PINURI ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang pag-anunsyo ng Department of Education (DepEd) ng nationwide school safety measures bunsod ng nangyaring barilan sa Tacloban City campus na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong estudyante noong June 22.
Alinsunod sa direktiba ni Sec. Sonny Angara, kabilang dito ang pagpapatupad ng matagal nang iminungkahi ni Sen. Raffy na pag-equip sa public schools ng hand-held metal detectors at CCTV cameras para sa pagsiguro ng mas mahigpit na security protocols sa mga paaralan at mas madaling pagkalap ng ebidensya sakaling magkaroon ng insidente.
Matatandaan sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong Agosto 12, 2025, una nang iminungkahi ni Sen. Raffy ang pagpapalakas ng seguridad sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng mga metal detector ng mga security guards, na sinang-ayunan ni DepEd Usec. Filimon Javier. Muli itong tinalakay ni Idol sa pagdinig ng komite noong Marso 17, 2026 kung saan inirekomenda rin niya ang paglalagay ng CCTV cameras sa mga silid-aralan at iba pang common areas, pero hindi pa rin ito naaksyunan ng DepEd.
Kaya matapos ang shooting incident sa Tacloban, noong June 22 ay tinawagan ni Idol si Sec. Angara upang mag-follow-up sa aksyon ng DepEd at nangako ang kalihim na aaksyunan niya ang mungkahi ni Sen. Idol sa lalong madaling panahon.
Ikinatuwa man ni Sen. Raffy ang pagpapatupad ng DepEd ng mga hakbang na matagal na niyang isinusulong, bwelta ni Idol, hindi na sana umabot sa trahedya bago ito nabigyan ng kaukulang pansin.
“Bagama’t umaksyon na ang DepEd, ang tanong ay bakit ngayon lang? Dati ko pang iminumungkahi ang mga ito pero bakit kinailangan pang maraming buhay ang masayang bago sila kumilos?” tanong niya.
“Ang insidenteng ito ay paalala sa ating mga kawani ng gobyerno na huwag nang magantay na may mamatay o masaktan pa bago tayo gumawa ng hakbang tuwing magkakaroon ng suliranin na kailangan ng agarang aksyon,” dagdag niya.

