LUBOS akong nagdadalamhati sa insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong kabataan ang nasawi at pito pa ang sugatan (data as of June 22). Isang pangyayaring lubhang nakababahala lalo na’t kasunod ito ng mga karahasang kinasasangkutan ng mga estudyante sa iba pang paaralan.
Ipinapaabot ko ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at ang aking panalangin para sa mabilis na paggaling ng mga nasugatan.
Ipinagkakatiwala ng bawat magulang ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa paaralan, na itinuturing nating pangalawang tahanan. Ngunit ngayong araw sa Tacloban, may mga magulang na hindi na muling makakapiling ang kanilang mga anak. Paano pa magkakaroon ng kapanatagan ang bawat magulang sa ganitong kalagayan? Hindi dapat matakot ang sinumang bata para sa kanilang kaligtasan sa loob ng paaralan, isang lugar na dapat nag-aalaga ng pagkatuto, paglago, at pag-asa.P
Habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pangyayari, malinaw na kailangan nating paigtingin ang mga hakbang upang tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng kabataan, kabilang ang karahasan, kalusugang pangkaisipan, at pag-access sa mga armas.
Ang pag-atakeng ito ay nag-aatas sa atin na harapin ang isang mabigat at nakababahalang katotohanan. Ang mga suspek ay pawang mga menor de edad. Kapag ang isang bata ay may hawak nang armas at naidala ito sa loob ng silid-aralan, nabigo na ang mga taong at sistemang dapat nagpoprotekta sa kanila. Hindi nito binabawasan ang kanilang pananagutan sa kanilang ginawa at sa mga pamilya ng mga biktima na nananawagan ng hustisya. Ngunit dapat nitong ipaalala sa atin ang mga senyales na hindi natin napansin, ang tulong na huli nang naibigay, at kung gaano kadali para sa isang menor de edad na magkaroon ng armas.
Hindi na dapat maulit ang ganitong karahasan. Tungkulin nating tiyakin na ligtas ang bawat bata sa loob ng silid-aralan.

