BINUBUHAY ang tanong sa gitna ng kontrobersya ng pagdeklara ng China ng parusa laban kay Philippine Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. at mga miyembro ng kanyang agarang pamilya. Ipinagbawal sa mga Teodoro ang maglakbay sa China, Hong Kong at Macao at makipagkalakalan sa mga empresang Chino.
Sa pagbabawal, inaasahan na marapat lamang na bukalan ang mga nasyonalistang Pinoy ng anti-Chinong pag-alburoto.
Wika nga, “Ang kirot ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.”
Subalit, hindi.
Hindi man lang natinag ang lipunang kayumanggi.
Na para bang walang Pilipinong nasaktan.
Màs nakaiintriga, isang samahan ng mga mangingisda, ang Pambansang Samahan ng mga Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), kilalang mabangis at walang-pagkaligaw sa pagsulong ng mga makabansang adbokasiya, ang nagpahayag ng hindi pagsuporta kay Defense Secretary Teodoro sa kanyang alitan sa China.
“Tumatanggi kaming magsulong ng pagpanig sa mga doble-karang naratibo sa lumalagong alitang geopolitical sa rehiyon,” pahayag ni Pamalakaya National Chairperson Fernando Hicap.
“Samantalang binabatikos ni Teodoro ang aniya’y panghihimasok ng Beijing sa exclusive economic zone ng Pilipinas, isinusulong niya naman ang pagpapalapad pa nang lubos sa mga militaryang pasilidad at aktibidades ng Estados Unidos sa paligid ng bansa,” wika ni Hicap.
Sa totoo, natumbok ng makabansang lider mangingisda ang henyosong gawi ni Gibo: dalawang ibon sa isang putok.
Pinipilayan ang China at pinalalakas ang Estados Unidos.
Mula pa sa unang araw ng kanyang panunungkulan, ganun na si Gibo.
Na kung kaya sa isang malalim magmasid, di maiiwasan ang magtanong kung gaano kalaki nga ba ang taya ng Amerika sa kanya.
Dapat na napakalaki sukdulang isakripisyo ang malaki na ring yamang dulot ng kanyang nauna nang pamumuhunan sa Malta.
Dito pumapangibabawang pundamental na usapin sa pagkatao ni Gibo.
Sa loob ng halos dalawang dekada, nawala si Gibo sa kamalayan ng mga Pilipino. Ang huling natatandaan nila ay ang pagtakbo nito sa panguluhan ng bansa noong 2010, na roon ay nangulelat siya sa limang kandidato at pinagwagian ni Benigno Aquino III.
Sa pagsisimula lamang ng administrasyon ni Presidente Ferdinand E. Marcos Jr. muling tumampok sa bansa ang kanyang pangalan.
Biglang-bigla, siya ay muling lumitaw at nahirang na kalihim ng Tanggulang Pambansa.
Sa marami, nagbunga iyon ng agad na agam-agam. Kung kakayahan din lang ang pag-usapan, marami ang kwalipikado at higit na pamilyar sa gawaing seguridad batay sa mga pinakahuling pangyayari, halimbawa ang pagpanibagong pag-init sa relasyon ng Amerika at China sa rehiyon ng Asya Pasipiko.
Nanghahawakan ang China sa Declaration of Conduct (DOC) of Parties in the South China Sea, na nagtatakda ng pagresolba ng kanilang mga problema sa kanilang mga sarili lamang, hindi ng pinakikialaman ng mga kapangyarihang dayuhan. Taliwas sa prinsipyong ito ang ipinipilit ng Estados Unidos na freedom of navigation (FONOP), na nagbibigay sa Amerika at kanluraning mga kaalyado nito ng kapangyarihang makialam sa pangrehiyong sigalot sa South China Sea.
Ito ang kalagayang panseguridad na kinahaharap ng Pilipinas sa panahong iyon. At ang mahigpit na pag-alinsunod dito ng Pilipinas ay inaasahan mula sa papanimulang administrasyon ni Presidente Ferdinand E. Marcos Jr.
Nang sa pag-upong pag-upo ni Bongbong ay biglang pihit ng hangin.
Ang inaasahang mapagkaibigang pakikitungo ng Pilipinas sa China ay nahalinhan ng pakikipagtunggali: “I will not cede even a square inch of Philippine territory to any foreign power (Hindi ko ipamimigay kahit isang kwadrado pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa sinumang kapangyarihang dayuhan)”.
Maliwanag na ang pasaring ay sa China, na ang pag-angkin sa halos kabuuan ng South China Sea ay malakas nang alinsunod sa historikong soberaniyang pinatunayan ng mapang nine-dash line.
