28.2 C
Manila
Lunes, Hunyo 29, 2026

2/3 ng ano? 

- Advertisement -
- Advertisement -

ULTIMONG si Dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide ang nagpahayag na sa usapin ng kung ilang boto ang kailangan upang ma-convict si Bise Presidente Sara Duterte, dapat 16.  

Ipinaggiitan niya na maliwanag ang probisyon ng Konstitusyon. Kailangan ang pagsang-ayon ng 2/3 ng lahat ng mga senador upang ma-convict ang isang ini-impeach na opisyal. 24 ang bilang ng mga senador, 2/3 nito ay 16. 

Para sa higit nating ikauunawa, naririto ang eksaktong mga letra ng Article XI, Section 3 (6) ng Konstitusyon: 

“The Senate shall have the sole power to try and decide all cases of impeachment. When sitting for that purpose, the Senators shall be on oath or affirmation. When the President of the Philippines is on trial, the Chief Justice of the Supreme Court shall preside, but shall not vote. No person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate.” 

Tagalugin natin. 


“Ang Senado ang siyang may nag-iisang kapangyarihang maglitis at humatol sa lahat ng kaso ng impeachment. Kung nakaupo sa ganung layunin, ang mga Senador ay kailangang nakapanumpa o napagpatanggap [ng ganung tungkulin]. Kung ang Pangulo ng Pilipinas ang nililitis, ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang siyang mamamatnugot, subalit hindi boboto. Walang tao ang maaaring i-convict nang walang pag-sang-ayon ng dalawa katlo (two-thirds) ng lahat ng Miyembro ng Senado.” 

Ang di-matapos-tapos na debate sa kaso ni Sara ay nakasentro sa kung sa anong bilang  ibabatay ang hatol na maysala, kung sa abstraktong numerong 24 na lumilitaw na itinatakda ng Konstitusyon o sa obhetibong dami ng mga Senador na nakapanunungkulan, aktwal na nakagaganap ng araw-araw na tungkulin. 

At ang bilang na ito ay 22. 

Doon sa mga pabor sa walang sala, iginigiit nila na ang pagkwenta sa 2/3 ay batay sa letra ng Konstitusyon na “lahat ng Miyembro ng Senado.” Hindi ito  mapapasinugalingan na 24 nga. 

- Advertisement -

At sa kwentang ito, kakailanganin ang 16 na Senador upang mahatulang nagkasala si Sara.

Sa tantiya ng marami, mahihirapang maipon ang bilang na ito. Ang grupo ng mayorya na inaasahang boboto ng maysala, 14 lamang, at ang kinakailangan pang-2 upang makabuo ng 16 ay walang ibang panggagalingan kundi ang kampo ni Senador Alan Peter Cayetano.  

Na imposibleng mangyari. 

Samakatwid, ngayon pa lang, maaaring sabihing abswelto na si Sara. 

Kaya kayod kalabaw ang kinahaharap ng prosekusyon sa impeachment trial.  

Sa una pa, tanggap na natin na ang impeachment trial ni Sara ay hindi labanan ng totoo o hindi kundi paramihan ng kakampi. Kung ganun pa rin karami ang mga senador na kapanalig ni Sara, iyon ang titiyak na malulusutan niya ang paglilitis. 

- Advertisement -

Ang usapin ng kung maysala o abswelto siya ay pagpapasyahan hindi ng kung anumang pagsasaalang-alang sa hustisya’t katotohanan kundi ng iwing pagpapangibabaw ng makasariling mga interes pulitikal. 

Kung saan ibabatay ang pagkukunan ng 2/3 na boto upang ma-convict si Bise Presidente Sara ay siyang mapagpasyang usapin.  

Mahalagang mag-ambag na tayo ng ikalilinaw sa isyung ito. 

Sundan natin bilang panimula si Dating Chief Justice Hilario Davide sa kanyang paninindigan: “Lahat ng Miyembro ng Senado” alinsunod sa Konstitusyon. 

Na “lahat ng Miyembro ng Senado,” ibig sabihin 24.  

At 2/3 ng 24 ay 16. 

Subalit kung bakit sa dinami-dami ng mga eksperto sa batas na nagpahayag ng opinyon sa isyu, lahat-lahatin na natin, ni isa sa kanila ay walang nakapuna sa probisyon ng Konstitusyon na tinukoy na sa itaas. 

Ang kamalian ni Davide ay ang ganap na pagbalasak ng kabuoang bilang ng mga miyembro ng Senado sa bilang ng mga umaaktong Senator Judges ng Impeachment Trial Court. 

Magkaiba ang dalawa. 

Ang isa ay bilang ng mga Miyembro ng Senado at ang isa naman ay bilang ng mga Senador na bumubuo ng Impeachment Trial Court. 

Ang probisyon ng Konstitusyon na 2/3 ng mga “Miyembro ng Senado” na kailangang  sumang-ayon sa hatol na conviction sa impeachment trial ay kailangang limitahan ng probisyon ng Konstitusyon pa rin na nagtatakda ng “kung umaakto sa ganung layunin” – hindi na bilang mga Miyembro ng Senado kundi bilang mga Senator Judges ng  Impeachment Trial Court. 

Maliwanag na ang rekisitos na “2/3 ng lahat ng Miyembro ng Senado” ay tanging sa palagay na buo ang Senado at ang bilang ng mga “Miyembro ng Senado” na  “umaakto sa tungkulin” bilang mga Senator Judges ay 24.  

Hindi man naging explicit, hindi pa rin nagkulang ang mga framers ng Konstitusyon na tugunan ang pangyayari na ang kabuuang bilang ng mga Senador, sa anumang kadahilanan, ay bumaba na sa 24. Sa ganung mga pagkakataon, ang  kinailangang pag-angkop ay ganap na natugunan ng probisyon sa pagpapanumpa sa Senator Judges. 

Nagkulang man na sa 24, ang pagiging konstitusyonal ng Impeachment Trial Court ay napagingganap pa rin ng probisyon sa pagpapanumpa sa tungkulin ng mga nalalabing Senator Judges. 

Ang probisyon ay nagsasabi na, kung ang mga Senador ay nakaupo bilang mga impeachment trial judges – ULIT, NAKAUPO BILANG MGA IMPEACHMENT TRIAL JUDGES – “Dapat na sila ay nakapanumpa o napagpatanngap” (affirmation) ng ganung tungkulin. 

Oo, sinasabi ng Konstitusyon, “dalawang katlo” ng LAHAT ng Miyembro ng Senado ang kailangang sumang-ayon sa hatol kay Sara na nagkasala, subalit mandato rin ng Konstitusyon na ang LAHAT ng Miyembro na iyun ng Senado ay NAKAPANUMPA. 

Sa gagawing impeachment trial, sina Senador Ronald “Bato” de la Rosa at Senador Jinggoy Estrada ba ay makakapanumpa bilang mga Senator Judges? 

Nagtatago si Bato na asta mo ay puganteng kriminal at si Jinggoy ay nakakulong sa kasong plunder at napatawan pa ng 90 araw na suspensyon. 

Kung ang dalawa ay hindi makakapanumpa bilang mga trial judges, papaano sila mabibilang sa 24 senador na pagkukunan ng kinakailangang 2/3 upang ma-convict si Sara? 

Hindi ba ang lumalabas na “ALL” na bilang ng mga Senator Judges ay 22 lamang at hindi 24? 

At ang 2/3 ng 22 ay 14, hindi 16? 

Una pa muna, hindi mga hungkag na numero ang pinag-uusapan dito. Ang pinagtatalunan ay buhay na kalipunan ng mga mambabatas na inihalal ng sambayanan upang gumampan ng tungkulin. 

Mga eksperto pa mandin kayo sa batas. Kung bakit sukat ninyong kaligtaan na hindi numerong nakalutang sa hangin ang pinagtatalunan kundi bilang ng mga halal na lingkod-bayan na dapat ay tumutupad sa mga tungkuling pinanumpaan. 

Bilang pagsusuma, ang pagiging Senador ay kwalipikasyon lamang upang maging miyembro ng Impeachment Trial Court.  

Subalit iba ang mundo ng Senado – gumawa ng batas – iba ang Impeachment Trial Court – humusga sa mga paratang na impeachment. 

Huwag ipagkamali ang isa sa isa – maging sa bilang ng mga Miyembro o sa uri ng gawain. 

Kung ang bilang ng mga Senador ay 24, siya nawa.  

Ang bilang ng Senator Judges ay 22. 

Pasensya na. 

Hindi ako abogado. 

Ako ay isang hamak na peryodista lamang. 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -