29.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 24, 2026

Health Communication 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

KRITIKAL ang ginagampanan ng health communication sa kalusugan at kaginhawahan ng mga mamamayan. Sa pamamagitan nito dumadaloy ang palitan ng impormasyon at kaalamang pangkalusugan sa pagitan ng mga institusyon at manggagawang pangkalusugan at ng iba pang sektor at mas malawak na lipunan. Ang mga sumusunod ay tala ng mga batayang kaalaman at panuntunan sa pagsusulong ng health communication praxis lalo na sa konteksto ng mga papaunlad na bansa.

  • Bigyang-katuturan ang kalusugan sa marami nitong dimensyon at kahulugan. Gamitin ang opisyal na depinisyon ng United Nations, iba pang institusyon at ang mismong pagpapakahulugan ng mga mamamayan.
  • Pahalagahan ang health communication bilang isa sa mga building block of the health system. Mahalagang salik ito sa pagtiyak na magiging mabisa at lapat ang sistema ng pampublikong kalusugan.
  • Kasangkapanin ang health communication sa pagsusulong ng health promotion at health education. Unawain mabuti ang mga bumubuo at ang realidad na pumapalibot sa mga elemento ng proseso ng komunikasyon kagaya ng sender, message, channel, noise, receiver, feedback at context bilang mga konsiderasyon para sa ikatatagumpay ng health communication campaign.
  • Bigyang ahensiya at kapangyarihan ang mga mamamayan na isapraktika ang mga impormasyon at kaalamang pangkalusugan na kanilang tinataglay at nalalaman. Mahalagang matugunan ang umiiral na civic agency gap upang maisakongkreto ang kaalaman tungong aktwal na pagkilos (actual translation of awareness into action).
  • Gumamit ng mga simpleng wika at pananalita upang mas maging epektibo ang komunikasyon sa pagitan ng mga healthcare provider at pasyente at maging ng kanilang mga pamilya at tagapag-alaga.
  • Linangin ang kasanayan ng mga knowledge broker upang mas magampanan nila ang kanilang papel na patagusin at ipaunawa ang mga siyentipiko at teknikal na kaalaman mula sa mga dalubhasa patungo sa nakararami. Ang mga knowledge broker ay nag-uugnay sa mga knowledge producer (researchers) at mga knowledge users (policy makers and practitioners) upang mapakinabangan nang ganap ang kaalaman. Kabilang sa mga knowledge broker ang mga academic, journalist, extensionist, think tank, consultant at iba pa.
  • Pagsumikapang i-angkop ang kaalaman mula sa mga isinagawang pag-aaral at pananaliksik sa wika, antas at paraan na mauunawaan ng publiko at nakararami.
  • Hasain ang kasanayan sa health communication upang tiyaking matugunan ang civic agency gap, performance gap at implementation gap sa indibidwal, institusyonal at pangkomunidad na antas.
  • Aralin at unawain ang care-seeking, health-seeking at health information-seeking behavior ng mga mamamayan upang mas matugunan ang kanilang mga pangangailangan at panawagan.
  • Ikonsidera ang malawak na ekolohiya ng kalusugan kasama ang mga manggagawang pangkalusugan, pasyente, pamilya, tagapag-alaga at ang mas masaklaw na komunidad at lipunan.
  • Tandaan ang kritikal na papel ng health communication sa demokratisasyon ng kalusugan at kaginhawahan. Ang bukal/batis ng kaalaman ay mahalagang rekurso sa proseso ng pagsasakapangyarihan.
  • Gumamit ng social and behavioral change communication, social marketing at social mobilization upang epektibong maisulong ang water, sanitation and hygiene (o WASH), rational drug use, smoking cessation, safe sex, responsible pet ownership, transportation safety at iba pang pangkalusugan at pangkaligtasang adbokasiya.
  • Paunlarin ang health communication upang mas epektibong maipanawagan ang makatarungang sistemang pangkalusugan sa kinauukulan at buong komunidad.
  • Paigtingin ang health communication upang higit na mapalakas ang panawagan sa mga isinusulong ng health policy reform. Mahalaga ito para matugunan ang mga umiiral na policy bias, policy capture, policy incoherence, policy fragmentation, policy gaps, policy reversals (o flip-flops) at policy paralysis sa policy ecology ng bansa.
  • Pagtambalin ang statistics (quantitative data) at stories (qualitative data) upang mas maging mas matibay at kapukaw-pukaw ang panawagan at paninindigan.
  • Gawing required subject ang health communication sa mga kursong pangkalusugan, pangkomunikasyon at pangmidya. Isaisip ito tuwing mayroong isinasagawang curricular proposal o revision.
  • Palakasin din ang health humanities at medical humanities bilang makatao, masining at mapagpalayang pagbibigay-kahulugan at pagbibigay-katuturan sa kalusugan, pagkakasakit at kapansanan.
