MGA minamahal kong mga kababayan, nakikita po ninyo yung pattern sa mga nagdaang araw. Mas uunahin po nila yung tao na nagmamalasakit sa inyo para palitawin natin ang katotohanan. Ngunit yung taong nasa likod ng lahat ng kasalanang ito ng pagnanakaw, hanggang ngayon ay wala pa po silang ginagawang pag-uusig.
Meron na pong isang demanda kay Martin Romualdez na nakabinbin pa, April 2026. Yung isa na inakusahan na dating kalihim ng DPWH ay kanilang kinasangkapan upang siya din ay maging state witness. At siya yata ang gumawa ng paraan para ma-discharge siya sa kanyang naunang asunto.
So makikita po ninyo, wala na po tayong kakampi. Ang kasalanan ko lamang po ay yung paglingkuran kayo, kung kasalanan pong matatawag yan. Na humarap sa kanila ng buong tapang para sa ganon ay malaman ninyo ang totoo. Malaman ninyo kung sino ang nagkasala sapagkat gusto nating papanagutin lahat ang mga taong ito.
Ngunit kapag ako’y kanilang inaresto, hindi na po matutuloy yan. Akala po nila ay maililibing ito sa limot. Ang isa pa pong inaasahan nila ay hindi na po ako makakasali doon sa impeachment proceedings na nakatakda pong magsimula sa susunod na linggo. Samakatuwid, dalawang ibon sa isang putok, mga kababayan.
So talagang maliwanag na planado po ito, mga kababayan. Kasi dalawang linggo bago nagpahayag ang ating Ombudsman, sinabi na rin ni Ping Lacson na tila siyam pa na senador ang makukulong. Parang alam na niya ang mangyayari.
Gaya po nang nauna ko nang ipinahayag sa inyo, alam kong gagawin nila ito. Alam kong aarestuhin nila ako. Alam kong ikukulong nila ako. Ngunit hindi po dahilan yan para tumigil ako sa paglilingkod sa inyo.
Kasi po iisa lang ang paraan ko upang paglingkuran ang taong bayan dahil sa pagtitiwalang ibinigay n’yo sa akin. Maliit na bagay po ang sakripisyo na aking haharapin, kung ang katumbas po nito ay maipakita natin ang kahalagahan ninyo bilang mamamayan ng ating bansa.
Kahit po sa mahirap na kalagayan nating ito, mga kababayan, ipinakikiusap ko sa inyong lahat huwag po tayong pumayag na basta-basta na lang nila baluktutin ang katwiran.
Alam ko po ang promotor nito ay ang ating Ombudsman sapagkat nung kami po ay nagtatalo-talo sa bulwagan ng Senado, isa sa amin ang nagsabi na, ‘sometimes we have to bend the law!’ At sumagot po yung Ombudsman nang tinanong siya kung tama ang kanyang sinabi. Alam na po ninyo kung ano yung sinagot niya, ‘yes, sir!’
Huwag po tayong pumayag na ganun ang mangyari. Kahit ano pong mangyari, ilaban po natin ang katwiran. Dahil ang katwiran po ang magpapalaya sa atin, ito ang magbibigay sa atin ng tagumpay bilang mamamayan at bilang isang bansa.
Naniniwala po kasi ako na kahit sa anong laban, lalo na po yung laban na para sa interes ng ating bansa, kinakasihan po tayo ng ating Panginoong Diyos. At hindi Siya papayag na magtatagumpay ang nagbabaluktot ng katwiran. Kailanman ang kasamaan, mga kababayan, ay hindi po magtatagumpay.

