NOONG isang linggo ay tinalakay ko sa kolum na ito ang iba’t ibang teorya ng kalakalan sa bilihang global. Ang teorya nina Hecksher at Ohlin ay nagsasaad na ang kalakalan ay nakabatay sa relatibong kasaganaan ng bansa sa mga produktibong sangkap. Kaya’t ang isang bansang sagana sa paggawa relatibo sa kapital ay magpapakadaluhasa sa mga produktong matitindi sa paggamit ng kapital. Samantala, ang isang bansang sagana sa kapital relatibo sa paggawa ay magpapakadalubhasa sa mga produktong matitindi sa paggamit ng kapital.
Samakatuwid, ang komparatibong kalamangan ng mga bansa ay nakabatay sa relatibong kasaganaan nila sa mga yamang ginagamit nang matindi sa produksyon. Nagiging mura ang produktong matindi sa paggawa, halimbawa damit, sa mga bansang sagana sa paggawa dahil nagiging mababa ang gastos sa produksiyon bunga paggamit nila ng kanilang murang saganang sangkap na paggawa na matinding ginagamit sa produksiyon ng damit. Samantala, mababa ang presyo ng computer sa bansang sagana sa kapital dahil ang computer ay gumagamit nang matindi ng kapital kaysa paggawa.
Subalit, may mga pagkakataong maaaring bumabaliktad ang prediksiyon ng teorya nina Hecksher at Ohlin sanhi ng katangian sa demand at bunga ng proseso ng produksiyon. Sanhi ng mga ito ang isang bansang sagana sa kapital ay magluluwas ng produktong matindi sa paggawa samantalang ang isang bansang sagana sa paggawa ay magluluwas ng mga produktong matindi sa kapital, taliwas sa prediksiyon ng makabagong teorya.
Talakayin natin ang mga sanhing ito. Ipinagpapalagay ng teorya nina Hecksher at Ohlin na magkakahawig ang panlasa ng mga mamamayan sa pagitan ng mga bansa dahil magkakapareho ang kanilang antas ng kabuhayan. Nagkakaiba lamang ang estruktura ng demand sa pagitan ng mga bansa dahil nagkakaiba ang relatibong presyo ng mga ito.
Sa bansang sagana sa paggawa, ang dami ng damit na kinokonsumo relatibo sa computer ay mataas kaysa sa bansang sagana sa kapital dahil mas mababa ang presyo ng damit relatibo sa presyo ng computer sa bansang ito.
Ang pagkakaiba ng relatibong presyo sa pagitan ng mga bansa ay nagbibigay insentibo sa mga bansa tungo sa espesyalisasyon at makipagkalakalan. Ang mga bansang sagana sa paggawa ay magpapakadaluhasa at magluluwas ng damit. Dahil sa espesyalisasyon tataas ang gastos sa produksiyon na nauuwi sa pagtaas ng presyo ng damit bansang ito at pagbaba ng presyo ng computer. Samantala, sa bansang sagana sa kapital, bababa ang presyo ng damit at tataas ang presyo ng computer.
Kung ang panlasa ay magkaiba sa pagitan ng bansa, lilihis ito sa prediksiyon ng teorya nina Hecksher at Ohlin.
Kung ang isang bansang sagana sa kapital ngunit may matinding demand sa mga produktong matitindi sa kapital, kahit mura ang gastos sa produksiyon sa produktong computer, ang matinding demand sa computer sa bansang sagana sa kapital ay magpapataas sa presyo computer relatibo damit.
Kung ang bansang sagana sa paggawa ay may matinding demand sa mga produktong matitindi sa kapital, ang presyo ng damit ay tataas relatibo sa presyo ng computer. Lumalabas na ang bansang sagana sa kapital ay magluluwas ng damit, ang produktong matindi sa paggamit ng paggawa. Samantala, ang bansang sagana sa paggawa ay magluluwas ng computer, ang produktong matindi sa kapital. Sa ganitong kapaligiran ang prediksiyon ng teorya nina Hecksher at Ohlin ay bumabaliktad.
May pagkakataon ding ang pagbaliktad sa prediksiyon nina Hecksher at Ohlin ay bunga ng pagbaliktad ng tindi sa paggamit ng mga sangkap. Ang damit na produktong matindi sa paggawa ay nagiging matindi sa kapital samantalang ang computer na produktong matindi sa kapital ay nagiging matindi sa paggamit ng paggawa. Ang resultang ito ay bunga ng magkaibang elastisidad ng substitution ng mga sangkap sa pagitan ng mga produkto.
Sa makabagong teorya, ipinagpapalagay na mayroong takdang elastisidad ng substitution ng mga sangkap sa pagitan ng mga produkto. Kapag ang presyo ng paggawa ay bumaba relatibo sa presyo ng kapital, magdaragdag ng paggawa sa produksiyon ng damit at computer. Samakatuwid, ang damit at computer ay nagiging matindi sa paggamit ng paggawa dahil nagiging mura ang presyo ng paggawa. Subalit, kahit parehong nagiging matindi sa paggawa ang damit at computer, ang damit ay nananatiling mas matindi sa paggawa relatibo sa computer bunga ng takdang elastisidad ng substitution ng mga sangkap. Ang porsiyento ng dagdag na paggamit ng paggawa sa produksiyon ng damit ay pantay sa porsiyento ng dagdag na paggamit ng paggawa sa produksiyon ng computer.
Subalit may pagkakataon na ang elastisidad ng substitution ng mga sangkap ay nag-iiba sa pagitan ng mga mga produkto. Halimbawa, ang computer ay may matugong elastisidad kaysa sa damit. Kaya’t ang pagbaba ng presyo ng paggawa ay nauuwi sa mas malaking porsiyento ng dagdag na paggawa sa computer kaysa damit. Dahil dito, maaaring maging matindi sa paggawa ang computer at nagiging matindi sa kapital ang damit.
Upang maging matatag ang prediksyon ng teorya nina Hecksher at Ohlin ipinagpapalagay na pareho ang panlasa ng mga mamamayan sa pagitan ng mga bansa at may takda at parehong elastisidad ng substitution ng mga sangkap sa pagitan ng mga produkto.

