26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 26, 2026

Amerika sa impeachment trial ni Sara 

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling bahagi

LUMIPAS ang mahabang panahon ng pag-usad ng prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at pamahalaan ng Pilipinas. At noon ngang 2012, napagkasunduan ng magkabilang panig ang pagtatatag ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE), na naghihiwalay na sa rehiyon ng Muslim Mindanao sa Republika ng Pilipinas.

Ang BJE ay may sariling pamahalaan – sariling Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura – ganap na ngang bukod sa Republika ng Pilipinas, na ang tanging nalalabing prebelihiyo ay 25% parte sa natural na yaman ng Muslim Mindanao.

Nangyari nga lang na ang BJE ay kinailangang dumaan sa repaso ng Senate Local Government Committee sa ilalim ng pangangasiwa ng noon ay Senador Ferdinand R. Marcos Jr. Ang BJE ay nahubdan ng mga sangkap hinggil sa kanyang pagsasarili  hanggang sa makilala na nga lang ito na Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) – may awtonomiya, oo, subalit nakapailalim pa rin sa pangangasiwa ng Republika ng Pilipinas.

Hanggang sa sinusulat ang kolum na ito hindi pa naidaraos ang matagal nang  nakabinbin na BARMM elections.


Ibig sabihin, hindi pa naging ganap ang proseso ng pagkakaroon ng awtonomiya ng Muslim Mindanao.

Sa di pa matapos-tapos na problema ng MILF, mabuway ang Mindanao. Kumbaga sa clay, madaling ihulma sa kung anong hugis ang maibigan.

At ito ang larangan na ipinagmamalaki ng mga Duterte na kanilang kaharian.

Natatandàan ninyo ang kamakailan na pagtanggi ng DENR ng kung anong environmental permit sa isang proyekto ni Mayor Baste Duterte ng Davao City? Gumanti ang Mayor sa pamamagitan ng pagtambak ng mga basura ng siyudad sa harap mismo ng upisina ng DENR.

- Advertisement -

Kung sa Mindanao din lang naman, untouchable ang pamilya Duterte.

Mindanao ang balwarte ng nagpapatuloy na Kilusang Maisug – ang pagsuway sa awtoridad ng Republika ng Pilipinas.

At Mindanao ang di-mapakawalan na obhetibo ng Amerika.

Kamakailan lamang, tumampok sa balita ang pag-aresto sa 70 Chino na nagtatrabaho sa Philippine Sanja Steel Corporation na nasa loob ng higanteng industrial estate na Philippine Veterans Investment Development Corporation (PVIDEC) sa Misamis Oriental. Pinagbintangang walang mga kaukulang dokumento ng paggawa, ang mga Chino ay pinaratangan pa rin na gumagamit ng mga nakalalasong  kemikal sa paggawa ng steel. Pinanindigan ng legal counsel ng Philippine Sanja Steel Corporation na mali ang mga paratang at ligal ang operasyon ng kumpanya na nasa loob ng compound ng isang Government Owned and Controlled Corporation (GOCC).

Ang kapansin-pansin sa insidenteng iyon, mismong ang Kalihim ng Tanggulang Pambansa Gilbert “Gibo,” Teodoro ang namuno sa pagsalakay. Na para bang ang operasyon ay sangkot ang seguridad ng bansa.  Sa pananaliksik na ginawa ni Herman Tiu Laurel, geopolitical analyst na siyang president ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), noon pang isang taon plinano ng Pentagon na ang malawak na industrial estate ay gawing base naval ng Estados Unidos upang pag-imbakan ng 41 bilyong bariles ng langis na magsisilbi sa mga pangangailangan ng armada ng Estados Unidos sa South China Sea.

Dito nakikita na maungkat lang ang pagkakatanggal sa puwesto kay Presidente Estrada, ang pagtalakay ay di maiiwasan na pumalaot sa Mindanao.

- Advertisement -

Higit sa ano pa mang bahagi ng Pilipinas, pinatunayan ng kasaysayan na Mindanao ang estratehikong pinagkakainteresan ng Amerika.

Ngayon, kung ito ang totoo, sa nangyayaring impeachment trial ni Bise Presidente Sara, sino ang pagkakainteresan na panigan ng Amerika?

Batay sa mga pinakahuling survey, nanatiling mataas ang score ni Sara: 59% satisfaction rating, 33% net satisfaction rating.

Sobrang sapat ang mga pigurang ito upang kung dahil sa ano pa mang kilos-pulitikal ay mahatulang nagkasala si Sara, hindi na pagbabago ng rehimen ang higit na madaling gawin upang labanan ang hatol.

Paganahin na lamang ang pinakana nang gawin ng Amerika mula pa noong 2008.

Sa intensyong ito, bigo ang Amerika kay Presidente Estrada.

Una, sa isang tawag sa telepono, minanduhan ni US President Bill Clinton si Presidente Edtrada na huwag ituloy ang planong  tapusin na ang MILF sa pamamagitan ng pagwasak sa Camp Abubakar sa kabundukan ng Maguindanao. Hindi nakinig si Presidente Estrada at iniatas niya ang misyon na wasakin ang Camp Abubakar kay General Alexander Balutan. Bilang follow-up ni Clinton sa kanyang hiling, pinakiusapan niya si Jaime Cardinal Sin na mamagitan. Hindi rin nakinig si Presidente Estrada sa  Cardinal. Nang magsugo na si Clinton ng personal na tauhan upang makiusap kay Erap at hindi pa rin ito nakinig,  nagtuloy-tuloy na nga ang pagdurog ni General Balutan sa Camp Abubakar.

Sumunod na taon, nagsimula na ang mga kilos upang patalsikin si Erap sa puwesto.

Simula sa minadaling Articles of Impeachment, sa pangunguna ng noon ay Speaker ng House of Representatives Manuel Villar, tuloy sa impeachment trial na pinag-walkoutan ng mga katunggaling senador, hanggang sa pag-baklas na ng suporta ni Defense Secretary Angelo Reyes at napilitan na si Erap na bumaba ng puwesto.

At si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo ay pinapanumpa ni Chief Justice Hilario Davide bilang Pangulo.

Kung gaano kasalimuot ang kaso ni Erap ay masasalamin sa kanyang winika: “Kaya ayoko nang tumakbong presidente. Papatayin na ako ng CIA.”

At gaya ng ipinakita ng sumunod na pangyayari, tumakbong Mayor ng Maynila si Erap, nanalo at nagkaroon ng pagkakataong selyuhan ng dangal ang huling yugto ng kanyang paglilingkod-bayan.

Ang mahalaga lang na dapat unawain sa pag-uusap nating ito ngayon ay:  sa bawat pagbabalikwas ng kontemporaryong lipunang Pilipino at sangkot ang Malakanyang, lagi nang nasa likod at nagmamaniobra ng susi ay Amerika.

Ang impeachment trial ni Sara ay hindi nagaganap sa isang espasyong walang laman. Ito ay tumutugon sa isang tiyak na pangangailangan, at ang pangangailangan na ito ay hindi pinag-papasyahan sa sarili ng impeachment trial kundi ng mga interes na dapat niyang pagsilbihan.

Anong estratehikong interes ng Amerika ang maisusulong ng kung ano ang kalalabasan ng impeachment trial ni Sara?

Sabihin nang napatunayang nagkasala si Sara.

Maganda ba iyon o masama para sa estratehikong interes ng Amerika sa Asya Pasipiko?

O kung kabaligtaran siya ay naabswelto, anong ganansya ang gagawin niyon sa Amerika kaugnay ng labanan nito sa China sa South China Sea, partikular kaugnay ng krisis sa Taiwan?

Natatandaan ninyo ang di pa kalayuang panahon na ang Kongreso ay makialam na sa maingay na paghinging ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan?

Kapuna-puna na sa Senado, lumitaw na pro-China ay ang kampo ni Senador Alan Peter Cayetano. Ngayong si Cayetano ang namumunong tagasuporta ni Bise Presidente Sara, masasabi bang ang mga tagasuportang ito ay mga pro-China rin?

Subalit noon pa ay naipagdiinan na ng kolum na ito, kulob saan sa mga nagbabanggaang puwersa sa Senado sa usapin ng China, lahat ay nagsisilbing epektibong propaganda lamang para sa Amerika.

