27.1 C
Manila
Lunes, Hunyo 22, 2026

Paliwanag sa isang konsepto at mga kontradiksyon sa lipunan

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

BILANG mga guro, tungkulin nating ipaliwanag sa mga estudyante ang mga mahihirap na konsepto at dalumat (teorya) na nilalaman ng ating mga aralin o paksang tinatalakay sa klase, lalo na sa humanidades at agham panlipunan. Madalas nating sinisipi ito kung saan ito nabasa. Kung primary text, sa orihinal nitong wika. Kung salin ito ng primary text, dumaan na ito sa masusing pag-iisip ng tagasalin upang manatiling tapat sa orihinal na kahulugan ng konsepto. Halos lahat ng mga konsepto at dalumat na banyaga ay sa Ingles natin nauunawaan. Sa mga nagtuturo ng Filipino at Araling Filipino, isinasalin ang mga ito sa wikang pambansa o sa wikang lokal ng nagtuturo at ng mga nag-aaral. Madalas, nananatiling banyaga ang salita/konsepto habang ipinapaliwanag ito sa wikang komportable  pareho ang guro at mga estudyante. Kapag hindi ganito ang mangyayari, parehong hindi alam ng guro at estudyante ang kanilang mga sinasabi. Kapag hindi mo kayang ipaliwanag sa sariling wika ang isang konsepto, malamang hindi mo ito nauunawaan.

Ang ilan sa mga nagtuturo ay nagsusulat ng teksbuk. Kung kaya, maglalabas din sila ng “textbook definition” ng mga konsepto. Ideyal na dapat aral sa disiplina o larangan ang sumusulat ng teksbuk upang ang ginagawang paliwanag sa konsepto ay nagmumula sa pagkaunawa niya sa primaryang teksto tungo sa paliwanag na pangteksbuk. Hindi kailangang ipaliwanag ang lahat sa isang depinisyon. Kailangang gumamit ng iba’t ibang estratehiya para matutuhan ng mga estudyante ang mga kahulugan. Kahit ayaw nilang magbasa ng mahahabang teksto, kailangan pa rin nilang magbasa. Ang konteksto ng kahulugan ay nasa kabuuan ng paliwanag ng awtor. Ang malaking konteksto ng paksa ay nasa mga halimbawang isyu, pangyayari, tao, institusyon, at suliraning tinatalakay ng teksto. Ang teksto ay may reference sa labas ng teksto.

Pinakamahirap ipaliwanag sa isang upuan sa klase ang mga kahulugan ng “kultura”, “pagkatao”, “kamalayan”, “kapitalismo”, “diskurso”, “pilosopiya”, lahat ng “ismo”, at marami pang iba. Hindi sapat na ipamemorya lang ito batay sa pakahulugang nasa teksbuk at pagkatapos ay magbibigay ng pagsusulit ang guro para masukat ang pagkatuto nila. Sa totoo lang, wala silang matutuhan sa ganitong proseso. Kung ito’y mga konsepto sa agham tulad ng pisika, kailangang makita o maobserbahan ng mga mag-aaral ang mga konseptong ating ipinapaliwanag tulad ng gravity. Pinakamainam na ituro ito sa loob at labas ng klasrum at hindi online o via Zoom at Gmeet. Sa mga ganitong demonstrasyon ng konsepto, makikita ng guro ang reaksyon ng mga estudyante.

Isa sa pinakamahirap ipaliwanag na konsepto ang “ideolohiya.” Kung tutuusin, ang direktang kahulugan ng ideolohiya, batay sa etimolohiya nito, ay pag-aaral (logos) ng ideya (idea). Subalit sa mahabang panahon, nagbago ang kahulugan nito. Sa paliwanag ni Marx, ang ideolohiya ay lisyang kamalayan (false consciousness) ng mga tao. Nababanghay ang lipunan natin sa dalawang hati ayon sa Marxistang pananaw. Ang ekonomiya ang pinakapundasyon ng lipunan. Nakatuntong dito ang mga estruktura ng lipunan tulad ng pamahalaan, simbahan, edukasyon, media, pamilya, at iba pang institusyong panlipunan. Ang ekonomikong base ng lipunan ang nagluluwal at humuhugis sa uri, anyo, at realidad ng mga institusyong panlipunang kinapapalooban ng mga tao. Paano mauunawaan ang ekonomikong base bilang pundasyon ng lipunan? Kapitalismo ang ekonomiya natin. Umiikot sa kapital ang buong relasyon natin sa isa’t isa at sa mga institusyong panlipunan. Kapital ang tawag natin sa komodipikasyon ng kalikasan. Ito ang kabuuan at partikularidad ng mga materyal na nilikha ng tao na may katumbas na halaga sa salapi. Anumang halaw sa kalikasan na naging produkto at ibinenta sa merkado ay lumilikha ng ekonomikong relasyon sa pagitan ng mga tao.

Mahalagang itanong: sino ang nagmamay-ari ng kapital? Sila ang mga kapitalista, negosyante, at namumuhunan na may salapi at kayamanan na bumibili ng kalikasan at ginagawang komoditi ang mga ito. Sino ang gumagawa ng produkto? Sila ang mga manggagawa na nasa factory o sinumang pasahurang empleyado sa probinsiya, siyudad o kahit saan mang panig ng mundo. Sino ang bumibili ng mga produkto at serbisyo sa buong sistema ng ekonomiyang nakasalig sa kapitalismo? Ang mamamayan na may pambili, depende sa salaping hawak nila batay sa kanilang panlipunang uring kanilang kinabibilangan—mahirap, may kaya, mayaman. Bakit natin ito ginagawa? Kasi kailangan nating mabuhay at umiiral sa lipunang ito. Kapit-tuko tayo sa paniniwalang ito.  Kailangang pairalin ang social order at ang status quo. Isang siklong paikot-ikot ang buong prosesong ito. Pinapanatili ito ng naghaharing uri, silang may kapangyarihan at kontrol sa iba’t ibang institusyon, dahil sa ekonomikong kapital na mayroon sila. Ipapanganak tayo sa ganitong sistema at mamamatay din tayo sa ganitong sistema dahil kasangkot tayo at dahil tayo rin ang may kakagawan ng mga ito.


Kabalintuan mang sabihin, subalit si Marx mismo at ang kanyang pilosopikal na sistemang Marxismo ang kailangan upang maging “perpekto” ang kapitalismo. Ang kanyang matalas na analisis sa salapi, alyenasyon ng manggagawa, at kritika sa moda ng produksyon, kalabisan ng pamumuhunan, naghaharing uri, kawalan ng kalayaan, at katarungang panlipunan ay isa-isang inaayos at pinagtatakpan ng umiinog na kapitalismo. Nakasahog ang pagpapanatili ng kapitalismo sa paulit-ulit na negasyon nito ng mga radikal at kritikal sa mapang-aliping sistemang ito sa mahabang kasaysayan nito. Subalit sa huli, bakit hanggang ngayon ay nananatili pa rin ito? Dahil ba walang alternatibo kapalit ng kapitalismo? O sa simula’t sapul dahil punumpuno ng kontradiksyon ang affirmation at negation ng mga konsepto? Pagnilayan natin ito–na habang may isang kritikong umaaming Marxista siya, sinusulat niya ang kanyang batikos sa loob ng Starbucks na gamit ang Macbook at AI para iedit ang kanyang teksto.

Kung pamilyar kayo sa larong stack blocks, isa-isa nating binubuo ang tore ng mga bloke. Kapag nakatayo na, pinag-iisipan natin nang malalim kung paano ito mananatiling buo habang isa-isa nating hinuhugot ang mga bloke. Ginagawa natin ito dahil radikal at kritikal ang ilan sa atin. Kailangan ng negasyon upang mabalanse ang mga bloke. Paulit-ulit natin itong gagawin dahil iyon ang batas ng laro. Iyon ang sistema ng laro hanggang sa gumuho ito. Katulad ng lipunan, kapag dumating ang isang matinding krisis tulad ng COVID-19 at digmaang pinasimulan ni Trump dahil sa kanyang kahangalan, tila gumuguho ang mga bloke ng ating mga institusyong panlipunan. Ngunit tulad ng stack blocks, isa-isa nating bubuuin muli ang tore. Ang gumuguho ay mga institusyon. Subalit ang base o pundasyon ay nananatiling hindi natitibag. Ang pagnanasa nating maglaro, buuin ang tore, hugutin ang mga bloke isa-isa, at ang paulit-ulit na pagtatayo ng gumuhong tore ay simpleng paliwanag sa isang konsepto. Ideolohiya ang tawag natin dito. Kapit-tuko tayo sa paniniwalang ito, sa larong ito ng ating buhay sa lipunang punumpuno ng kontradiksyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -