27.1 C
Manila
Lunes, Hunyo 22, 2026

Sa gulo sa Senado, ano ang pinangyayari ng Korte Suprema? 

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

MAAYOS na naidaos ang special session ng Kongreso na tinawag ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo 17, 2026.

Sa katunayan, ang special session na iyon ang lumitaw na  kinailangang hakbang upang ma-formalize ang pagkapanatag ng grupo ni Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong mayorya. Kung bakit kinailangan ang ganong formalizing, lumilitaw na dahilan ay ang mga nakabinbing gawain ng Senado. Bagama’t totoo ito, sa mga gawain ng Senado na nakabinbin, ano ang pangunahin?

Mula’t sapul pa, ipinagdiinan ng kolum na ito na ang pangunahing kinaaangklahan ng  kaguluhan sa Senado ay ang nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Kung ang bise presidente ang masusunod, aayawin niyang matuloy ang impeachment trial. Alam niyang hindi ang hatol ng mga senator judges ang inaabangan ng mga tao kundi ang malantad lamang ang totoo sa mga katiwalian at karahasang ibinibintang sa kanya. Malantad lamang ang totoo, bayan na ang bahalang magdesisyon kung ano ang gagawin.

Pinakasiguradong paraan na huwag matuloy ang impeachment trial ay ang huwag magpulong ang Senado.


Di ba nga ganito ang nangyari?

Sa pagsisimula ng Hunyo, walang sesyon ang Senado. Walang kadahi-dahilan, ang mayorya kabilang na si Senate President Alan Peter Cayetano ay hindi sumipot sa Senado. Ang tanging dumalo upang magsesyon ay ang 12 na  minorya na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian. Subalit ni sino man sa mga ito ay walang kapangyarihang magdeklara ng sesyon.

Ganun ang nangyari sa loob ng dalawang araw na magkasunod.

Kaya noong Hunyo 3 at wala pa rin ang mayorya, napagpasiyahan ng 12  na magdeklara ng korum. Ipinahayag na bakante ang mga namumunong puwesto hanggang sa Senate President, inihalal na Senate President Protempore si Senador Gatchalian at Acting Presiding Officer.

- Advertisement -

Kung ang kawalan ng buhay ng Senado sa nakaraang dalawang araw ay sadyang ginawa upang pipilan nga ang nakaambang impeachment trial ni Bise Presidente Sara, masasabing iyon ay binigo ng pagtawag ng grupo ni Gatchalian ng korum noong Hunyo 3. Masisilip ito sa agad na reaksyon ng grupo ni Cayetano. Sa mga pahayag sa media,  kinuwestyon ang konstitusyonalidad ng korum. Anila, papaano magkakaroon ng korum ang 12 samantalang ang itinatakda ng Konstitusyon ay 13.

Upang pangibabawan ang tindig na ito ng kampo ni Cayetano, dalawa ang lumilitaw na  hakbang.

Una, pumakabila si Senador Chiz Escudero gamit ang palasak nang pangangatwiran na pagtugon sa mandato diumano ng paglilingkod-bayan.

Subalit kung ang intensyon ay maghalal ng bagong Senate President, kulang pa rin ito. Probisyon ng Konstitusyon, 13 ang kailangang boto. Bago pa tinawag ang special session, sumunod na pumakabila mula sa kampo ni Cayetano ay si Senador Joel Villanueva. Kaya nang ang special session ay tawagin noong Hunyo 17, kumpleto na ang 13 upang maghalal ng Senate President alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon .

At nahalal nga si Senate President Sherwin Gatchalian.

So, sabi nga sa English, all’s well that ends well (lahat na maayos, nagtatapos na maayos).

- Advertisement -

Ito ang tila ipinahihiwatig sa  Facebook post ni Cayetano, na aniya kung nasa kanila (tinutukoy ang grupo ni Gatchalian) na ang 13, congratulations.

Lumitaw na tanggap na niya ang pagkahalal kay Gatchalian bilang Senate President. Naglitawan na rin ang iba sa kampo niya upang lumahok sa mga pulong ng kanya-kanyang kinabibilangang komite.

Kung bakit hanggang sa sinusulat ang pitak na ito, si Cayetano ay hindi pa nakikihalubilo sa Senado.

Malalim ang iniisip niya.

Ang impeachment trial ni Sara ay nakaamba pa lamang na maganap. At pansinin na ang pumirma ng mga hakbang, halimbawa’y ng notice of pre-trial conference, sa kaso ay si kahahalal ngang Senate President Sherwin Gatchalian.

Ngayon, hindi masyadong pinatampok sa media, subalit bago pa idaos ang special session, nag-file si Cayetano at walong iba pang kaalyadong senador ng petisyon para sa status quo ante order, humihingi na ang kaayusan sa Senado ay ibalik sa ito ay kontrolado pa ng kampo ni Cayetano.

Paano kung pagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon na ito? Di ba mababalewala nga ang mga kaganapan ng Senado mula Hunyo 3?

Maliwanag, isang paraan ito upang malusutan pa rin ni Bise Presidente Sara pati ang  panganib na siya ay mahatulan na nagkasala kung matuloy ang impeachment trial sa kanya.

Ang petisyon ni Cayetano ay hindi pa napagpapasyahan hanggang sa ngayon.

Lubos na nakaiintriga ito. Maaga pa kasunod ng deklarasyon ng korum noong Hunyo 3, isang guro ang nag-file ng halos ganun ding petisyon na inihain ni Cayetano, at kaagad, inaksyunan ito ng Korte Suprema: dismiss, walang ligal na personalidad ang guro na mag-file ng ganung petisyon.

Ngayong ang naghain ng petisyon ay siyam na senador, lahat direktang apektado ng korum noong Hunyo 3, bakit pinakatagal-tagal ng Korte Suprema ang desisyon?

Na para bang, kumbaga sa isang sniper, ini-steady nang husto ang puntirya upang sa sandaling lumitaw ang target, iputok ang riple.

Kaya naguguluhan ang madla.

May kapangyarihan ba ang special session na gawing moot and academic ang petisyon ni Cayetano?

Ibig sabihin, pinawalang bisa na ang mga iyon ng mga sumunod na mga pangyayaring ligal.

Paano kung walang ganung kapangyarihan ang special session at pagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ni Cayetano?

Ibig sabihin, mababalewala ang lahat ng kaganapan sa korum ng Hunyo 3 at mga ibinunga nitong mga kapasyahan, kabilang na ang pagsunod sa special session na ipinatawag ng Pangulo?

At ang Senado ay mabalik sa ito ay kontrolado ng kampo ni Cayetano?

At sapagkat ang impeachment trial ni Sara sa Hulyo 6 ay batay sa desisyon ng korum ng Hunyo 3, ang desisyon ng Korte Suprema na iligal ang korum na ito ay epektibong pipigil sa paglilitis kay Sara.

Maaaring banatin pa nang husto ang pag-uusap: na habang pinag-papasyahan ng Korte Suprema ang ligalidad ng korum nang Hunyo 3, ng pagtugon sa hininging special session ng Pangulo noong Hunyo 17, at ng mga naging kapasyahan nito, kabilang na ang paghalal ng pamunuan ng Senado, mainit namang nagpapatuloy ang paglilitis kay Sara hanggang mapatunayan na na siya ay nagkasala.

At sa puntong ito, biglang lalabas ang hatol ng Korte  Suprema na pinagbibigyan ang petisyon ni Cayetano.

Di ba kaagad-agad ay mapapawalang-bisa ang hatol ng Impeachment Trial Court na nagkasala si Sara?

Nakahanda ba ang Korte Suprema na panagutan ang napakalaking kaguluhang lilikhain  nito?

Sinasabing sagrado ang prinsipyo ng checks and balances sa hanay ng Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura, subalit sa  dalawang mapagpasyang yugto ng kasaysayan ng bansa, ang Korte Suprema ay naging daan upang sa  interpretasyon nito sa batas ay iayon ang mga kaparaanang konstitusyonal sa pinapanigang makasariling interes pulitikal.

Ultimong resulta, napakialaman ng Hudikatura ang eksklusibong larangan ng Ehekutibo.

Una ang pagpapasumpa ni Supreme Court Associate Justice Claudio Teehankee kay Corazon C. Aquino bilang Pangulo tanging batay sa alegasyong pinakana ng Amerika na si Presidente Ferdinand E. Marcos – na iprinoklama na ng Batasang Pambansa na nanalong Pangulo sa snap presidential election ng 1986 – ay nandaya sa  eleksyon.

At pangalawa, sa pagpapasumpa ni Chief Justice Hilario Davide Kay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang Pangulo kapalit ni Presidente Joseph Ejercito Estrada tanging batay sa sabi-sabing balita sa diyaryo na siya ay wala nang kapasidad na gumanap ng tungkulin.

Sa ikapapanatag ng kalooban ng sambayanan, obligasyon ng Korte Suprema na desisyunan  ang nakabinbing petisyon ni Senador Cayetano ngayon na.

Kung hindi, tanggapin ng sambayanan na ang nangyayaring gusot sa Senado ay  panibagong pakana para sa isa na namang  pagbabalikwas-EDSA.

Malungkot na sa pagbabalikwas na ito,  Korte Suprema na naman ang lalabas na  mapagpasyang susi.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -