sa naturang beach, sa pangunguna ni Greg Grady. Pumili sila ng sampung tao na itinuturing na world class masters pagdating sa pagtatayo ng sand sculptures. Tatlong araw ang ibinigay sa kanila upang buuin ang kani-kanilang piyesa. Mula sa mga tumpok ng buhangin ay ipinanganak ang mga eskulturang hinahangaan ng marami gamit ang buhangin (siyempre), tubig, at malikot na imahinasyon!
Kapag nakumpleto na ang ginawang sand sculpture, iniispreyan ito ng ‘windscreen’ (isang uri ng solution na pinaghalo ang school glue at tubig). Ito ang sagot sa tanong ng aking nanay sa kung paanong hindi agad-agad nabubuwag ang mga sand sculptures. Nag-i-spray ng windscreen sa bawat sand sculpture para mapangalagaan ang mga ito laban sa malakas na hangin at ulan; at upang mapanatiling nakatayo ito sa loob ng ilang linggo. Dahil dito, nagkakaroon ng free viewing ng mga world class sand sculptures sa Hampton Beach. Salamat sa ‘windscreen’ spray solution, nadatnan naming matikas na nakatayo ang mga naturang sand sculptures.
Dinarayo ang mga sand sculptures ng maraming tao! Walang lubay ang masasaksihan mong turista na panay ang klik ng kani-kanilang kamera (cellphone man o tradisyunal na camera). Ngayong taong ito, muli ay sampung tao (na eksperto sa sand sculpting) ang naglaban-laban para sa malaking premyo ($25,000.00; humigit-kumulang sa P1.4 milyong piso). May ibinibigay din silang free lesson sa sining ng sand sculpting. Kahit sa gabi ay naiilawan ang mga naturang sand sculptures. May nagsasabi rin na ito’y ‘part sculpture at part performance art.’

Sa susunod kong pagbisita sa bahaging ito ng Amerika, nais kong muling madalaw ang Hampton Beach sa panahong nakatayo na ulit ang mga pinakamagagarang eskulturang buhangin ng daigdig.