Ang pustura ni Presidente Marcos Jr. sa usapin sa South China Sea ay nagsilbing benchmark (sukatan) ng kung kanino – sa tunggalian ng China at Amerika sa rehiyon ng Asya Pasipiko – ang mga nasa itaas ng pamunuan ng Pilipinas.
Sa mga kalagayang ito biglang sulpot si Gibo.
Animo’y multong nabuhay mula sa halos dalawang dekadang pagkakalibing.
Hinirang siyang Secretary of National Defense.
Sa kanyang mga kamay pangunahing nakasalalay ang seguridad ng bansa.
Marapat ba siya sa tungkuling ito?
Nakakikilabot, subalit batay sa kanyang kasaysayan, hindi.
Sa isang pananaliksik na ginawa ng The Manila Times, lumabas na sa buong haba ng panahon na nawala siya sa kamalayan ng Pilipinas, iwinaksi niya ang pagiging Filipino at niyakap ang pagiging mamamayan ng Malta, isang bansa na kabilang sa European Union at kilala sa pagiging mayamang sentro ng pamumuhunan .
Pagkamal ng yaman ang maliwanag na kapalit ng pagtakwil ni Gibo sa kanyang Filipino citizenship. Oras namang mahirang nang Secretary of National Defense, itinakwil naman niya ang Maltese citizenship at muling niyakap ang pagiging Pilipino.
Papaanong hindi mo pagdududahan ang karakter at kredibilidad ng isang taong ganyan kadali ang pagiging kabilanin.
Kung sa isang simpleng tao lang ang ganyang ugali ay hindi na katiwa-tiwala dahil nga anomang oras ay pwede kang ibenta nang buhay, ano pa sa isang secretary of National Defense na hawak ang buhay at kaligtasan ng 110 milyong Pilipino?
Huwag na tayong maglukuhan dito.
Nasa bingit na ng pandaigdigang pagkagapi ang Estados Unidos sa China. Dulot ito ng walang pagpigil sa pananagumpay ng China sa larangan ng giyerang ekonomiko kumpara sa hindi nababagong giyerang military na roon ay inaasahan ng Amerika na hindi siya mauunahan. Sa Asya Pasipiko, malaking pansulong, kung hindi man pangunahin, sa istratehiyang gapiin ang China ay ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Ayon sa pinakahuling mga balita, nakalatag na sa paikot ng Philippine archipelago ang kinatatakutang Typhon medium range missile launch system na kayang magpakawala ng warheads (nuclear o ano pa man) sa China sa pag-asang maigugupo ito.
Mangyari pa, tiyak may nakaamba nang kapasidad ang China upang kontrahin ang mga ito.
At sa panig ng Pilipinas, ang kahandaang ito ng China ang totoong nakakatakot. Tanging bugso ng pangunahing pangangailangang ipagtanggol ang sarili, kailangang unahin nang pigilan ng China ang anumang pananalakay ng Amerika, at walang ibang panggagalingan ang pananalakay na ito kundi ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas.
Kaya unahan ng atakehin ng China ang Pilipinas.
Hindi dahil sa gustong giyerahin ng China ang Pilipinas kundi dahil sa mapipilitan itong gawin dahil nga sa primordial na kailangang ipagtanggol ang sarili.
Kaya nga lahat ng pagpipigil ay pinagsisikapang gawin ng China.
Sa mga udyok ng Amerika sa Philippine Coast Guard (PCG) na painitin pa ang mga pakikipaggirian nito sa China Coast Guard (CCG), halatang CCG ang laging nagpaparaya. Ito ay dahil nga sa may pinupursiging pagsisikap sa antas ng diplomasya na iwasan ang paglala ng sitwasyon.
Subalit kung mismong ang secretary ng National Defense na ang personal na magpapasimuno sa pagpapainit ng sitwasyon upang magkagiyera, ano ang makakapigil dito?
Iyon ang ginawa ni Gibo sa nagdaang Shangri-La Dialogue. Tinawag niya ang China bilang pinakamalaking tagagambala ng kapayapaan sa rehiyon ng South Sea.
Laking panghahamak iyon sa China.
At laking kasiraan sa mga tahimik na diplomatikong pagsisikap na panatilihing mapagkaibigan ang relasyon ng China at Pilipinas.
Sa mga normal na sitwasyon, malaking dahilan na nga upang ang hinamon na kapangyarihan – ang China – ay magpuyos sa galit at humingi ng paumanhin o kung hindi alin sa dalawa: tanggalin si Gibo sa puwesto bilang secretary of National Defense o ang panghahamak na kanyang ginawa ay ipagpalagay na panghahamak ng Pilipinas na rin na humihingi ng karampatang parusa, ano pa kundi giyera.
Kung nagkataon, sino ang nakinabang?
Amerika!
Ngayon, Gibo. Sino ang talagang pinaglilingkuran mo?



