TINIYAK ni bagong talagang Chairperson ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na si Senator Raffy Tulfo ang pag-arangkada ng panukalang National Land Use Act (NLUA) na matagal nang nakabinbin sa komite ng Senado upang tuluyan na itong maisabatas.
Ang National Land Use Act ay isang panukalang batas na magtatatag ng iisang pambansang polisiya sa wastong paggamit ng lupa sa buong bansa upang maprotektahan ang mga magsasaka at katutubo laban sa land grabbing, masiguro ang maayos na land development sa Pilipinas, at mapangalagaan ang environmentally critical areas.
Unang isinumite ang panukalang ito noong 9th Congress, taong 1994, at mula noon ay paulit-ulit nang naghain ng iba’t ibang bersyon nito sa Kongreso. Pero, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naisasabatas dahil nananatiling nakabinbin sa komite ng Senado ang NLUA.
“Sa ilalim ng aking pamumuno, sisiguruhin kong wala nang makakapigil sa pagsasabatas ng National Land Use Act na deka-dekada nang hindi maisabatas dahil bagamat nakakalusot sa Lower House, pag-akyat nito sa Senado ay nakabinbin na lamang dahil inuupuan sa Komite ng Environment,” saad niya.
“Panahon na para bigyan ng matibay na sandata ang ating mga magsasaka at katutubo laban sa mga ganid na land grabbers na walang habas na sumisira sa kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pag-reclassify ng mga agricultural lands patungo sa residential, commercial, at mixed use na gamit para sa benepisyo ng mga naglalakihang mga kumpanya,” dagdag niya.

