SI Senadora Loren Legarda ay naging mahalagang bahagi sa pagpasa ng lima sa pitong batas sa ika-20 Kongreso, isang rekord na nagpapakita ng kanyang tuluy-tuloy na papel sa edukasyon, pananalapi, at pamahalaang nakatuon sa lahat.
Bilang Pangalawang Tagapangulo ng Senate Committee on Finance, at dating naging chairperson nito, nakatulong si Legarda sa pagbuo ng ₱6.793-trilyong General Appropriations Act (RA 12314) para sa taong 2026. Tiniyak niyang pinakamalaking bahagi ay napunta sa edukasyon—₱1.34 trilyon o 4.4 porsyento ng GDP—kabilang ang ₱37.4 bilyon para sa Universal Access to Quality Tertiary Education program. Noong 2017, bilang Finance Chair, nakapaglaan siya ng ₱8 bilyon para sa tuition subsidy, patunay na posible ang libreng kolehiyo bago pa naisabatas ang Free College Law (RA 10931) noong 2018.
Siya rin ang author at principal sponsor ng RA 12315 na nagpapalawig sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Bilang Co-Chair ng EDCOM II, nakipagtulungan siya sa mga guro at policymaker upang isulong ang mga reporma batay sa natuklasan ng Komisyon na may malalaking kakulangan sa pagkatuto ng mga estudyanteng Pilipino. Binigyang-diin niya na ang kanyang papel ay hindi lamang pagsusulong ng mga panukala gaya ng pagpapalakas sa Tertiary Education Subsidy at pagtatatag ng pambansang programa para sa maagang literasiya, kundi ang pagtitiyak na ang mga reporma ay sama-samang isinusulong, tuloy-tuloy, at tumutugon sa tunay na kalagayan ng edukasyon sa bansa.
Siya rin ang author at co-sponsor ng RA 12316, ang Fuel Tax Relief Act, na nagbibigay kapangyarihan na suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo sa panahon ng mataas na presyo. Nagbibigay ito ng agarang ginhawa sa mga pamilyang nahihirapan sa gastos sa transportasyon at kuryente. Kasabay nito, itinulak din ni Legarda ang iba pang panukala gaya ng Differentiated VAT Rates Act, Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, at pagtanggal ng VAT sa singil sa kuryente, lahat nakatuon sa pagpapanatiling abot-kaya ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.
Sa pamamahala at kapayapaan, siya ang author at co-sponsor ng RA 12317, ang BARMM Governance Act, na nagtakda ng regular na halalan sa Bangsamoro region sa Setyembre 2026. Bilang dating Chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, at Co-Chair ng Philippine Congress–Bangsamoro Parliament Forum, binigyang-diin niya na ang batas ay nagpapalakas ng demokratikong partisipasyon at nagpapatibay sa papel ng rehiyon sa pambansang pagkakaisa.
Ang ikalimang batas, RA 12320 o Philippine Veterans’ Month Act, ay siya ring principal author at principal sponsor. Layunin nitong gawing institusyonal ang pambansang programa ng paggunita sa mga beteranong Pilipino. Tinitiyak ng batas na ang sakripisyo ng mga sundalo ay patuloy na pararangalan sa pamamagitan ng edukasyon, alaala, at benepisyo, upang manatiling buhay ang kanilang pamana sa kamalayan ng bansa.
Kasama ng limang batas na ito, dalawa pang batas—ang naturalisasyon ng mga atleta na sina Maodo Diouf (RA 12318) at Elizabeth Jeanette Means (RA 12319)—ang bumubuo sa pitong batas na naipasa sa ika-20 Kongreso. Buong suporta ang ipinahayag ni Legarda sa mga ito bilang ambag sa pambansang identidad at dangal.
“Sa Senado, bawat desisyon ay may bigat. Ang mga batas ay dapat magdala ng tunay na ginhawa, magbukas ng pinto sa pag-aaral, at magbigay-pugay sa mga nag-alay ng buhay para sa bayan. Tungkulin kong maging matatag, kumilos nang may paninindigan, at tiyakin na ang aming gawain ay may pangmatagalang epekto sa buhay ng ating mga mamamayan,” ani Legarda.
Sa unang regular na sesyon pa lamang ng ika-20 Kongreso, nakapaghain si Legarda ng 170 panukalang batas—mas mataas kaysa sa 146 na naihain niya sa buong tatlong taon ng ika-19 Kongreso. Naghain din siya ng 15 Resolusyon, na nagpapakita ng tuluy-tuloy na pagsusulong niya ng agendang sumasaklaw sa iba’t ibang sektor gaya ng edukasyon, agrikultura, inobasyon, repormang pinansyal, aksyon sa klima, kultura, pamamahala, proteksyong panlipunan, pati na depensa at pagkilala sa mga beterano.
Bago pa man matapos ang sesyon, naaprubahan na sa ikatlong pagbasa ang Aklan Piña Museum and Cultural Center Act at ang panukalang gawing institusyonal ang Schools of Living Traditions, habang ang GIDA Schools Act ay umabot na sa enrolled bill stage matapos ang bicameral action.
Sa huling araw ng sesyon noong Hunyo 17, 2026, naaprubahan sa ikatlong pagbasa ang Waling-Waling bill na siya ring principal author at sponsor. Nakibahagi rin siya sa mga prayoridad na panukala gaya ng ratipikasyon ng mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act na siya ring author at sponsor, at mga panukala ukol sa barangay health workers, reporma laban sa political dynasty, at agricultural cooperatives. Hanggang sa pagsasara ng sesyon, aktibo si Legarda bilang principal author, sponsor, author, at co-sponsor sa mahahalagang panukala.
“Ang sukatan ng aming trabaho ay nasa mga buhay na aming naiaangat at sa mga institusyong aming pinatitibay. Mananatili akong masigasig sa gawaing ito, dahil ang paglilingkod-bayan ay nangangailangan ng tiyaga, layunin, at tapang na ituloy ang mga reporma,” pagtatapos ni Legarda.