  • Hasain ang health communication sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasanay upang mas epektibong maitambol ang health reform agenda. Ipaloob ito sa formal, nonformal at informal education upang mas maging masaklaw at tagus-tagusan.
  • Gamitin ang health communication sa pagsusulong ng disease prevention and control sa parehong communicable at non-communicable illnesses.
  • Ipaunawa rin sa mga mamamayan ng papaunlad na bansa ang realidad ng triple burden of disease na salimbayang pumipinsala lalo na sa mga bulnerableng sektor at komunidad.
  • Gawing mas mapuso at makakapwa ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpapabuti sa provider-patient relationship (professional-patient o physician-patient relations). Kaugnay nito, kailangang lansagin ang piyudal, patriyarkal at paternalistikong relasyon sa kapangyarihan.
  • Patuloy na paunlarin ang larangan ng health communication upang mas maging ligtas ang sambahayan, paaralan, opisina, empleyo, paglalakbay at pamayanan.
  • Palakasin ang mga sektoral na larangang pangkalusugan kagaya ng migrant health, prison health, rural health, LGBTQIA health at indigenous health upang hindi mapabayaan ang karapatan at kapakanan ng mga marhinalisado at bulnerable sa lipunan.
  • Gamitin ang health communication para maisulong ang kaligtasan sa porma ng mga sumusunod na praktika: food safety, water safety, product safety, fire safety, travel safety, aviation safety, maritime safety, occupational safety, construction safety, campus safety, drug safety, vaccine safety, hospital safety, laboratory safety, chemical safety, technological safety, nuclear safety, LPG safety, disaster safety, elevator safety, community safety, crowd safety, animal safety, bicycle safety, sports safety, hiking safety at iba pa.
  • Isaisip ang mahalagang papel ng health communication sa disaster risk reduction and management (DRRM) na sumasaklaw sa iba’t ibang yugto at dimensyon.
  • Pag-ibayuhin ang praksis ng health communication upang tugunan ang iba’t ibang porma ng panganib sa konteksto halimbawa ng pagbaha (flood risk): leptospirosis, cholera, typhoid fever, dengue, malaria, tetanus, fungal infection, drowning, electrocution, lacerations, snake bites, post-traumatic stress disorder, malnutrition at chemical poisoning.
  • Unawain ng demographics, psychographics at sociographics ng mga gagamit ng health communication material upang matiyak na tumutugon ito sa kanilang mga pangangailangan at interes.
  • Idemokratisa at patalasin ang health communication upang labanan ang laganap na misimpormasyon at disimpormasyon sa larangang pangkalusugan. Kasama rito ang mga health myth and misconception – online o on-the-ground man.
  • Unawain na mahalaga ang pagtatambal ng human sciences at humanities sa ikatatagumpay ng anumang health communication program dahil sa malaking potensiyal ng cross-disciplinary, cross-professional at cross-sectoral approach bilang estratehiya.
  • Huwag kalimutan ang mga tradisyonal at katutubong sining at komunikasyon sa pagpapalaganap ng malusog na pangangatawan at pag-iisip. Kasama rito ang community theater, shadow play, puppetry, ethnopoetry at iba pa.
  • Kasangkapanin ang mga modernong teknolohiya sa etikal na paraan upang mas malawak ang maabot ng adbokasiya nang hindi naisasantabi ang mga kultural at panlipunang konsiderasyon.
  • Tiyakin ang makakasariang panuntunan sa praktika ng health communication. Tandaan na may magkakaibang panganib at bulnerabilidad ang maaaring kaharapin ng mga indibidwal at sektor batay sa kanilang kasarian.
  • Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang diin na sentral ang papel ng health communication sa pagsusulong ng primary healthcare at preventive medicine, lalo sa mga bansa at komunidad na may kasalatan sa rekurso.  Dapat ding unawain ang mahigpit na ugnayan at tambalan ng health communication sa health information, health education, health literacy at health promotion. Sa parametrong ito, esensiyal na malinang natin sa konteksto ng health communication ang mga sumusunod na kasanayan at komitment ayon sa Out of the Box Media Literacy initiative: critical inquiry, alternative media production at digital citizenship. Samakatwid, mahalaga sa health communication praxis ang pagiging mapanuri (analytical), mapanlikha (creative) at mapanlahok (participatory).

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -