26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 26, 2026

Pamahalaan, pinalawak ang mga umiiral na programa laban sa pagkabansot ng mga bata- Palasyo

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ng Malacañang nitong Huwebes na pinalawak pa ng pamahalaan ang mga umiiral na programang direktang tumutugon sa suliranin ng stunting o pagkabansot sa mga batang Pilipino.

Ginawa ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag sa isang press briefing sa Malacañang nang tanungin kung paano tinutugunan ng pamahalaan ang problema ng stunting sa kabila ng pagpapatupad ng iba’t ibang programa laban dito.

“Nakikita iyan kaya ini-expand ang programa, mas pinapahaba pa at mas dumadami pa ang mga benepisyaryo na mga kabataan,” ani Castro.

Kabilang sa mga programang kasalukuyang isinasagawa ang Food Stamp Program na inilunsad noong 2023, ang First One Thousand Days Program, at ang Supplementary Feeding Program na ipinatupad noong nakaraang taon, na pawang naglalayong labanan ang stunting.

Ayon kay Castro, alam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang problema sa stunting kaya’t naglunsad siya ng iba’t ibang inisyatiba noong nakaraang taon tulad ng pagtatatag ng mga child development center at daycare center.

Dagdag pa niya, ipinatutupad din ng Department of Education (DepEd) ang School-Based Feeding Program para sa taong 2026–2027 na pinaglaanan ng pondong PhP25.6 bilyon upang matugunan ang kagutuman sa mga mag-aaral na Pilipino.

“Ang mabebenepisyuhan nito ay aabot sa 4.63 million learners nationwide at mas pinahaba na ang araw para sila ay makatanggap ng masustansiyang pagkain. Aabot na sa 200 days, mas mahaba po kumpara sa nakaraang taon na 120 days,” paliwanag ni Castro.

“At ang mabibiyayaan nito para sa universal feeding ay ang Kinder to Grade 1 at ang mga undernourished learners naman para sa Grade 2 to Grade 6 kasama na rin ang pregnant adolescent learners, vulnerable and marginalized students na beyond Grade 6.”

Bukod dito, ipinatutupad din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Walang Gutom Program at Supplemental Feeding Program na nakatuon sa 1.8 milyong batang naka-enrol sa mga child development center na pinatatakbo ng mga lokal na pamahalaan.

“Ito ay sa buong bansa ipapatupad ng DSWD. So, dito naman, 180 feeding days ang maibibigay natin sa mga tatlo hanggang limang taong mga bata,” dagdag pa ni Castro.

Sa datos, umabot sa mahigit 20 porsiyento ang kaso ng stunting sa mga batang Pilipinong wala pang limang taong gulang noong nakaraang taon, na nakaaapekto sa isa sa bawat apat na bata.

Ang stunting ay isang kondisyon kung saan hindi sapat ang paglaki at pag-unlad ng mga bata dahil sa kakulangan sa nutrisyon, kakulangan ng angkop na psychosocial stimulation, at madalas na pagkakasakit o impeksiyon. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -