TANAWIN natin ang ganitong sitwasyon hinggil sa trabahong naghihintay sa mundong batbat ng AI. Iisa lang ang magiging tawag sa frontline at back-office entry-level job ng mga magsisipagtapos ng kurso sa kolehiyo—prompt specialist. Paaandarin na ng AI ang buong operasyon ng baseline work ng kompanya at negosyo. Apektado rito ang mga trabaho ng staff sa finance & accounting, human resources, logistics, legal, customer relations, marketing & advertising at iba pa. Ang mga trabahong kailangan ng encoding, routine office writing, organisasyon ng rekord, pagbubuod ng nilalaman ng files, paggawa ng report at presentation decks, pag-compute ng gastusin at iba pang pinansyal na transaksyon—ilan lamang ito at marami pang iba—ang kukunin na ng AI. Kailangan pa rin ng staff, subalit kung dati’y sampu sila, ngayon isa na lang ang kailangan sa bawat opisina. Marami ang mawawalan ng trabaho. Maraming mahihirapang makahanap ng trabaho kung hindi sila bihasa sa AI. Kung bihasa ka at mahusay sa AI, tiyak na para sa kanya ang trabahong naghihintay bilang prompt specialist. Siya ang susulat ng prompt para gawin ng AI ang kailangang gawin sa frontline at back office work ng kompanya.
Isang graduate sa kolehiyo ang nagsabi sa akin na nahihirapan siyang makahanap ng trabaho. Tapos siya ng Multimedia Arts. Sabi niya, marami sa mga kumpanya ang gumagamit na ng AI para sa image at video generation na kailangan sa graphic designing, publication materials, at small-and large-format advertising. Imbes na mag-hire ng graphic designer, nandiyan ang AI na sopistikadong nakakagawa ng iba’t ibang disenyo. Mura ang AI kaysa kumuha ng permanenteng empleyado o kaya’y project-based staff o freelancer. Hindi nagbabayad ng buwis ang AI. Walang benepisyong kailangan. Hindi kailangang i-tenure ang AI. Samakatuwid, malaking tipid ito sa mga negosyante at kapitalista upang ma-maximize ang kanilang kita. Kailangan lang nila ng subskripsiyon sa Enterprise AI plan at ilang prompt specialists na fresh graduates ng kolehiyo. Biruin mo, magtatapos ka ng apat na taong kurso para maging prompt specialist lamang. Nakababahalang pangitain ito.
Ano nga ba ang epekto ng AI sa pag-eempleyo? Sa ulat ng World Economic Forum, pagdating ng 2030, 92 milyong trabaho ang inaasahang mapapalitan o madi-displace dahil sa AI at automation. Malawakan din ang pagtatanggal ng mga empleyado dahil dito. Ngayong 2026, naiulat na 150,000 katao ang apektado ng lay-off 150,000 katao ang apektado ng lay-off sa buong mundo. Sa nasabing ulat, pulos tech companies ang nagtatanggal ng empleyado dahil sa AI at automation, tulad ng Amazon, DELL, Intel, at Microsoft. Kaya hindi kataka-taka na maraming estudyante ang nababahala tulad ng napaulat na pambubulyaw sa commencement speaker sa University of Arizona nang sabihin niyang ang AI ang “next industrial revolution.” Mayroon ba silang trabahong makukuha kung ang lahat ay nakasalalay na sa AI?
Wake-up call ito para sa mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Saan ba talaga natin inihahanda ang ating mga estudyante kapag nagtapos na sila? Nagmamadali tayong i-upskill ang mga estudyante sa AI nang hindi sinusuri kung ano rin ang mga negatibong epekto nito sa edukasyon, pag-eempleyo, negosyo, kalikasan, at lipunan sa kabuuan. Hindi lang estudyante, kundi faculty na sapilitang pinapakuha ng pagsasanay sa AI. Wala na bang puwang para sa pagtutol at kritikal na diskurso sa akademya? Nagiging sunod-sunuran na lang tayo sa pagsinok ng panahon—uso ang AI, kaya tara, sumama na tayo. Kung apektado ang frontline at back-office work bilang entry-level job ng mga estudyante, anong pagbabago ang kailangan natin sa ating mga kurikulum? Hindi natin maitatanggi ang realidad na ang unang hangad ng mga estudyante ay magkaroon ng trabaho upang makatulong sa pamilya, lalo na yaong nagmula sa kahirapan. Paiigtingin ng ganitong bulag na polisiyang pagyakap sa AI ang digital divide sa ating lipunan. Napapanahon na naglabas ang Vatican ng encyclical na pinamagatang Magnifica Humanitas, na nagsasabing ang dangal ng tao at kanyang kadakilaan at kabutihan ang higit na mahalaga sa gitna ng pamamayagpag ng AI. Idinidiin ng Santo Papa na ang AI ay kasangkapan ng sangkatauhan at hindi ang kabaligtaran nito. Matalas din ang pahayag ng bagong labas na Preliminary Report of the Independent International Scientific Panel on AI ng United Nations. Kasama sa ekspertong umupo sa panel na iyan si Maria Ressa ng Rappler at kilalang Nobel Laureate for Peace. Ayon sa dokumentong inilabas nila:
“Economic and labour gains and their equitable distribution are not automatic: with complementary investments in skills, workflows, infrastructure and labour-market institutions, technology can create new jobs that do not exist right now – over 60% of jobs in 2018 compared to 1945 are new. Without these investments, AI risks widening inequality, displacing workers and shifting wealth from labour to capital rather than creating sustainable good jobs – those with fair compensation, worker autonomy and a reliable path to social dignity.”
Binabalanse ng ulat na ito ang kakayahan ng AI na lumikha ng mga bagong trabaho at maging ang mga banta nito sa kawalan ng trabaho at oportunidad. Subalit imbes na trabahong likha ng AI, bakit hindi natin pagtuunan ng pansin ang paglikha ng mga trabahong kailangan ng ating bansa? Balik tayo sa kurikulum at mga kurso sa kolehiyo. Kailangang pag-isipan nang maigi kung anong sektor ng lipunan at uri ng propesyon ang kailangang paunlarin na hindi kailangang nakadepende sa AI. Halimbawa: mga kurso sa agrikultura, agribusiness, at food science; higit pang pagpapahusay sa propesyon ng medisina, nursing, at allied medical sciences; propesyonalisasyon ng pagkakapintero, pagiging electrician, at pagmemekaniko na sa ibang bansa ay mataas ang bayad; higit pang suporta sa mga edukador, guro, mentor, at tagapagsanay; at gayundin sa mga engineer, innovator, at creative artists. Alam nating nadadaplisan din ng AI ang mga trabaho at propesyong nabanggit. Subalit diyan papasok ang kahalagahan ng liberal na edukasyon (general education curriculum) bilang pundasyon ng kanilang pagkatuto, pagkatao, at pakikipagkapwa-tao. Hindi pa natin natatanaw sa hinaharap na magkakaroon ng AI na kayang maging surgeon, mag-alaga ng may sakit, o palitan ang mga nabanggit na trabaho at propesyon. Hindi pa natin natatanaw ang AI na kayang maging tao. Kung mangyayari man iyon, hahayaan ba nating mangyari ito? Hindi lang trabaho ang mawawala sa atin kundi ang kalayaang mag-isip bilang tao at maging tao.

