SA post ni Congressman Leandro Legarda Leviste sa kanyang Facebook page, iniulat niya kahapon, Hunyo 23, na sumulat siya sa Kongreso para malaman ang mga benepisyong natatanggap ng bawat kongresista. Narito ang kanyang post.

“Sumulat ako sa Kongreso para malaman magkano ang “bonuses”, “cash gifts”, o “additional MOOE” na natatanggap ng bawat Kongresista, at kung totoo ba na may karagdagang ₱20M para sa ilan habang zero para sa iba
“Pumunta rin ako sa Kongreso ngayong araw para magtanong tungkol dito, ngunit walang nakasagot.
“Hindi sana magalit ang mga kasamahan ko dito at noon pa naman ako nagtatanong. Naisip ko na dapat lang malaman natin saan napupunta ang pera ng taumbayan. Kung hindi totoo na may ₱20M “bonus” para sa ilang Kongresista, na hindi kailangan magbigay ng resibo, pwede naman buksan ng Committee on Accounts ang detalye kung saan napupunta ang ₱18.58B MOOE (Maintenance nd Other Operating Expenses) budget.
“Patuloy akong hihingi ng impormasyon tungkol sa mga “bonuses”, “cash gifts”, o “additional MOOE” namin sa Kongreso. Sana may mga mahahanap pa tayong matitipid sa budget.
Naghain din ako ng resolusyon para ilaan ang pondo ng “bonuses” o “cash gifts” ng mga Kongresista at Senador para sa mga nasalanta ng mga kalamidad o bigas para sa bawat pamilya.
“Kung sa palagay ng ibang Kongresista na mas mabuting mapunta ang perang ito sa kanila, imbes na sa mga mamamayan, nasa kanila iyan at ang Kongreso naman ang gumagawa ng batas. Ngunit karapatan din natin humingi ng transparency sa paggamit ng buwis ng taumbayan.”



