(Huli sa serye ng Korea library visits ng FLAPI)
AAMININ kong may inggit akong naramdaman nang makita ko ang mga public libraries sa Korea. Ayokong ihambing ang estado ng mga aklatan sa aking bansang pinagmulan. Pero di ko mapigilan. Paano’y kitang-kita ko ang labis na pagpapahalaga ng mga Koreano sa mga aklat at aklatan. Pati ang interior design ay maingat nilang isinasaalang-alang (mayaman din naman kasi ang bansa nila). Kahit sa mga tahanan ng karaniwang pamilyang Korean, mapapansing laging may mga libro sa kanilang mga sala o kabinet. Matindi rin ang pagsusumikap ng mga kabataang Korean na mag-aral. Di nga ba’t maraming bata’t kabataan doon ang nagsisikap matutong magsalita ng wikang Ingles? Susi nga ba ang mga libro at aklatan kung bakit labis na maunlad ngayon ang Korea?

Bihira ang bansang kabilang ang library sa itinuturing nilang tourist attraction. Ang Starfield Library sa Seoul ang isang dinarayong lugar ng mga turista. Marami ang nagpupunta roon para pagmasdan ang ganda at lawak ng naturang library. Napaka-photogenic naman kasi ng naturang aklatan. Sino mang makakakita ng libray ito ay tiyak na mamamangha at magpapakuha ng larawan. Marami pang pambihirang libraries na makikita sa iba’t ibang dako ng Korea. At hindi lang ito matatagpuan sa mga kilalang siyudad ng Seoul, Busan, at Incheon. Kahit sa mas maliliit na lungsod – gaya ng Iksan, Osan, Jeonju, Gochang, Suncheon, Gwangyang, at Bundang – kay rami pa ring mga aklatan na maaaring puntahan. Ang aming hosts sa naturang library visits ay matiyagang dinala kami sa mga aklatang ito.

Nalaman ko rin na kung may ekstra lamang silang espasyo sa kanilang mga tahanan o komunidad, at kung kakayanin lang din ng kanilang resources, nagtatayo sila ng mga mumunting aklatan. Ayon kay Director Jung Ki-Won, presidente ng Korea Small Library Association, baka aabutin na ng humigit-kumulang na dalawang libong libraries sa buong Korea ang miyembro nila. Nasa ilalim ng kategoryang ‘small libraries’ ang mga ganitong aklatan. Hindi kasi kailangang sa gobyerno manggaling ang inisyatibang magtayo ng library. Sino man na may pagnanais na makapagtayo ng maliliit na aklatan ay inirerehistro nila sa ilalim ng samahang ito.

Iba-ibang klase ng library ang nakita ko. May library na extension ng isang church (madalas na evangelical church), o kaya’y library na nakatayo sa gitna ng forest, o sa isang farm, o kahit pa sa isang agricultural area. May isa pa akong library na nakitang itinayo sa tabi ng isang lawa at ang naturang library ay music-themed. O di ba, habang nagbabasa ay nakikinig ka pa ng musika! Marami rin silang reading programs na ipinatutupad upang gawing makabuluhan ang pagkakatayo ng mga libraries at patuloy na mapatatag ang kanilang kultura ng pagbabasa. Aanhin nga naman ang magagandang aklatan kung wala namang magtutungo rito para magbasa?

May isang reading program sila na umagaw ng aking pansin: ang ‘Chaekkoong 20’, isang rewards system kung saan ang mga library users ay nakaiipon ng points para sa kanilang reading habit. Uso pa naman sa ating bansa ang pag-iipon ng mga points sa ano mang bagay na binibili natin: gamot, school supplies, gasoline/krudo, at grocery items. Sa bawat aklat na nabasa at isinoli ng reader sa isang library, ang reader ay nagkakaroon ng 50 points. Kapag naipon, kalaunan, ay puwede itong makulekta bilang cash sa mga lokal na bookstores! Biruin mo, yumaman na ang kaalaman mo dahil sa aklat na nabasa, nagkaroon ka pa ng ekstrang pera!

Naikuwento ng mga kaibigan kong Korean na ang siyudad ng Jeonju ngayon ay kinikilala rin bilang ‘city of books and libraries.’ Kung dati-rati ay dinarayo ito ng mga turista dahil sa mga historical sites at pagkain (idineklara rin kasi ang Jeonju bilang UNESCO City of Gastronomy), ngayon ay nadagdagan ang pagkilala sa Jeonju bilang espesyal na siyudad na itinatampok ang mga aklat, panitikan, at libraries. Katunayan, may isinasagawang ‘Jeonju Library Tour’ ngayon kung kaya’t popular ang lugar na ito sa mga book lovers. Maraming turista ang dumarayo rito, kahit may kalayuan sa Seoul, para makita ang mga aklatan dito.

Nakabisita kami sa isang church library sa Hodoe sa lugar ng Seongnam. Nang tingnan ko ang mga aklat na nasa mga estante, napansin ko na waring kay raming aklat na walang kinalaman sa espirituwalidad (o di kaya’y mga inspirational titrles). Ang una kong naiisip na nasa koleksiyon nila ay mga aklat na magagamit ng mga miyembro ng kongregasyon nila sa pagpapatatag ng pananampalatayang Kristiyano. Pero nagkamali ako. Sa tulong ng librarian na si Fe Abelardo, retired chief librarian ng National Library of the Philippines, nalaman kong ang mga aklat na nandoon ay maibibilang sa general reference batay sa library code nito. May mga aklat tungkol sa Social Sciences, Education, Panitikan, at Humanidades. Kung tutuusin, at kung seseryosohin ang pagbabasa, malaki ang maitutulong nito sa functional literacy ng mga miyembro ng kanilang church.

Nagulat din kami nang malamang ang pastor na namamahala sa naturang church library ay isang book author. Nang mabanggit kong awtor ako ng mga aklat pambata, ang naturang pastor ay nagpakilala na siya rin daw ay nakapaglathala na ng ilang libro. Tuwang-tuwa siya kung kaya’t nagkaroon pa kami ng pagpapalitan ng aklat na inakda namin. Binigyan din niya ng kopya ang iba pang miyembro ng aming grupo. Nakasulat sa wikang Korean ang aklat at naisip kong may translation app naman sa cellphone ko. Pinirmahan niya ang kanyang aklat gamit ang kanyang Korean name (minsan, may English name na ina-adopt ang isang Korean para mas madaling matandaan ang pagkakakilanlan niya). Naisip ko rin na malaki ang kinalaman ng kaniyang pagiging awtor sa interes nang pagtatayo ng aklatan sa tabi mismo ng kanilang church.
Isa pa sa mga aklatang nag-iwan ng impresyon sa akin ay ang Book Village Harry na pag-aari ng sikat na picture book artist sa Korea. Malaki ang property na kinatatayuan ng kaniyang aklatan. Dati raw ay naibenta ng kanyang magulang ang property na ito. Mabuti’t muli raw niya itong nabili at napagdesisyunang gawing aklatan. Nasa gitna ng isang waring farming village ang Book Village Harry. Mayroon din siyang maliit na coffee shop at bookstore sa harap ng kanyang aklatan.
Sa loob ng kanyang book village ay matatagpuan ang isang owl-shaped library, tree house library, poetry library, may library rin na may kamang tulugan sa loob, at kung ano-ano pa. May isang mobile bus library na nakaparada sa gitna ng malawak na lawn na may nakasulat sa labas na ‘Anyone can be a publisher Bus.’ Nagsasagawa rin siya ng workshop doon. Naikuwento rin niya sa amin ang isang lola na madalas bumisita sa Book Village Harry at natuklasan niyang mahusay palang gumuhit. Ginabayan siya ni Harry at kalaunan ay nakapaglathala ng ‘accordion picture book’ ng mga sari-saring bulaklak. Bago kami umalis sa kanyang aklatan, nagpalitan din kami ng aming mga sinulat na aklat. Awtor si Harry ng maraming picture books at publisher din ng higit sanlibong titles.
Ang inggit na naramdaman ko sa pagkakita ng mga malikhaing aklatan sa Korea ay nagsilbing hamon sa akin. Nais kong mahikayat ang ating mga kababayan na sundan ang yapak ng mga Korean pagdating sa pagtataguyod ng habit ng pagbabasa at pagtatayo ng mga mumunting aklatan. Makatutulong ito upang mapanday ang sinasabing ‘functional literacy’ ng ating mga bata’t kabataan.

