28.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Sen Hontiveros sa hearing ng Nihilistic Violent Extremism: Kailangan ng agarang aksyon sa trahedyang ito

- Advertisement -
- Advertisement -

SA ginanap na hearing ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality tungkol sa Nihilistic Violent Extremism, nagbigay ng paunang pahayag si chairman Senator Risa Hontiveros. Narito ang kanyang pahayag.

Sa ginanap na hearing ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality tungkol sa Nihilistic Violent Extremism (NVE). Mga larawan kuha nina Joseph Vidal at Voltaire Domingo ng Senate Social Media Unit

Trahedya sa Tacloban

”Matinding trahedya ang nangyari sa Tacloban, at bago pa po ang anupaman, gusto ko pong iparating ang aking lubos na pakikiramay sa mga pamilya na namatayan. At lubos na pag-alala, hindi lamang ako kundi ng buong komite, pati doon sa mga batang nasugatan at lahat pa po ng kaklase, kaeskwela nila na na-traumatize sa teribleng trahedyang ito.

“Wala pong pwedeng pumuno sa na-suffer ng mga magulang Chris Lorenz at ni Joyancee, o Yancee kung tinatawag siya sa kanyang pamilya, at ni Ayessa.


“At mamaya ng konti, ia-acknowledge ko na mayroon ilan sa kanila sa mga pamilya na makakalahok pa rin sa kabila ng kanilang matinding pagluluksa dito sa ating pagdinig. At mamaya rin ilang mga miyembro ng pamilya nung mga nasugatan naman at hanggang ngayon ay patuloy na nagpapagaling na nag-sobrang magandang loob din na sumama in person dito sa ating pagdinig ngayong umaga.

“Lubos po kaming lahat na nakikiramay. Lubos po kaming nagdarasal para sa hustisya para sa lahat. Nagdarasal po kami para sa maaga at maagap na paggaling ng mga nasugatan at lalong nakataya ang komiteng ito na moving forward mas proteksyunan ng ating buong gobyerno at ng ating buong lipunan ang ating mga bata laban sa ganitong klaseng karahasan at masasamang pwersang kumikilos sa palibot ng karahasang ito.

”Alam nating lubhang masakit ang pinagdaraanan nila ngayon, itong mga pamilya nila. Kaya lubos po akong nagpapasalamat sa mga magulang ni Chris Lorenz Fabian at Yancee Separa na sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, at least sa pamilyang Separa, pinaunlakan nila ang imbitasyon ng komite. Huwag po nating kalimutan sa ating isip at kalooban ang pamilyang Fabian din dahil kahapon lamang inilibing nila ang mahal nilang anak.

- Advertisement -

“Makakasama natin online mula Tacloban sina Mr. Jamie Separa at Ms. Jennelyn Badoria na mga magulang ni Yancee.

“Malaki rin ang aking pasasalamat sa mga kaanak ng dalawa pang estudyante na tinamaan ng bala at kasalukuyan ay nasa ospital pa rin. Kasama natin dito ngayon sa loob ng bulwagan ang ama ni Kaye Lapidario na si GInoong Rolando Lapidario, at ang kapatid naman ni Gerric Bituin na si Ms. Janica Bituin. Sila na rin po ay magkukwento mamaya tungkol sa pangyayari sa teribleng umagang iyon at kung papaano rin nagpapagaling pa ang kanilang anak, kanilang kapatid ngayon sa ospital.

Agarang aksyon

“Lahat po tayo dito ay nayanig. Lahat po tayo dito ay galit. Lahat po tayo dito ay nalulungkot at nagluluksa at nag-aalala kasama ng kanilang pamilya. Wala po akong alinlangan na kailangan ng agarang aksyon sa trahedyang ito. But we suffer more if we don’t look at it through multiple angles. Alam natin na ang ganitong sakuna ay dulot ng kumpul-kumpol na kakulangan sa ating mga sistema. And we have to look at all the angles.

Nihilistic Violent Extremism

- Advertisement -

“One angle that we are centering on today ay itong phenomenon ng online grooming sa loob ng mga games. Ito po ang topic ng hearing na ito dahil pagpapatuloy ito ng nakaraang hearing kung saan siniyasat natin ang nangyari sa school shooting attempt sa Laguna. Sa nakaraang hearing, nilantad ng PNP-ACG ang unti-unting pagkalat ng Nihilistic Violent Extremism o “NVE,” na nag-tatarget ng kabataan para udyukin silang saktan ang sarili o kaya ay gumawa ng karahasan sa kapwa nila bata.

“Let me be clear: I am not calling for a total ban on online games. Wala akong sinasabi na ang naglalaro ng games ay gagawa ng karahasan in real life. Fake news po iyon. Maraming kabataan ang naglalaro para magpahinga, makipagkaibigan, matuto, at maglibang. Malinaw po sa akin: Hindi games o gaming community ang kalaban. Tungkol ito sa mga panganib na puwedeng kaharapin ng mga bata habang naglalaro at nakikipag-usap online.

”Patungkol dyan, narito ang ilan sa aming mga natuklasan. Trigger warning po sa lahat ng nanonood dito at online.

Impluwensya ng ‘764’

“May mga indikasyon po na ang naganap na pamamaril sa Tacloban ay may impluwensiya ng grupong tinatawag na “764”. Ano ang 764? Nagsimula ito sa Texas, USA ng isang 15 years old na ang pangalan ay Bradley Cadenhead. Cadenhead claims an individual he met through the online game Minecraft aided him in starting 764, na first three digits ay zip code niya sa Texas. Ang modus ng grupong ito – maghanap ng mga bulnerableng minors online at hikayatin na gumawa ng kahindik hindik na bagay. Sabi mismo ng FBI, the leaders of the group are pushing victims to create graphic pornography, to harm family pets, to cut themselves with sharp objects, or to even die by suicide. Paano? Kinakaibigan muna. Binibigyan ng sense of belonging. Pinaparamdam na may lugar sila. At saka unti-unting hinihikayat sa mas madilim at mas mapanganib na gawain.

