28.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Mga dahilan sa pag-anyaya ng dayuhang kapital

BUHAY AT EKONOMIYA                                                                                                     

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pag-unlad ng isang bansa ay nakasalalay malawak at mabilis na pangangapital sa mga kagamitan, imprastruktura, kasangkapan, pagtatayo ng pabrika, teknolohiya, at marami pang iba.  Hindi lamang ginagamit ang pangangapital upang mabilis ang pagpapalawak ng kapasidad ng ekonomiya na makapagprodyus. Ginagamit din ito bilang daan upang makapagbigay ng empleyo sa lumalaking hukbong paggawa.

Ang proseso ng produksiyon ay nangangailangan ng maraming produktibiong sangkap kasama na ang kapital, paggawa, lupa, at teknolohiya. Sa maraming papaunlad na bansa, mayayaman sila sa paggawa dahil ang kanilang hukbong paggawa ay mabilis na lumalaki bunga ng mabilis na paglaki ng kanilang populasyon. Ngunit ang mga bansang ito ay humaharap sa malawakang desempleyo dahil sa kakulangan ng kinakailangang kapital upang maging kasangkap ng paggawa sa proseso ng produksiyon.

Ang kakulangan ng kapital ay dahil mabagal ang pangangapital bunga ng kakulangan ng pondong gagamitin sa proseso ng pangangapital. Kadalasan, ang pondong pinagkukunan sa pangangapital ng mga bansa ay nagmumula sa pag-iimpok ng mga pamahayan, negosyo at pamahalaan. Ngunit dahil sa mababang pambansang kita ng mga papaunlad na bansa, makitid lamang ang kanilang pag-iimpok dahil malaking bahagi ng pambansang kita ay inilalaan sa pagkonsumo. Kaya’t nag-aanyaya ang mga bansa ito ng dayuhang kapital upang punan ang kakulangan nila sa pondo para sa pangangapital nang makapag-aambag sa pagbibigay na dagdag na empleyo sa mga mamamayan nito.

Sa mga nakaraang taon, ang Pilipinas ay nakaranas ng malaking agwat sa pagitan ng pag-iimpok at pangangapital. Ibig sabihin ay nagkukulang ang pag-iimpok sa pangangapital. Upang punan ang agwat, nag-aanyaya ang Pilipinas ng dayuhang kapital na magtatayo ng negosyo at mga pabrika sa bansa. Noong 2016-2019, ang porsiyento ng pag-iimpok sa Pilipinas ay umabot lamang sa 23% ng GDP, samantalang ang pangangapital ay naitala sa 25.5 porsiyento. Ang labis na pangangapital ay pinodondohan ng dayuhang kapital upang makalikha ng maraming oportunidad sa empleyo. Ngunit mula 2020 hanggang 2025 nalagpasan na ng porsiyento ng pag-iimpok ang porsiyento ng pangangapital. Ibig sabihin ay may sapat nang pondo ang Pilipinas upang tustusan ang pangangapital ng ekonomiya.

Ano naman ang dahilan ng ilang bansa tulad ng Malaysia at China na patuloy na nag-aanyaya ng dayuhang kapital kahit may matataas silang porsiyento ng pag-iimpok na lumalabis pa sa kanilang pangangapital?  Sa Malaysia, ang kanilang porsiyento ng pag-iimpok sa nakaraang 10 taon ay naglaro sa pagitan ng 23% hanggang 25% na mas mataas kaysa kanilang porsiyento ng pangangapital na nasa 20% hanggang 23% lamang. Samantala, ang tinatanggap nilang net foreign direct investment (FDI) na katumbas ng halos 2.8% hanggang 3.1% ng kanilang GDP.


Sa kabilang dako, ang China ay nagtala ng napakataas na porsiyento ng pag-iimpok na umabot na sa pagitan ng 44% hanggang 45% ng GDP sa nakaraang 10 taon. Ito ay mas mataas sa naitalang porsiyento ng pangangapital na umabot sa pagitan ng 41% hanggang 42% ng GDP sa parehong panahon. Sa lawak ng pag-iimpok sa China, kayang kaya ng pondo nitong tustusan ang kanilang pangangapital. Ngunit bakit umabot pa sa USD 98 bilyon ang net foreign direct investment ng China na katumbas ng 0.10% ng kanilang GDP?

Sa halimbawa ng Malaysia at China, hindi sila nag-aanyaya ng dayuhang kapital bunga ng kakulangan ng pondo tulad ng maraming papaunlad ng bansa upang makapagpatayo ng mga negosyo at makapagbigay ng empleyo. Bagkus, ang pangunahing dahilan ng dalawang bansang ito ay upang makabili ng makabagong teknolohiya. Kahit sobra sobra ang kanilang pondong pag-iimpok, nag-aanyaya sila ng dayuhang kapital hindi upang makalikha ng trabaho ngunit upang mapahusay ang kanilang proseso ng produksiyon mula sa makabagong teknolohiya mula sa ibang bansa.

Ang mga dayuhang negosyong nagpupuntahan sa China ay nasa mga sektor na high-tech manufacturing kasama ang produksiyon ng electric vehicles, aerospace equipment, medical devices at advanced electronics. Malaki rin ang pangangapital sa artificial intelligence at technology innovation, healthcare & pharmaceuticals, financial at business services ng mga dayuhang capital.

Samantala, sa Malaysia ang FDI na pumapasok sa bansa ay nagpupuntahan sa sektor ng mga serbisyo kasama ang real estate at hotel, ICT at digital services at financial services. Sa sektor ng pagmamanufaktura, nasa produksiyon ng  semiconductors, microelectrononic at advance consumer technology, chemicals at pharmaceuticals, basic metal at machinery, at electric vehicles.

- Advertisement -

Halos magkakahawig ang mga industriyang pinalalago ng dayuhang kapital sa Malaysia at China. Mga serbisyong may matataas na antas na nakatuon sa mga pinagbagong pangangailangan ng mga yumayamang pamahayan at tumatandang populasyon. Idagdag pa rito nasa mga industriyang matitindi sa paggamit ng kapital at makabagong teknolohiya na nakatuon sa produksiyon ng mga makabagong produkto.

Sa nararanasan ng Pilipinas sa kasalukuyan na lumalagpas na ang porsiyento ng pag-iimpok sa pangangapital, pumapasok na rin ba ang Pilipinas sa baytang ng mataas kita bawat tulad ng Malaysia at China. Tutuon na rin ba ang Pilipinas sa mga industriyang matitindi sa kapital at mga serbisyong may matataas serbisyo? Mangangailangan na rin ba tayo ng mga dayuhang kapital na magdadala sa bansa ng mga makabagong teknolohiya? Sana nga.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -