“Kung hindi ko sinabi yung sinabi ko sa SONA, wala tayong pinag-uusapan na ganito. I’m the one who exposed all of this.”
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado (oras sa Canada) nang tanungin kung sapat na ba ang nagawa ng administrasyon upang tuparin ang pangako nitong sugpuin ang katiwalian matapos ang hamon na inilatag niya sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon.
Iginiit ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang kampanya laban sa korapsyon, kasunod ng mga imbestigasyong nagbunyag ng matagal nang umiiral na mga iregularidad na nagsimula pa bago ang kanyang panunungkulan at nangangailangan ng mga reporma sa sistema at pagbabago sa kultura ng pamahalaan.
“Well, I cannot say that we have done enough because we are not done yet. Unfortunately, the more we look, the more we find,” ayon sa Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang mga ini-imbestigahang iregularidad ay hindi nagsimula sa ilalim ng kanyang administrasyon, at tinukoy ang mga isyung matagal nang ibinabato kaugnay ng mga flood control project.
“And it is going already back beyond my administration, beyond my term,” ani ng Pangulo. “If you remember, I think it was in 2018 already, the minority floor leader in the House, Nonoy Andaya, already said that he had uncovered a 300-plus billion flood control mess,” dagdag ng Pangulo.
(At umaabot na ito bago pa man ang aking administrasyon, bago pa man ang aking termino,” ani ng Pangulo. “Kung inyong matatandaan, sa tingin ko noong 2018 pa lamang ay sinabi na ng minority floor leader sa Kamara, si Nonoy Andaya, na natuklasan niya ang mahigit PhP300 bilyong anomalya sa mga flood control project.)
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pattern sa umano’y mga anomalya ay maaring matunton noong 2017 at 2018 at bagama’t nakita na noon ang problema, wala namang napanagot.
“So when we look at what happened last year or the year before, then we can see that the pattern extends beyond 2022, back beyond 2022, and back to about that time, 2017-2018,” ani ni Pangulong Marcos.
(Kaya kapag tiningnan natin ang mga nangyari noong nakaraang taon o noong isang taon, makikita nating ang pattern ng mga iregularidad ay hindi lamang nagsimula noong 2022. Umaabot pa ito sa mga panahong bago ang 2022, hanggang sa mga taong 2017 at 2018.)
Idinagdag pa ng Pangulo:
“At the time, President (Rodrigo) Duterte acknowledged that there were great problems in terms of the flood control projects. Pero wala namang nangyari. Having acknowledged it, it did not find accountability in anybody. So I guess that was left up to me. And so we are still doing it. We’re still working on it.”
(Noong panahong iyon, kinilala ni Pangulong (Rodrigo) Duterte na may malalaking problema sa mga proyekto sa flood control. Pero wala namang nangyari. Matapos itong kilalanin, wala namang napanagot. Kaya sa tingin ko, naiwan sa akin ang responsibilidad na tugunan ito. Kaya patuloy pa rin namin itong ginagawa. Patuloy pa rin namin itong tinututukan.)
Ayon sa Pangulo, may mga bagong kaso pang natutuklasan sa isinasagawang imbestigasyon, na lalo lamang nagpapakita ng pangangailangan para sa mas malawak na reporma.
“As I said, the more we look, the more we investigate, the more we find,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Inilarawan din ng Pangulo ang korapsyon bilang isang malalim na ugat na suliranin na hindi matutugunan sa pamamagitan lamang ng mga imbestigasyon, kundi nangangailangan din ng pagbabago sa sistema ng pamamahala at sa kultura ng mga institusyon ng gobyerno.
“This is a deep-seated system of corruption that requires not only structural changes in the way government is run, in the way the budget is written, but also a change in attitude,” ani ni Pangulong Marcos. “That’s the hardest part to change — the culture within government,” pahayag pa ng Pangulo.
(Ito ay isang malalim nang nakaugat na sistema ng korapsyon na nangangailangan hindi lamang ng mga repormang estruktural sa paraan ng pamamahala at sa proseso ng pagbuo ng badyet, kundi pati na rin ng pagbabago sa pananaw at pag-uugali,” ani ni Pangulong Marcos. “Iyan ang pinakamahirap baguhin—ang kultura sa loob ng pamahalaan.)
Nang tanungin tungkol sa mga batikos ng kanyang mga kalaban sa pulitika na ginagamit ang isyu ng korapsyon laban sa kanyang administrasyon, ipinagtanggol ni Pangulong Marcos ang mga hakbang ng pamahalaan at sinabing ang kanyang administrasyon ang unang kumilos upang imbestigahan ang mga isyung ito.
“And I’m the only one that has started to do anything about this,” aniya.
Binanggit din ng Pangulo ang mga hakbang na isinagawa laban sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa mga iregularidad.
“Bakit ang mga nakaraang Pangulo, nakakita ba kayong ginawang gano’n? Meron ba silang kinulong? Meron ba silang pi-freeze na accounts? Meron ba silang mga investigation na ginawa? Wala,” ani ng Pangulo.
“Tapos sasabihin, ako daw ang may kagagawan. Eh kung talagang racket ko ‘yun, bakit ko sisirain ‘yung racket ko? Di ba? That makes absolutely no sense,” diin ni Pangulong Marcos.
Matapos ang naging pahayag ni Pangulong Marcos na “Mahiya naman kayo,” nagsampa ang Department of Justice at ang Office of the Ombudsman ng ilang kaso laban sa ilang indibidwal dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa mga iregularidad sa mga flood control project.
Muling tiniyak ng Pangulo na nananatiling determinado ang kanyang administrasyon na papanagutin ang mga sangkot at isulong ang mga repormang magpapalakas sa transparency, integridad, at pananagutan sa pamahalaan. | PND

