SINALUBONG ng mga protesta ang Reframed General Education Curriculum (RGEC) na inilabas ng Komisyon sa Lalong Mataas na Education (Commision on Higher Education o CHED) nang ilabas ito sa publiko noong Abril 2026. Noong Mayo 5, 2026, nagdaos ng forum ang CHED para ipaliwanag ang nasabing kurikulum. Nang sumunod na linggo, nagmartsa mula sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman ang mga guro at estudyante patungo sa tanggapan ng CHED sa C. P. Garcia Avenue upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa RGEC. Ipapatupad na sana sa ilang piling unibersidad ang nasabing bagong kurikulum ngayong 2026 at full implementation na sa 2027. Pero dahil sa pagtutol ng iba’t ibang sektor, nagpasya ang CHED na huwag muna itong ituloy. Nagpalabas din ang CHED ng open call sa sino mang nagnanais na maging bahagi ng Technical Panel na susuri at gagawa ng bagong general education curriculum.
Pansamantalang tagumpay ng mga nagmamalasakit sa tunay at mapagpalayang edukasyon para sa ating mga kabataan. Ngunit hanggang kailan?
General education ang pangkalahatang tawag sa mga sabjek na pinag-aaralan ng mga estudyante sa kolehiyo, karaniwan sa unang dalawang taon ng kanilang pag-aaral. Sa ikatlong taon na sila sumasabak sa espesyalisadong mga sabjek tungo sa propesyong napili nila. Ang GE dati ay binubuo ng mga sabjek na tulad ng panimulang kurso sa sikolohiya, pilosopiya, agham pampolitika, kasaysayan, humanidades, matematika, natural and physical sciences (botany, zoology, chemistry, physics, etc.). Nagbibigay ang mga kursong ito ng holistikong kaalaman sa mga estudyante na magpapalawak ng kanilang kaalaman at kamalayan sa mundo ano man ang kurso at espesyalisasyong gusto nila.
Noong nagturo ako dati sa isang engineering school (university na ngayon), na ang mga kursong available ay iba’t ibang klase ng engineering, architecture at accountancy, ang mga estudyante ay required na kumuha ng mga sumusunod: 4 semestre ng English, 4 semestre ng Spanish, 4 semestre ng Humanities, at 1 semestre ng Rizal course. Kung tutuusin, importante ba sa pagtatayo ng mga gusali at mga tulay ang kaalaman sa kasaysayan, panitikan at kultura ng matandang lipunang Griyego at Romano, ang panitikan ng mga Pilipino sa wikang Ingles, ang relihiyon at kultura ng mga bansang Asyano, atbp? Bakit naman hindi? Nakapagpayaman ito sa kanilang mga pananaw bilang mga inhinyero at arkitekto at nagbigay ng makataong perspektiba.
Ang Reframed GE Curriculum
Draft memo pa lamang ito, depensa ng CHED. Pero kung walang tumutol, tuloy na tuloy na sana ang implementasyon, nang wala man lamang konsultasyon sa mga taong apektado ng binagong kurikulum.
Ano ang malaking pagbabagong gustong ipatupad ng RGEC? Una, mula 36 units ng general education, magiging 18 units na lamang, o kalahati na lamang ng kasalukuyang bilang ng mga yunit sa general education. Payat na nga ang kasalukuyang GE, ginawa pang tisiko. Sa 3 units bawat sabjek, magiging 6 sabjek na lamang ang kailangang kunin ng mga estudyante sa kolehiyo, bago sila makatuloy sa kani-kanyang espesyalisasyon. Kung titingnan, parang pabor ito sa mga magulang at mga estudyante mismo dahil mas mabilis silang makakatapos ng kolehiyo, mas maaga na silang makakapagtrabaho para makatulong sa pamilya.
Ito na lamang ang mga sabjek sa GE: Professional Communication; Global Trends and Emerging Technologies; Data, Evidence, Ethics in a Knowledge Society; Rizal and Philippine Studies; Labor Education; at Institutional GE: identity driven, cross-program, non-specialized course specification.
Wala nang wikang Filipino sa kolehiyo, walang panitikan, walang kasaysayan ng Pilipinas,walang humanities, sining at kultura.
Nagtaka rin ang CHED ng 36 maximum number of GE units, na tinutulan ng Ateneo de Manila University dahil sabi nito, ayon sa Higher Education Act ng 1994 na lumikha ng CHED, maaari lamang itong (CHED) magtakda ng minimum requirements, hindi ng maximum.
Ayon kay Dr. Felipe Mendoza de Leon, dating Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), mahalaga ang humanities at mga kaugnay na larangan tulad ng “sikolohiya ng tao, iba’t ibang pilosopiya at sining na maglilinang ng pakiramdam sa kapwa” dahil ang kaalaman tungkol dito ang “makapagbibigay ng kakayahang gumawa ng tamang desisyon sa buhay.”
Ayon naman kay Rowie Madula ng De La Salle University – Manila, “ang gen ed subjects ay hindi lang dapat gawing job-ready ang mga college graduate, kundi higit sa lahat ay dapat KAPWA-READY, pagkilala na ang ibang tao ay bahagi ng sarili, na may pinagsasaluhang pilosopiya, sikolohhiya, wika, panitikan, at pagkamamamayan, na may kamulatan sa kanyang sariling kaakuhan, na nakikitungo, nakikipagkaisa, nakikipagtulungan, nagmamalasakit, at nagmamahal sa iba.”
Para sa University of the Philippines – Los Banos College of Communication Development, “ang GE curriculum ay hindi lamang sa paghahanda ng mga estudyante parasa teknikal at propesyonal na trabaho kundi pati na rin sa paghubog ng mga mamamayang may kritikal na pag-iisip, malasakit sa lipunan, at pagkamalikhain.”
Para kay David Michael San Juan ng Tanggol Wika, TAMA NA, at Kilusang Bayan Kontra Kurakot, “we need more, not less.” Nagmungkahi siya ng higit 50 units ng general education subjects, na bubuuin ng Intelektwalisasyon ng Filipino, Kritikal na Araling Pilipinas/Filipino/Pilipino, Panitikan ng Pilipinas, Emancipatory Labor Education and Philippine Government and Constitution, 21st Century Skills for Community Empowerment & National Development, Great Books, etc.
Ayon sa CHED, binuo ang kontrobersyal na RGEC upang matugunan ang hinihingi ng job market, at hinihikayat ang mga unibersidad na magpatapos ng mga estudyanteng handang-handang agad-agad sumabak sa trabaho. Mga college graduates na parang robot na madaling mapasunod, walang critical thinking, walang pakialam sa bayan at mundo.
Tila ang edukasyon sa Pilipinas ay hindi para sa bayan kundi para sa negosyo. Mula DepEd tuloy sa CHED, ang kurikulum ay hindi para magpaunlad ng kaisipan kundi para lamang maging handa ang mga kabataan bilang mumurahing lakas sa paggawa. Hindi bilang technocrat, hindi bilang tagagawa ng mga patakaran at desisyon.
Maitatanong tuloy: Para saan, para kanino ang edukasyon ng mga Pilipino?