“Global na ang reach ng 764. Sa Canada – dinesignate na ito bilang “terrorist group.” Sa US naman, tinawag na ito ng FBI at Department of Justice nila na isang “national security threat.” Naglabas na ng babala ang FBI sa mga magulang para rito.

“Marami rin pong indikasyon na yang mga NVE — nihilistic violent extremism networks na yan, ginagawang pugad ng recruitment yung mga games na nilalaro ng kabataan gaya ng Roblox, Minecraft, at Gorebox.

”Sa loob ng grupo, may mga materyales tungkol sa sextortion o yung pananakot gamit ang mga sexual images, meron ding tungkol sa paggawa ng armas o eksplosibo, at iba pang mapanganib na gawain.

“Ang mahirap nito, kung hindi nararamdaman ng bata sa totoong buhay ang respeto at pagtanggap o belonging, ang mga puwang na iyan ay pinupunuan ng mga masasamang online community nang may mabigat na kapalit: Sa pagsunod, sa pananakit, at minsan, sa karahasan.

Mga ulat ng independent investigators

“Base sa reports ng independent investigators, nakita ang Facebook profile na ito na sinasabing gawa ng isa sa Tacloban suspect na si Alias Nash. Sa profile niyang ito, makikita na suot niya ang KMFDM shirt. Yung banda na KMFDM is not involved in 764, but many members of communities like 764 use that shirt para magbigay pugay sa Columbine killer.

“Iisa lang ang Facebook friend, at ayon sa ating source, ito ang dummy account rin ni Alias Nash na may pangalang Date Larping. Pagkatapos ng barilan, nagpost ng comments sa page na ito ang tila mga miyembro ng parehong grupo. Makikita ang sinasabi ng mga miyembro ng grupo na sumusuporta sa ginawa niya. Sa comment ng isang “Sedykh Ryazanov,” sinabi: “Na edit na kita boy sa tiktok. Make sure na delete mo and discord, Reddit, telegram para walang evidence mahanap.” Itong “Sedykh Ryazanov” rin ang pinaghihinalaang adult groomer ng mga batang ito.

“We have been able to  confirm that the profile of Alias Nash, Date Larping and the Sedykh Ryazanov profiles are profiles that were active on Meta, but have now been deactivated. Meaning may totoong tao sa likod ng mga profile na ito.

“Ito naman ang nakita namin na profile ng mga iba pang nag-comment sa post ni Alias Nash — mga batang tila nasa network rin ng 764 at may interes sa pamamaril. I want to be very clear: These are not yet final conclusions. Ang mga ito ay leads. Kaya pinadala na po natin ang kumpletong detalye nito sa NBI para sa beripikasyon at imbestigasyon. Posibleng may mas malawak na network, at kailangang mahuli ito bago pa magkaroon ng susunod na mabibiktima.

“Ilang araw lang po ang nakalipas, may nag-viral rin na post ng isang nanay at ang kanyang batang anak na bilang task daw sa Roblox ay pinahuhubad para makakuha ng rewards. Muli, kapag ang platform ay ginagamit para lapitan, utuin, takutin, o pagsamantalahan ang mga bata, may obligasyon ang platform at ang gobyerno na kumilos.

“Hindi natin mabubura ang sakit ng nangyari at nangyayari pa sa Tacloban. Pero tungkulin nating siguraduhin na may matututunan tayo mula rito, may magbabago, at may mapipigilang anumang susunod na trahedya. Ang mga groomers na ito ay organisado, marunong magtago sa likod ng fake accounts, kayang magpanggap na kalaro o kaibigan, at araw-araw nag-aabang ng mga batang bibiktimahin. Harapin po natin na hindi pwedeng mag-isa ang ating mga magulang at ating mga guro sa pagharap sa teribleng problemang ito.

“Sa ganito kalaking laban, kailangang mas malaki din at malawak ang proteksyon. Kailangan ding masusing tingnan ang naging kahinaan ng mga institusyon tulad ng edukasyon, law enforcement, ng pamilya at komunidad, at iba pa.

“Why did the children have access to the guns? May kakulangan ba sa mga parusa para sa mga magulang o caregiver na pinapayagan ang mga bata maka-access ng mga baril? By now, we must have all seen the pictures and videos of Alias Rod and Alias Nash handling guns. Kailangan na ba natin i-review ang probisyon ng Juvenile Justice Welfare Act? Kailangan ba nating siyasatin kung ano ang early interventions ng DepEd sa mga estudyante na may mga mental health issues? Paano natin mapangangalagaan ang ating mga estudyante na tahimik na pumapasok sa school at hindi dapat biktima ng matinding karahasan sa kamay ng kapwa nila estudyante?

“Tiwala akong mabubuo natin ang istorya kung tayo ay magtutulungan.

“Kailangan natin ng tamang regulasyon para siguruhin na sapat ang gabay at proteksyon sa kabataan online. Kapag may warning signs, dapat may kikilos bago pa maging breaking news. Kapag may groomer o recruiter na lalapit sa bata, dapat may haharang bago pa may masirang buhay.

“At para mangyari yan, lahat ay kailangang suriin ng gobyerno.

“Hindi na po dapat maulit ito. Magsimula na po tayo.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -