HINIMOK ni Senate President Win Gatchalian ang executive department na pabilisin ang responsableng paggasta para sa imprastraktura sa ikalawang bahagi ng taon upang pasiglahin ang ekonomiya.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng ipinakitang datos ng Department of Budget and Management na bumaba ng 51.7% year-on-year ang paggasta ng pamahalaan sa imprastraktura noong Abril, kung saan bumagsak ito sa P41.5 bilyon mula sa P85.8 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ito na ang ikaapat na sunod na buwang pag-urong, na nagpapalawig sa paghina na nagpapatuloy mula noong sumiklab ang flood control scandal at serye ng korapsyon noong ikalawang bahagi ng 2025.
“Ang infrastructure spending ang may pinakamalaking multiplier effect para sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Kung nade-delay ang mga mahahalagang infrastructure projects ng bansa, nade-delay din ang pagkakataon nating makapagbigay ng trabaho sa ating mga kababayan at mapaunlad ang ating mga komunidad. Kailangan nating makabawi para mas gumanda ang paglago ng ekonomiya,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng Pangulo ng Senado na bagamat mahalaga ang budget oversight at mga panseguridad laban sa korapsyon, hindi dapat nito maparalisa ang programa sa pagpapaunlad ng imprastraktura ng bansa. Ang pagpapabilis sa public works at capital outlays, aniya, ay lalong kailangan sa gitna ng pagbagal ng ekonomiya sa unang quarter ng taon.

