28.9 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 24, 2026

Online gaming posibleng isa sa dahilan ng pamamaril sa Tacloban

- Advertisement -
- Advertisement -

NAPAG-ALAMAN ng Cybercrime Investigation ang Coordinating Center (CICC) na isa sa Grade 9 student na namaril sa Tacloban, Leyte ay masugid na naglalaro ng Gorebox, isang gaming application na physics-driven at ultra-violent game.

Larawan mula sa The Manila Times

Ang online game na ito ay nagpapahintulot na mag-eksperimento sa iba’t ibang armas at kilala sa mga graphic na paglalarawan nito ng karahasan.

Dahil dito, pansamantalang pinatigil ng CICC ang gaming application na GoreBox at kaparehong gaming application. Ang hakbang ay ipinatupad matapos ng imbestigasyon ng pulisya sa 14 na taong gulang na bata na sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban na ikinasawi ng apat na estudyante at 20 iba pang nasugatan. Nakakita ng 40 bala ng baril sa pinangyarihan ng krimen.

“We are blocking Gorebox temporarily as a precautionary measure pendin­g the investigation,” sabi ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso.

Sa pakikipagtulungan sa Council for the Welfare of Children (CWC), pinaigting din ng Threat Monitoring Center (TMC) ng CICC ang pagbabantay nito sa mga online na aktibidad, kabilang ang mga kinasasangkutan ng GoreBox at mga katulad na platform.


Pamamaril, pinagplanuhan

Dahil sa mga lumabas na diumano’y chat messages ng dalawang minor de edad na suspek na mabilis na kumalat sa internet, masasabing pinagplanuhan ng isang buwan ang ginawa nilang pamamaril na dalawa.

“Ang bilis lumabas ng mga screenshots ng kanilang text messages,” sabi ni BGen Jason Capoy, Police Regional Office 8 regional director.

Napag-alaman din sa kanilang text messages na nag-research din sila tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act na kapag minor ay hindi mapaparusahan kahit na gumawa ng krimen. 

- Advertisement -

Sa naunang ulat ng Philippine National Police (PNP), sinabi na biktima ng bullying ang dalawa mula Grade 7 subalit lumalabas na ang kanilang mga binaril ay hindi naman mga nag-bully sa kanila.

Ayon sa PNP, nakuha ng 14-taong gulang na suspek ang kanyang baril na Glock 9mm pistol mula sa kanyang tita na aktibong police officer samantalang yung 15-taong gulang na suspek ay nakakuha ng .38 revolver nakarehistro bilang service firearm mula sa isang security agency.

Palasyo bukas sa pagrepaso ng batas

Kasunod ng pamamaril noong Lunes, sinabi ng Malacañang na naniniwala itong kailangang pag-aralan ang mga iminungkahing susog sa Republic Act 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, partikular na ang mga panukalang bawasan ang edad ng pananagutang kriminal ng mga menor de edad.

Sa isang briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na ang pagpapatibay ng mga pagbabago sa batas ay depende sa bersyong isusumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nauna nang sinabi ng PNP na sinusuportahan nito ang panukala ni Sen. Robinhood Padilla na muling suriin ang batas at nais nilang ibaba ang edad ng pananagutang kriminal mula 15 patungong 12 taong gulang. Halaw sa ulat ng The Manila Times

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -