27.3 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Nakaaalarma ang Japan

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG balik-militarisasyon ng Japan ay hindi na bago sa panahong ito. Mahabang panahon na rin ang lumipas mula nang ipahayag ni Japanese Premier Sanae Takaichi na kailangang makialam ang Japan sa paraang military kapag inatake ng China ang Taiwan.

Sa simpleng salita giyera.

At ang ganung pagpapakahulugan ay pinanigasan ni Takaichi sa pamamagitan ng pagtangging humingi ng paumanhin sa kanyang pahayag ng militaring pakikialam sa gusot sa Taiwan.

Sinundan pa iyon ng aktibo nang pakikilahok sa Amerika ng Japan sa mga ehersisyong pandigma sa South China Sea.

Kamakailan, napabalitang may pinakawalan na Tomahawk missile bilang pagsubok mula Nueva Ecija. Iisipin mo, gawa iyun ng Amerika. Subalit isang katoto sa pamamahayag ang naglinaw na ang nasabing Tomahawk ay Japan ang nagpakawala.


Ang Tomahawk ang kaayaw-ayaw ni Russia President Vladimir Putin na ipagkaloob ng Amerika sa Ukraine dahil nga sa napakamapaminsalang kakayahan nito.

Meron na rin pala ng Tomahawk ang Japan!

At kung meron siya nito, ano pang ibang mga sandatang pandigma meron ang Japanese arsenal upang ganap na suhayan ang ngayon ay pinasigla nitong kapasidad sa  pakikipagdigma.

Ayon sa mga eksperto, tinatahak ngayon ng Japan ang landas ng “neo militarization” na nasa loob na ng mga pagpigil ng burukratiko at parlyamentaryong larangan, di tulad ng makalumang military junta na agaran ang pagdeklara ng polisiya.

- Advertisement -

Kaya nga mapupuna na samantalang ang pakikialam sa giyera sa Taiwan ay maliwanag na military ang katangian, kinailangang daanin ito sa pag-amyenda muna ng Article 9 ng Japanese constitution. Ang probisyon na ito ang pumipigil sa sandatahang pagpapalakas sa Japan upang pumalaot sa larangan ng pakikipagdigma maliban sa panloob na pagmimintina ng kakayahang magtanggol sa sarili.

Noon pang panahon ni Premier Shinzo Abe nagpanimula ang ideya ng pagbabago ng Japanese constitution upang lumaktaw na sa limitadong self-defense na larangan at makapakialam sa mga pangmundong usapin.

Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi nagwakas ang historikong  hidwaan ng China at Japan, at ano pa ba ang tinatahak ng Japan ngayon na “neo militarization” kundi pagsulong pa rin sa hidwaang inudlot ng pagtatapos ng WWII?

Malamang sa hindi, maaamyendahan ang Article 9 ng Japanese constitution. Si Premier Takaichi ay matapat na disipulo ni Abe, at ang katanggi-tanggi niyang humingi ng paumanhin sa naipahayag na militaring pakikialam sa giyera ng China sa Taiwan ay malaking pahiwatig ng muling pagsiklab ng historikong Nanking Massacre noong 1937-1938. Sa opisyal na pagtantiya ng People’s Republic of China (PRC), ang masaker ay kumitil sa buhay ng di-kukulangin sa 300,000 Chino.

Mangyari pa,ang mga ito ay balasakang pigura, ibig sabihin mga pinagsamang  bilang ng mga nasawi sa kamay ng mga Hapones nang panahon na iyon.

Kamakailan lang, kumalat sa social media ang mga video ng pamiminsala ng Unit 731 ng Japanese Imperial Army noong WWII. Daan-daang libo rin ang bilang ng mga Chino na nasawi. At ang mga pagpatay ay naganap sa panahon ng Nanking Massacre.

- Advertisement -

Di nga kaya ang bilang ng mga biktima ng Nanking Massacre ay binalasakan ng bilang ng mga pinatay ng Unit 731 na ngayon lang nalalantad sa publiko?

Ano muna ang Unit 731?

Ito ang unit ng Japanese Imperial Army noong WWII na may tungkuling magpaunlad ng mga sandatang biochemical.

Imbes na mga paputok, gamit ay mga chemical at mikrobyo na kayang lumipol ng libu-libo ring mga biktima.

Pinamunuan ito ni General Shiro Ishii, isang biological chemist na Medical Director ng Japanese Imperial Army. Trabaho ng unit ang magpaunlad ng mga sandatang biochemical upang magamit sa malawakang pananakop ng Japan sa China at Timog Silangang Asya.

Nagtatago sa litaw na pangalang Epidemic Prevention and Water Purification Department, ang mga laboratoryo ng unit ay nakalatag sa Pingfang, Harbin District, Manchukuo, ngayon kilala bilang Northeast China.

Saklaw ng mga operasyon nito ang Mainland China at Timog Silangang Asya.

Dokumentadonggamit sa mga eksperimento ng unit ay mga buhay na tao, alin kung hinihiwa ang laman nang walang anesthesia o ipinaiilalim sa matinding frostbite (atake ng yelo) upang matiyak ang hangganan ng kapasidad ng katawan na umiwas sa atake ng mikrobyo.

O kung hindi, ang mga buhay na specimen ng eksperimento ay sadyang sinasapian ng mga nakakamatay na pathogen o mikrobyo tulad ng bubonic plague, anthrax, cholera at dysentery upang sukatin kung hanggang saan ang kaya ng katawan na kontrahin ang mga sakit na ito.

Ang mga buhay na ineksperimentuhan ay kinabibilangan ng mga bihag na sibilyang Chino, mga disidenteng Russo, at mga bihag na sundalong Koreano at Alyado.

Ang mga ito ay tinawag nilang “maruta,”  na ibig sabihin ay troso ng kahoy.

Ilan sa mga sandatang biochemical na na-develop ng Unit 731 ay ang mga sumusunod:  Ceramic Plague Bombs, mga ceramic na canister na bawat isa ay nagtataglay ng milyun-milyong pulgas na sinapian ng sakit; pagsabog ng canister, buhay pa rin ang mga pulgas na magkakalat sa mga tao ng dalang sakit.

Mga pathogen na humahawa sa mga balon, mga alagang hayop at mga probisyon ng pagkain.

Blister agents (mustard gas), asphyxiants (phosgene), at blood agents (cyanogen chloride) – bawat isa may kakayahang pumuksa ng maramihang mga tao.

Tinatayang sa panahong iyon, ang mga pinatay ng Unit 731 ay 200,000 hanggang 300,000.

Isang nakahanda  nang plano noong 1945 ay ang Operation Cherry Blossom at Night, isang misyon ng chemical weapons attack sa California sa pamamagitan ng pagpapakawala ng milyun-milyong mga pulgas na ibobomba ng mga sasakyang panghimpapawid mula sa isang submarine. Ang Operation Cherry Blossom at Night ay napipilan ng pagsuko ng Japan noong 1945.

Sa unawaan ni General Ishii kay General Douglas MacArthur at sa gobyerno ng Estados Unidos, pinagkalooban ang mga siyentipikong Hapones na responsable sa Unit 731 ng immunity sa criminal prosecution. Kapalit ng immunity, itinurnover sa Amerika lahat ng mga pertinenteng pormula at mga pasibilidad ng biochemical weapons development program ng Unit 731.

At sina Ishii at mga kasamahang siyentipiko ay nagpatuloy sa pagpursigi ng kanya-kanyang karera sa mundo ng medisina.

Noong 1995, naganap ang sarin attack sa subway ng Tokyo na ikinamatay ng 14 at ipinagkasakit ng higit sa 3,000.

Interesanteng mapuna na ang ganitong biochemical weapon attack ay sa Japan lamang naganap; walang ganito saan-mang iba pang panig ng daigdig.

Ibig sabihin, sa Japan, hindi nawala ang biochemical weapons  – itinuturing na pinakamapamuksa na nadiskubre ng sangkatauhan.

At pinakanakakapangilabot ang pangyayari na noon pang 1945 ang lahat ng pormula at mga pasilidad sa pagdevelop ng mga sandatang ito ay sumakamay na ng Estados Unidos.

Ngayong lumalalala ang hidwaan ng China at Estados Unidos sa di-mapigil na paghahangad ng huli ng hegemoniya sa Asya-Pasipiko, anong paniguro na ang kaalaman sa pinakamapamuksang biochemical weapons ng Unit 731 ay hindi napaunlad pa nang husto upang magamit muli ngayon laban sa China pa rin?

At mas masaklap pa para sa Pilipinas, kilala siyang mahigpit na kaalyado ng Amerika at  samakatuwid kakutsaba nito sa paghasik ng panibagong krimen kontra sangkatauhan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -