NILINAW ni Senador Imee Marcos na wala siyang personal na pagtutol sa limang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) noong Miyerkules, Hunyo 17.
“Wala akong problema sa mga opisyal na ito. Kilala ko ang ilan sa kanila, at ipinagmamalaki ko ring may mga Ilokano tayong umabot sa matataas na posisyon sa AFP,” ani Marcos.
“Ang tanong ko, bakit parang paulit-ulit na nating binabaluktot ang batas? Kung may batas, sundin natin. Hindi puwedeng iba ang patakaran depende kung sino ang nakikinabang.”
Sa liham na ipinadala niya kay Commission on Appointments Secretary Villarica, humingi si Marcos ng paliwanag kung paano kinonsidera ng CA ang mga probisyon ng Republic Act No. 11939, lalo na ang requirement na dapat may hindi bababa sa isang taong natitirang serbisyo ang isang AFP officer bago maitalaga o ma-promote sa ilang posisyon.
Gusto ring malaman ng senador kung may ginamit na legal exemption, kung may sariling interpretasyon ang CA sa batas, at kung ano ang mga dokumentong naging batayan para masabing kuwalipikado ang mga opisyal.
“Simple lang ang tanong ko. Nasunod ba ang batas o hindi? Kung may exemption, ano iyon? Kung may ibang interpretasyon, ipaliwanag nila.”
Ayon pa kay Marcos, hindi ang mga opisyal ang isyu kundi ang proseso.
“Wag naman nating i-bend ang law. Ang isyu rito ay ang batas. Kapag nasanay tayong binabaluktot ito ngayon, baka bukas normal na lang ulit. Delikado ‘yan.”
Iginiit din ng senador na mahalagang malinaw ang sagot ng Commission on Appointments upang matiyak na ang mga susunod na appointment at promosyon sa AFP ay naaayon sa batas at iisa ang pamantayang sinusunod.

