MARAMING kaso na ng impeachment ang naganap sa Pilipinas. Ilan dito ang mga sumusunod.
Noong 2000, kung saan na-impeach si Pangulong Joseph Estrada ng House of Representatives dahil sa mga kasong panunuhol (bribery), graft, corruption at pagtataksil sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust). Nahinto ang paglilitis sa kanya nang mag-walkout ang mga tagausig, na humantong sa pag-aalsa sa EDSA II at sa kanyang pagbibitiw.
Marso 22, 2011 nang ma-impeach si Ombudsman Merceditas Gutierrez ng Kamara dahil sa sa pagtataksil sa tiwala ng publiko at mababang pagganap (underperformance). Nagbitiw siya noong Abril 2011 bago magsimula ang kanyang paglilitis sa Senado.
Tinanggal sa puwesto ng Kamara si Punong Mahistrado Renato Corona noong Disyembre 12, 2011 dahil sa paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko, pangunahin na ang may kinalaman sa hindi idineklarang kayamanan (primarily concerning undeclared wealth). Siya ay nahatulan ng Senado noong Mayo 2012 at tinanggal sa pwesto.
Oktubre 11, 2017 nang ma-impeach si Comelec Chairman Andres Bautista dahil sa pagtataksil sa tiwala ng publiko at hindi pagsisiwalat ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Nagbitiw siya sa parehong buwan bago nakapagdaos ng paglilitis ang Senado.
Noong Pebrero 5, 2025, inaprubahan ng House of Representatives ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na may botong 215. Itinigil ang impeachment trial nang isantabi ng Senado ang Articles of Impeachment by Senado sa botong 19-4 at 1 abstention.
Ngayong taon, Mayo 11, muling inaprubahan ng Kamara ang Articles of Impeachment sa botong 257-25 na may 9 na abstention. Kasalukuyang isinasagawa ang pre-trial conference ngayon sa Senado (Basahin ang kaugnay na ulat sa (https://www.pinoyperyodiko.com/2026/06/23/balita/prosecutors-humiling-ng-62-mga-petsa-para-sa-impeachment-trial/20429/)
Subalit kahit ilang beses nang nagkaroon ng impeachment ang bansa, marami pa ring hindi sigurado kung ano ang impeachment at ang layunin nito. Narito ang mga karaniwang katanungan na sinagot at ipinaliwanag ng Impeachment Primer ng University of the Philippines’ College of Law,
Ano ang ibig sabihin ng impeachment?
Ayon sa Impeachment Primer ng UP College of Law ang impeachment ay ang kapangyarihan ng Kongreso ayon sa Saligang Batas o Konstitusyon na tanggalin ang isang opisyal para sa mga mabibigat na krimen at kasamaang-asal.
Isa itong proseso ng Kongreso, na siya namang binubuo ng House of Representatives at ng Senado. Bilang inihalal na kinatawan ng nakapangyayaring mamamayan (sovereign people), ginagamit ng Kongreso ang impeachment upang itama ang paglabag ng isang opisyal sa pagtitiwala ng bayan at desisyunan kung dapat pa siyang magpatuloy sa kanyang posisyon.
Ang impeachment ay katangi-tangi. Hindi ito sibil o kriminal na proseso. ‘Di gaya ng tradisyonal na prosesong legal, ang impeachment ay pulitikal. Ito ay dinedesisyunan ng mga kongresista at senador na binoto ng mamamayan, imbis ng mga huwes na pormal na nagsanay sa batas.
Mga opisyal na pwedeng ma-impeach?
Ayon sa Article XI, Section 2 ng Konstitusyon, ang mga impeachable officer ay mga sumusunod: 1. Ang Presidente
- Ang Bise-President
- Ang mga miyembro o mahistrado ng Korte Suprema
- Ang mga miyembro ng mga Constitutional Commission, i.e., Civil Service Commission, Commission on Audit, at Commission on Elections
- Ang Ombudsman
Sila lamang ang mga impeachable officer. Ang ibang mga opisyal ng gobyerno ay puwedeng tanggalin alinsunod sa batas, ngunit hindi gamit ang impeachment. [Const. art. XI, § 2]
Mga batayan (grounds) para sa impeachment
Ang mga batayan o “grounds” para sa impeachment ay ang mga sumusunod:
- Tandisang (tiyak o malinaw) na paglabag sa Konstitusyon (culpable violation of the Constitution)
- Pagtataksil (treason)
- Pagpapasuhol (bribery)
- Korapsyon (graft and corruption)
- Iba pang mabibigat na krimen (other high crimes)
- Pagkakanulo (o pagtataksil) sa pagtitiwala ng bayan (betrayal of public trust)
(May karugtong)

