26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Public Health Communication 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang artikulo sa dalawang bahagi

BILANG isang porma ng praksis sa larangan ng kalusugan, ang public health communication ay maituturing na tambalan ng scientific, technical at development communication. Kagaya mismo ng public health, ang ganitong uri ng komunikasyon ay nagtataglay ng mga sumusunod na katangian: malayunin (purposive), kolaboratibo (collaborative), mapagnilay (reflective), nakakapagturo (educative), nakakapagbigay-alam (educative),  nakakapagpanibagong-hubog (transformative) at nakakapagligtas ng buhay (life-saving). Sa partikular, hangarin nitong palaganapin ang malusog na pamumuhay, lumikha ng ligtas na kapaligiran, maiwasan ang pagkakasakit, malunasan ang mga karamdaman at mapalakas ang sistemang pangkalusugan. Ito ay nakabatay rin sa panuntunan na magiging maalam lamang ukol sa kalusugan ang komunidad kung ang mga proyektong pangkalusugan mismo ay may epektibong komunikasyong pangkalusugan. Ang sumusunod ay tala ng ilang paalala at mungkahi sa agham at sining ng pagbuo ng public health campaign para sa komunidad.

  • Alamin ang communication preference ng target audience upang maging demoktratiko ang proseso simula’t sapul. Ang communication media ay maaaring nasa porma ng poster, infographics, brochure, podcast, vlog, reel, community theater, blog, booklet, komiks at iba pa o kombinasyon ng mga ito. Samakatwid, ang public health communication ay kadalasang may multimodal na katangian.
  • Ikonsidera ang paggamit sa social and behavioral change communication (SBCC) at social marketing approach sa pagbuo ng advocacy material lalo na sa konteksto ng layuning baguhin ang mga kinagisnan na maling paniniwala, pagdedesisyon, at gawi ng publiko ukol sa kanilang kalusugan.
  • Isaisip na ang public health communication ay nag-aambag din sa public health education. Samakatwid, isa itong porma ng pagtuturo at dapat malay (o conscious) rin ang bumubuo nito sa mga batayang pilosopiya ng edukasyon. Kung learner-centered at audience-centered ang gagamiting disenyo, kailangang unawaing mabuti ang demographic, sociographic at psychographic na katangian ng target audience.
  • Bumuo ng magandang relasyon at ugnayan sa komunidad upang pagtibayin ang respeto at tiwala sa isa’t isa. Mas magiging epektibo ang public health campaign kung ito ay nakabatay sa makakapwang pakikitungo. Iwasan ang pagiging mapagmataas, mapang-usig, mapanisi at mapanghusga sa pakikitungo sa komunidad at sa bubuoing health communication material.
  • Unawain ang lawak at lalim ng pampublikong kalusugan bilang paksa. Ilan sa mga tema at paksa na maaaring saklawin ay ang mga sumusunod: adolescent health, healthy aging, hypertension, syndemic, rare diseases, reproductive health, oral health, psycho-social health, healthy eating, reduction of salt/sugar consumption, healthy canteen, debunking vaccination myths, (ir)rational drug use, antibiotic resistance, sanitation and hygiene, water safety, urban heat island (UHI) effect, in-door pollution, light pollution, thermal pollution, walkable cities, obesogenic society, sustainable transportation, community safety audit, risk society, drowning, road safety, One health, ending open defecation, zoonotic diseases, responsible pet ownership, LPG safety, fire hazard, toxic cosmetics, toxic toys, sustainable pest management at marami pang iba.
  • Unawain ang posisyonalidad mo bilang media creator/health communicator at ng iyong target audience. Kritikal ito para malaman ang maaaring maging epekto ng iyong identidad/pagkatao at maging ng target audience sa binubuong produksyon.  Ang posisyonalidad ay maaaring tumukoy sa antas ng edukasyon, akses sa teknolohiya, uring panlipunan, pinagmulang rehiyon, kultura, kasarian, ideolohiya, paniniwala, pananampalataya at iba pa.  Batay rito ay mauunawaan at maantisipa ang maaaring maging balakid/sagka sa ikatatagumpay ng proyekto. Tukuyin at unawain din kung saan nagtatambal at nagkakaiba ang inyong mga posisyonalidad. 
  • Ipaloob sa diskurso ang social determinants of health (SDH) bilang multidimensyonal na kondisyon na nakakaapekto sa pangkalahatang kalusugan. Sinasaklaw ng social determinants of health ang mga sumusunod: edukasyon, uring panlipunan, lahi, etnisidad, edad, kasarian, trabaho, kita, nutrisyon, tirahan, tubig at sanitasyon, transportasyon, wika, komunikasyon, kultura, pananampalataya, batas at pampublikong patakaran, pamilya, social network, social support, kaligtasan ng komunidad at kapaligiran, built environment, pandarayuhan, immigration status at iba pa. 
  • Huwag kalimutan na isama ang komunidad sa tradisyonal na building blocks of health systems (saligan/pundasyon ng sistemang pangkalusugan) na kinakapalooban ng mga sumusunod: health policy and governance, health human resources, health service delivery, health financing, health supplies and technologies, health information and communication. Kulang at hindi ganap ang sistemang pangkalusugan kung hindi kasama ang komunidad sa panlipunang tumbasan.
  • Tandaan na alinsunod sa mga building block na nabanggit, ang layunin ng public health advocacy ay ang demokratisasyon ng pamumuno at pamamahala, pagsusulong sa batayang karapatan ng mga manggagawang pangkalusugan, pagsasaayos sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, pagpapataas ng badyet sa sektor, inklusibong pamamahagi ng mga rekursong pangkalusugan at paglaban sa disimpormasyon at misinpormasyon sa larangan. Mahalangang bigyang diin din ang sentral na papel ng pamunuan, pamamahala at patakaran sa kabuuan at ang kahalagan nito sa iba pang saligan o pundasyon ng sistemang pangkalusugan. Sa kontekstong, ang public health communication ay pinakamakapag-aambag sa health information.
  • Gumamit ng storytelling approach upang mas maging epektibo ang health promotion at health education. Kasama rito ang mayayamang kuwentong buhay ng komunidad ukol sa kanilang mga alalahanin, aspirasyon at pakikibaka.
  • Pagtambalin ang ‘stats’ at ‘stories’ sa paglalahad upang mas maging makabuluhan ang naratibo. Mas nagiging makulay, malikhain at masining din ang produksyon sa pamamagitan nito.
  • Huwag kalimutan na ang tamang pagdedesisyon sa usaping pangkalusugan ay nakaangkla sa akses sa mataas na kalidad na impormasyon. Dito may mahalagang gampanin ang public health communication. Naglipana ang mga maling impormasyon at kadalasan ay mas mabilis pa itong lumaganap sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa on-the-ground at lalo na online.
  • Isama tuwina ang komunidad sa binubuong materyales. Sumangguni sa kanila. Itampok sila bilang sentral na bahagi sa naratibo. Isaisip na para sa kanila ang ginagawang produksyon. Kadalasan kasi ay ‘afterthought’ lamang o kung hindi man ay ‘tokenistic’ lamang ang pagiging kabahagi ng komunidad sa tumbasan at kabuoang larangan. Maaaring gamitin ang participatory action research (PAR) para sa layuning gawin itong mas demokratiko at mapanghamig: Participatory Action Research 101 – Pinoy Peryodiko
  • Bigyang boses lalo na ang bulnerableng sektor sa naratibo. Huwag makuntento sa ningas-kogon (short-term) at pabalat-bunga (skin deep, superficial) na pagtatampok lamang sa kanila. Isulong ang ningas-bao (long-term) at likas-kayang (sustainable) pagbibigay-boses at pagsasakapangyarihan ng mga bulnerableng mamamayan sa diskurso at buong proseso.

Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang binubuong produksyon ay may pontensiyal na malaking ambag sa pagpapataas ng kalidad ng buhay (quality of life) ng kapwa at komunidad. Isagawa ito nang may dangal at husay. Sa isang lipunang may malawak na agwat sa usapin ng kabuhayan (economic divide), kalusugan (health divide) at impormasyon (information divide), ang public health communication ay isang hakbang tungong demokratisasyon ng serbisyong pangkalusugan (health democracy) at pagpapanaig ng katarungang panlipunan (social justice) para sa mas mahabang buhay na may malusog na pangangatawan, isipan at damdamin.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -