PINAGTIYAP lamang ba ng pagkakataon o bakit sa tuwing ang isyu tungkol kay Bise Presidente Sara Duterte ay tumatampok sa media, iyun naman ang panahon na umiinit ang alitan ng Amerika at China sa South China Sea?
Ang palasak nang pagpropaganda ni Commodore Jay Tarriela sa “panghihimasok” ng China sa inaangking bahagi ng South China Sea – tampok pa ang radio challenge ng kapitan ng BRP Diego Silang sa apat na barkong pandigma ng People’s Liberation Army (PLA) Navy na nagtangkang harangan sila sa Bajo de Masinloc kamakailan – ay kapuna-punang nagkakabuhay na naman.
Idagdag pa ang deklarasyon ng China na persona non grata si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro at lahat ng miyembro ng kanyang pamilya sa alinmang bahagi ng China, Hong Kong at Macau.
Ano ba ang panahon ngayon kundi ang pag-init ng impeachment trial ni VP Sara?
Na para bang kapag sa impeachment trial ay na-sentensiyahan si Sara na nagkasala, mag-kakagulo?
At ang gulo ay lilikhain ng Amerika?
Hindi mabura sa kamalayan ng kolum na ito na dalawa sa pinakamagulong yugto ng kasaysayan ng kontemporaryong Pilipnas ay naganap na may intensyong palitan ang umiiral na rehimen; na sa isa sa pagpapalit na iyon, ang ipapalit sa nakaupong presidente ay isang bise presidenteng babae; at sa kapwa insidente, ang maniobra sa pagpapalit ng rehimen ay kagagawan ng Amerika.
Noong presidential snap elections ng 1986, idineklara na ng Batasang Pambansa na si Presidente Ferdinand E. Marcos ang nanalo. At saksi ang libu-libong Pilipino, sa balkonahe ng Malakanyang, ang Pangulo ay pinapanumpa ni Supreme Court Chief Justice Ramon Aquino sa panibagong termino.
Subalit sa maniobra ng Amerika at sa mahigpit pa ring pakikipagtulungan ng Simbahang Katoliko, pinapaniwala ang dalawang milyong sektor ng sambayanan na si Marcos ay nandaya. At sa ganon, ang malinis at ligal na proseso ng demokratikong halalan ay binastardo upang magmukhang people power na nagluklok kay Corazon Aquino bilang Presidente.
Noon namang 2001, si Presidente Joseph Ejercito Estrada ay tinanggal sa puwesto at pinahalinhan kay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo. Sa mata ng karamihan, ganun lang iyun. Gamit ang diin ng militarya, nagawang pababain ang Pangulo, at natural papalit ang Bise Presidente.
Lingid sa kaalaman ng sambayanan, ang pagtanggal kay Presidente Estrada ay parusa ng Amerika.
Sa pagtatapos ng 1999, nangyari ang pamumugot ng mga rebeldeng MILF sa ulo ng 14 na Philippine marines. Iyun ang nagtulak kay Presidente Estrada na durugin na ang rebelyon ng MILF. Kung bakit kaayaw-ayaw ng Amerika na mangyari iyun.
Ayaw ng Amerika na tapusin ang MILF.
Sa katunayan, noon pang 2008, si US Ambassador to the Philippines Kristie Kinney ay sinusog si MILF Commander Ibrahim Al Haj Murad sa puso ng kabundukan upang kausapin sa isang adyendang silang dalawa lang ang nakakaalam.
May karugtong

