BILANG agarang aksyon para matugunan ang suliranin ng stunting o pagkabansot sa mga batang Pilipino, ini-sponsor ni Senador Bam Aquino ang isang panukalang magtatatag ng universal feeding program na pakikinabangan ng walong milyong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Dapat ay nakatakda ang sponsorship ni Aquino sa Senate Bill No. 2272, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, noong Mayo 11 ngunit naantala dahil sa mga pagbabago sa pamunuan ng Senado.
“Sa lahat ng pangyayari sa Senado sa nakaraang buwan, ang reporma na ito para sa kabataang nagugutom ang isa sa nakakapanghinayang na naantala ng ilang linggo,” wika ni Aquino sa kanyang sponsorship speech.
Ayon sa pinakahuling enrollment data mula sa Department of Education para sa School Year 2025-26, may 7,989,911 mag-aaral na naka-enroll mula Kindergarten hanggang Grade 3, na makikinabang sa 231 araw ng feeding program, na binubuo ng 201 school days at karagdagang 30 araw ng summer classes.
Sa kanyang speech, Nagbabala ang senador tungkol sa krisis sa nutrisyon ng mga bata sa bansa, at iginiit na milyun-milyong batang Pilipino na dumaranas ng malnutrisyon ang nawawalan ng pagkakataong maabot ang kanilang buong potensyal.
“Currently, 26.7% of Filipino children under five years old are stunted. Ibig sabihin po, isa sa bawat apat na kabataan ay hindi naaabot ang kanilang tunay na potensyal. They will carry the lifelong burden of undernutrition,” giit ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Binigyang-diin ni Aquino na mahalagang matugunan ang stunting o pagkabansot upang maresolba ang krisis sa edukasyon sa bansa, dahil nahihirapang matuto at magtagumpay sa paaralan ang mga batang gutom at kulang sa nutrisyon.
“Ang ating panukala ngayon ay hindi lamang isang feeding program. Ito ay reporma sa edukasyon, isang public health strategy, at isang hakbang sa pagpapaunlad ng human capital ng ating bansa,” punto ni Aquino.
Naglalaman ang panukalang batas ng tatlong pangunahing reporma na naglalayong tugunan ang mga kakulangan sa kasalukuyang sistema at palakasin ang RA 11037, na isinulong noon ni Aquino bilang sponsor at co-author noong panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Education noong 2017.
“Ginagawa rin nating universal feeding para sa lahat ng batang nasa Kinder to Grade 3. Ibig sabihin po, lahat ng bata sa Kinder to Grade 3 sa public school ay makakakuha ng masustansiyang pagkain.” paliwanag ni Aquino, na nagsabing tuloy-tuloy din ang tulong sa undernourished students sa mataas na grade level sa ilalim ng National Feeding Program.
“Isa po ito sa pinakamahalagang hakbang at pinakamalaking reporma para tugunan ang krisis sa nutrisyon at sisiguraduhin po natin na tuloy-tuloy ang pag-aalaga,” dugtong pa niya.
Isinusulong din ng panukala ang isang “life-stage approach” na magbibigay ng mga interbensyong pangnutrisyon mula sa pagbubuntis hanggang high school, habang pinatitibay ang pananagutan sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy sa mga tungkulin ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholder.
“Sisimulan din po natin ang isang Universal Health Record (UHR). Sa pamamagitan ng tama at updated na data tungkol sa nutrisyon, mas madali rin pong matututukan at mababantayan ang paglaki ng bawat bata mula barangay hanggang sa paaralan,” sabi pa ni Aquino.
Ayon kay Aquino, makatutulong din ang panukala sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda na magsu-supply ng mga sangkap na gagamitin sa paghahanda ng mga bagong luto at masusustansyang pagkain para sa mga benepisyaryo.
Pinalalakas din ng panukala ang papel ng mga local government unit (LGU) sa pagpapatupad ng National Feeding Program sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kakayahang direktang makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at makakuha ng bahagi ng pambansang pondo para sa mga feeding initiative sa kanilang mga komunidad. Sa ganitong paraan, mas mabilis ang paghahatid ng masusustansyang pagkain sa mga bata.
Nanawagan si Aquino sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang panukala, at iginiit na ang pamumuhunan sa nutrisyon ay makatutulong sa paghubog ng mas malusog at mas produktibong henerasyon ng mga Pilipino.
“Gaya po ng iba nating mga reporma sa edukasyon, inaasahan ko po ang inyong suporta upang masiguro na wala nang batang Pilipino ang uuwi na gutom, o mahihirapang mag-aral dahil sa kumukulong sikmura. Simulan po natin ang pag-unlad sa pinakapundasyon—isang batang busog, malusog, at handang matuto,” paliwanag niya.
Co-sponsor ng panukala sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri, at Senador Joel Villanueva, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, at Raffy Tulfo.

