UPANG palawakin ang access sa wastong pangangalaga at rehabilitasyon para sa children in conflict with the law (CICL), naglaan ang 2026 national budget ng pondo para sa pagpapatayo ng limang bagong regional Bahay Pag-Asa, ayon kay Senate President Win Gatchalian.
Naglaan ng P275 milyon sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa unang yugto ng multi-year construction program para sa mga naturang pasilidad. Nagbibigay ang Bahay Pag-Asa facilities ng residential care, intervention, at rehabilitation services para sa CICL.
Magkakaroon ang bawat Bahay Pag-Asa facility ng kapasidad na 50 mga kama, o kabuuang 250 karagdagang kama sa buong bansa. Binalikan ni Gatchalian ang kanyang karanasan noong mayor siya ng Valenzuela City, kung saan nakita niya ang mahalagang papel ng Bahay Pag-Asa sa rehabilitasyon ng mga CICL at sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan.
“Kapag maayos ang pagpapatakbo ng Bahay Pag-Asa, mas malaki ang tsansa na mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga kabataang naligaw ng landas,” ani Gatchalian.
“Patuloy nating susuportahan ang pagpapatatayo ng mas maraming Bahay Pag-Asa facilities dahil kung maayos ang kanilang pagpapatakbo, mas malaki ang posibilidad na makabalik at muling makapamuhay nang maayos sa ating lipunan ang mga batang ito,” dagdag na pahayag ng senador.

