MAY ilang nagtatanong kung bakit daw pilosopiya ang kinuha ko noong college. Ano ba raw ang pilosopiya? SIla yung mga kamag-anak at mga kakilala na tapos ng ibang digri tulad ng business administration, engineering, accountancy, at physical therapy. Dapat daw ang kinuha ko’y may katumbas na propesyon. Ano raw ba ako kapag nagtapos ng pilosopiya? Makatutulong ba iyan para gumanda ang aming estado sa buhay? Dagdag pa ng ilan na allergic sa pilosopiya at mga kursong nasa humanidades, sige, mag-aral ka niyan, pero gusto mo bang wala kang kinabukasan? Gusto mo bang maging mahirap o walang makuhang trabaho? Pangarap mo bang maging tambay na lang?
Nais kong maging abogado noong ako’y nasa hayskul pa lamang. Political science ang naisip kong kunin noon. Subalit walang ganyang kurso sa San Beda College. Sabi sa akin ng counselor nang makapasa ako sa admission exam kunin ko raw ang pilosopiya dahil iyan ang pre-law degree ng mga Bedistang nangarap maging abogado. Habang nag-aaral ako ng pilosopiya, nagustuhan ko ito. Isang tanong ang tumimo sa isipan ko—anong ideya pa ba ang hindi nasasabi? Isang pakay ang nabuo sa aking isipan: hanapin ang ideyang hindi pa nasasabi. Kasalanan ito ni Plato dahil sa sinaklaw na niya ang lahat ng maaaring isipin at sabihin ng mga susunod na henerasyon ng mga pilosopo. Sabi nga ni Alfred North Whitehead, “everything is just a footnote to Plato’. Sa mga aral sa teorya at mga ideya ng mga dakilang palaisip, malay sila sa mga ganitong hadlang at pangamba. Hindi na bago ang anumang maiisip natin. Hindi na bago ang anumang kaalaman dahil inuulit-ulit lang natin ang sinabi na ng iba. Hindi nga ba?
Natapos ko ang digri subalit hindi na ako tumuloy sa abogasya. Napamahal na ako sa pilosopiya at kalaunan ay nagpunta sa UP Diliman upang kumuha ng Philippine Studies na hitik sa mga araling nakatuon sa humanidades at agham panlipunan sa gradwadong antas. Napagpasyahan kong maging guro. Ito ang propesyon ko upang hanapin ang mga ideyang hindi pa nasasabi sa pamamagitan ng pagtuturo at pananaliksik.
Para sa akin, napakahalaga ng mga itinuro ng pilosopiya at ng humanidades. Sa mga tapos nito, kahit hindi tayo gumagawa ng gusali, naghahanap ng lunas sa sakit, nagpapagaling o nag-aaruga sa may sakit, nagko-code para gumawa ng software, malaki ang naitutulong natin sa reproduksyon ng kaalaman. Ideya ang iniluluwal natin upang ipaliwanag ang katuturan ng ating pag-iral sa daigdig. Ang pagtatanong at pagsisiyasat ang pangunahing kakayahang pinapanday natin upang maging mahusay na palaisip. May kanya-kanya tayong kinalalagyan sa mundo. Kaya, anuman ang ating digri, tayo ang gagawa ng kalutasan at mga paraan upang maging kapaki-pakinabang sa lipunan. Tinitingala ng maraming iskolar sa bansa ang mga higanteng intelektuwal sa Pilipinas na nagpakilala na ang mga ideya na nagmumula sa kanilang malalim at marubdob na pag-iisip ay may saysay at salaysay para sa mamamayan at bansa. Ang ideyang ang bansa ay kinakatha sa isip at panulat ng manunulat ay galing kay Bienvenido Lumbera. Si Isagani R. Cruz ang nagsabing bukod na bukod tayo sa ating pag-iisip, pagkritika, at pagkatha ng akda. Si Lilia Q. Santiago ang nagdalumat ng panunuring malay sa kasarian. Si Soledad Reyes ang nagpaliwanag sa romansang moda ng ating panitikan. Si Ricky Lee ang tanyag na scriptwriter na sumulat ng Himala na pinagbidahan ni Nora Aunor. Si Resil Mojares ang kilalang paham na pinag-ugnay ang literatura, kasaysayan, at araling kultura upang sipatin ang kaakuhang Filipino sa labas ng Maynila. Si Virgilio Almario, ang makata at kritiko, ang sistematikong nag-aral ng mga taludtod at talinghaga sa panulaang Filipino. At si Leonardo Mercado ang Filipinong pilosopo na inungkat ang ating pamimilosopiya sa pag-urirat niya ng loob. Marami pang iskolar, manunulat, at guro na aral sa pilosopiya at humanidades na may katangi-tanging ambag sa pagsasabing ang ating mga ideya ay may sinasabi.
May anim na tungkulin ang isang palaisip upang hanapin, arukin, likhain, at dalumatin ang isang ideyang hindi pa nasasabi. Una, kailangang usisain ang nagsisiyasat na isip—para kanino ba ang kaalaman ko, ano ang mithiin ko, at ano ang mga katotohanang kailangan kong hamunin? Ikalawa, kailangang burahin ang mga hangganang nagpapabansot sa malikhain at kritikal na pag-iisip ng isang manunulat at alagad ng sining. Ikatlo, kailangang maging matapang sa pag-eeksperimento, pagbalikwas, pagbabago, at pagwasak upang kumatha muli at hindi nababagabag na gawin ito. Ikaapat, kailangang maging handa tayong makipagtulungan sa iba alang-alang sa pagkatha at paglikha, at kung hindi man, sikaping magtagumpay kahit nag-iisa ka. Ikalima, kailangan nating unawain na ang pagkamalikhain ay orihinalidad na may integridad at katapatan sa sining at sa anumang akda. Ibig sabihin, tayo ang gumagawa at hindi ang makina. Ikaanim at huli, kailangang masumpungan natin ang katiwasayan, kagandahan, at kaayusan sa gitna ng ligalig at maging ligalig upang baguhin ang lahat ng ito.
Paborito ko ang linyang ito sa pelikulang Inception: “What is the most resilient parasite? Bacteria? A virus? An intestinal worm? An idea. Resilient… highly contagious. Once an idea has taken hold of the brain, it’s almost impossible to eradicate. An idea that is fully formed – fully understood – that sticks; right in there somewhere. Ano ang ideyang bumabagabag sa iyong isip? Isulat mo o likhain mo. Sabihin mo sa mundo. Babasahin at pupulutin iyan ng ibang nag-iisip. Gagamitin iyan sa ibang larangan at sangay ng karunungan. Kapag hindi mo sinabi, mawawalan ng saysay kung bakit tayo naging pilosopo, alagad ng sining, at aral ng humanidades. Dahil tayo dapat ang maingay sa mundong nagbibingi-bingihan. Tayo dapat at ang ating mga ideya.

