ISANG Grade 9 na estudyante ang sinaksak ng kanyang kaklase sa labas ng Julio Ledesma National High School sa Teachers Village, Brgy 2 sa San Carlos City, Negros Occidental nitong Martes ng hapon, Hunyo 13.

Nangyari ang insidente ng 3:40 p.m. at ayon kay P/Capt. Rodney Sarona, deputy chief of police ng San Carlos City Police Station, naganap ang insidente sa labas ng nasabing paaralan pagkatapos ng klase.
Ang biktima, na nagtamo ng saksak sa mababang bahagi ng kanyang kanang tiyan ay agad na naisugod sa San Carlos City Hospital at kasalukuyang nagpapagaling.
Inaresto naman ang suspek na nakunan ng patalim. Parehong 17-taong gulang ang dalawa. Nasa kostudiya na ng awtoridad ang Child in Conflict with the Law (CICL) o menor de edad na suspek para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.
Samantala, nagbigay ng pahayag ng pag-aalala ang bagong halal na Senate President Sherwin “Win” Gatchalian sa sunud-sunod na nangyayaring krimen sa mga paaralan.
“Hindi pa tapos magluksa ang bansa sa trahedyang naganap sa Lungsod ng Tacloban, ngayon nabalitaan natin ang isa na namang insidente ng karahasan kung saan sinaksak ang isang mag-aaral ng Grade 9 mula sa Julio Ledesma National High School sa Lungsod ng San Carlos, Negros Occidental.
“Isa nang krisis na maituturing ang pagpapatuloy ng karahasan sa ating mga paaralan. Hindi natin papayagang maging normal ang ganitong uri ng mga insidente. Kaya naman maghahain tayo ng resolusyon upang masuri natin ang bigat ng suliranin at matukoy natin ang mga solusyon para sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral sa mga paaralan. “

