ANG usapin ng mental health ay unti-unti nang nagkakaroon ng mas malaking puwang sa talakayan at talastasan sa paaralan, midya at pampublikong patakaran. Subalit marami-rami pa ring mga hamon ang kailangang bakahin at igpawan upang ito ay ganap na maunawaan ng lahat at matugunan bilang batayang karapatang pantao. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang paalala at panuntunan upang mapalakas ang adbokasiya para sa kalusugang pangkaisipan bilang isa sa mga pambansang prayoridad.
- Bigyang-diin ang malaking ambag ng mental health sa katuparan at kaganapan ng pontensyal ng bawat indibidwal sa personal, propesyonal at panlipunang larangan. Maaari ring basahin ang nakaraang artikulo na may kaugnayan sa paksa bilang panimula: Mental Health 101 – Pinoy Peryodiko.
- Tandaan ang sentral na papel na ginagampanan ng komunikasyon sa pagbibigkis at pagpapaunlad ng personal at panlipunang relasyon. Kaugnay nito, mahalaga ang pagpapayabong ng solidaridad sa komunidad sa kapanatagan ng kalooban ng bawat isa. Kritikal ang papel ng komunikasyon sa prosesong ito.
- Isaisip at isaloob ang kaugnayan ng etimolohiya ng komunidad (mula sa salitang Latin na communis na ang ibig sabihin ay “common”) at komunikasyon (mula sa salitang Latin na communicare na ang ibig sabihin ay “to share”) bilang mga magkakawing na konsepto sa pakikipagkapwa at pakikitungo.
- Palaganapin ang kaalaman at kamalayan ukol sa mental health at mental disorder upang matugunan ang mga mito at miskonsepsyon kagaya ng pananaw na mararahas (o bayolente) ang mga may mental health condition. Sa katotohanan, ang mga may ganitong kalagayan pa nga ang kadalasang biktima ng karahasan.
- Gamitin ang midya, komunikasyon at edukasyon upang maging bahagi ang kalusugang pangkaisipan ng malaya at responsableng talakayan.
- Ipaloob ang mental health sa formal, non-formal at informal education. Subalit inaasahang ginagabayan ang pagtuturo at pagtalakay ng pinakamataas na etikal na pamantayan.
- Gumamit ng payak na pananalita sa pagpapaliwanag ukol sa kalusugang pangkaisipan upang maunawaan ng mas nakararami.
- Hamunin ang kinagisnang pananaw na ang larangan ng mental health ay eksklusibo at tumutukoy lamang sa mga mental health professional.
- Kilalanin ang lumalalang problema kaugnay ng mental health disorder sa bansa, lalo na sa hanay ng mga bulnerableng kabataan.
- Ilantad at hamunin ang hindi pantay na serbisyong pangkalusugan na tinatamasa ng mga mamamayan mula sa iba’t iba sosyo-ekonomikong antas sa lipunan.
- Tiyaking demokratiko ang akses sa mental health services sa parehong pook urban o rural man.
- Tiyakin din na maging sensitibo ang mental health services sa iba’t ibang kasarian, lalo na sa hanay ng mga kabilang sa sexually marginalized.
- Palakasin ang kampanya para mapunan ang pangangailangan para sa mas maraming mental health care professional, lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA).
- Itampok ang kahalagahan ng pakikipagkapwa, pagkakaibigan at magandang samahan bilang kritikal na salik sa kalusugang pangkaisipan.
- Maging sensitibong tagapakinig sa damdamin at alalahanin ng ibang tao. Maging maagap din sa mga nakikitang warning sign sa hanay ng mga bulnerable.
- Isulong ang karapatan ng bawat isa sa tamang nutrisyon, sapat na tulog at regular na ehersisyo sa pagpapanatili ng kalusugang pangkaisipan.
- Ipanawagan ang isang sistemang pangkalusugan na may mahigpit na ugnayan at tambalan ang iba’t ibang building blocks kabilang ang serbisyong pangkalusugan, manggagawang pangkalusugan, badyet pangkalusugan, medikal na suplay, impormasyong pangkalusugan at patakaran at pamamahalang pangkalusugan.
- Tukuyin at imapa ang mga istruktural na sagka o balakid (structural barriers) sa akses sa mental health services kagaya ng financial divide, geographical gap, gender bias at fragmented health care delivery.
- Tukuyin at imapa rin ang mga service at treatment gap upang matugunan sa pamamagitan ng iba’t ibang estratehiya, antas at dimensyon.
- Maglaan ng sapat na rekurso upang matiyak na may crisis support sa iba’t ibang ahensiya at komunidad.
- Tugunan ang substance abuse kagaya ng drug at alcohol abuse bilang parehong usaping medikal at panlipunan.
- Gamitin ang intersectional social exclusion ni Crenshaw at wheel of power/privilege ni Duckworth upang ilantad ang mga nagsasanib na kalunos-lunos na kondisyon at hindi pagkakapantay-pantay ng antas ng bulnerabilidad ng ibat’t ibang grupo at sektor sa lipunan.
- Suportahan ang mga kurso at larangan kagaya ng psychology, psychiatry at behavioral science upang mas mapag-aralan ang mental health lalo na ng mga bulnerableng populasyon.
- Isulong ang self-change (micro), institutional change (meso) at societal change (macro) upang tugunan ang mga usaping may kinalaman sa kalusugang pangkaisipan. Itambal din ang meta-change na tumutukoy sa kinakailangang pagbabago sa ating pagdadalumat at pagpapatupad mismo ng pagbabago.
- Isulong ang patient safety, patient rights at patient empowerment upang maprotektahan ang kanilang kapakanan, integridad at pagkatao.
- Paigtingin ang peer support sa hanay ng mga pasyente at kanilang pamilya upang mapagtibay ang kultura ng agapayan at pakikipagkapwa. Sa pamamagitan nito ay matututo at makahuhugot sila ng lakas sa isa’t isa.
- Bumuo at palakasin ang mga civil society organization (CSO) na nagsusulong ng mental health sa pambansa at pangkomunidad na antas. Dapat magkaroon ng malakas na multisektoral na katangian ang adbokasiyang ito.
- Paigtingin ang kampanya ukol sa mental health gamit ang tambalan ng kaalaman, kasanayan at pagpapahalaga mula sa psychology/psychiatry at development communication.
- Gamitin din ang mga kaalaman, kasanayan at pagpapahalaga mula sa health communication upang epektibong maisulong ang kalusugang pangkaisipan para sa lahat. Maaaring pagbatayan ang mga munting artikulong ito bilang lunsaran:
Health Communication 101 – Pinoy Peryodiko
Public Health Communication 101 – Pinoy Peryodiko
Public Health Communication Praxis 101 – Pinoy Peryodiko - Paigtingin ang kampanya na maisulong ang responsableng pag-uulat sa larangan ng midya upang maiwasan ang “suicide contagion.” Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa sensationalized reporting. Iwasan din dapat ang pagbibigay ng labis na grapikong detalye sa pangyayari.
- Bigyang-diin din sa pagbabalita at lathalain ang mga istorya ng pag-asa at tagumpay upang lampasan ang mga hamon ng buhay (positive psychology).
- Katuwangin ang mga kabataan sa pagsusulong ng kalusugang pangkaisipan dahil may malaking potensiyal ang kanilang sektor bilang puwersa ng pagbabagong panlipunan.
- Tiyaking ligtas na espasyo rin ang cyberspace para sa kalusugang pangkaisipan. Labanan ng cyberbullying at isulong ang online psychological safety.
- Palakasin ang kultura ng health-seeking at care-seeking behavior upang agaran at tuwirang makatulong at makaagapay sa nangangailangan.
- Ipaloob sa kurikulum ang mental health promotion bilang isa sa mga life skill na dapat malinang ng mga mag-aaral.
- Hamunin ang mga kinauukulan na isama sa kanilang electoral, governance at development agenda ang mental health. Hindi ito dapat maging tokenistic, tangential at afterthought lamang.
- Palakasin ang multisektoral na pananaw at pananagutan upang solusyonan ang mga batayan at istruktural na sanhi ng mental disorders. Bukod sa klinikal na pagsipat, dapat din itong tingnan bilang panlipunan at pangkomunidad na usapin.
- Magtaguyod ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay, pagkalinga, malasakit at respeto sa karapatang pantao dahil nag-aambag ang mga ito ng kapanatagan ng kaisipan at damdamin.
Bilang pagbubuo(d), tandaan na kailangang pagtambalin ang awareness at action upang maisulong ang kalusugang pangkaisipan. Sumasaklaw ito dapat sa buong care continuum mula promotion, prevention, treatment hanggang recovery. Bilang isang usapin na may kinalaman sa panlipunang hustisya, ang adbokasiya para sa kalusugang pangkaisipan ay kinakailangang
tagus-tagusan mula pamilya, paaralan, pamayanan, pamahalaan at pandaigdigang samahan alinsunod sa whole-of-society approach.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