Sa usapin ngayon kung abswelto o maysala si Sara sa impeachment trial, may nakapailalim na koneksyon ang labanan ng China at Amerika sa South China Sea.

Kung maabswelto si Sara, malaya siyang tumakbong presidente sa 2028. Subalit  magkaganun man, wala pa ring kasiguruhan na siya ay mananalo sa halalan.

Mas sigurado na siya ay maluluklok sa kapangyarihan kung siya ay mahahatulang  nagkasala. Iyun ang titis na tiyak magpapanibagong-siklab sa Kilusang Maisug upang kahit sa Mindanao man lang ay maluklok siya sa kapangyarihang pulitikal.

At sa obhetibong ito, kaisa ni Sara ang Amerika.

Kaya naririto tayo sa tanong: Saan ibabatay ang hatol ng Impeachment trial kay Sara?

Batay sa Konstitusyon, kailangan ang 2/3 na boto upang madeklarang maysala si Sara.

Subalit 2/3 ng anong bilang ng mga senador? Ang original na bilang na 24 o ang praktikal na bilang ngayon na 22? Nagtatago si Senador Ronald “Bato” de la Rosa at nakakulong si Senador Jinggoy Estrada sa bintang na plunder.

Kung 2/3 ng 22, lilitaw na ang kailangan lamang upang mahatulang maysala si Sara ay 14. Subalit may mga nagpupumilit na ang sinasabi ng Konstitusyon ay 24 ang bilang ng mga senador, hindi ng kung sino ang nagtatago o nakakulong, kaya pag sinabing 2/3, ibig sabihin 16 na senador ang kailangan upang mahatulang nagkasala si Sara.

Ngayon, paano kung ang debate sa isyu ay, kagaya ng nakagawian, dalhin na sa Korte Suprema?

Ano’ng ihahatol ng Mataas na Hukuman na batayan ng 2/3? 22 o 24?

May nasisilip ang kolum na ito upang walang dudang determinahin ang bilang ng mga  senador na pagkukunan ng 2/3. Subalit, maghahalukip-kip na muna tayo. Hayaang ang mga eksperto ang bumuno sa problema.

Una pa muna, Amerika nga ang nagpapasya ng mga pangunahing kaganapang pulitikal sa Pilipinas.

Sa kahuli-hulihan, ang ika-aabswelto ni Sara o ikakapa-maysala niya ay wala sa letra ng Konstitusyon kundi sa iwing military power ng Amerika.

Palala nang palala ang digmaan sa Iran. Kailangan na ng Amerika na mapalakas ang kapasidad na makipaggiyera sa China sa rehiyon ng South China Sea. Isang mabisang paraan ay ang makupong na ang matagal nang inaambisyong katatagan sa rehiyon ng Mindanao. Hindi pagtatakhan kung ang impeachment ni Sara ay sinadyang paalagwahin ng Amerika hanggang sa makapaghatol na ang Bise Presidente ay nagkasala. Sa ganitong kalagayan, biglang-bigla, wasak ang ambisyon ni Sara na maging presidente.

Pero hindi ang pagtatatag ng sariling kaharian sa Mindanao.

At sa ganang Amerika, iyung-iyun mismo ang sa loob ng nagdaang tatlong dekada ay siya na niyang pinakamimithing mangyari.

Nawakasan ang mga base militar ng Amerika noong 1991 at dadaan siya sa butas ng karayom kung hihilingin sa Senado ng Pilipinas ang pagpapanumbalik ng mga base militar na iyon.

Noon pang 2008, naipagkasundo na ng Amerika sa MILF ang pagpanibagong-tatag ng mga base militar na ito sa Muslim Mindanao. Subalit maraming balakid ang humarang sa daan.

Sa pagbalikwas ng Maisug sa Mindanao bunga ng hatol na maysala kay Sara, maitatatag ang sariling kaharian ng mga Duterte, malalatag ang kondisyon para sa higit na madaling proseso para sa Amerika na ibalik ang mga base militar na winasak ng Senado ng Pilipinas noong 1991.

Sa hatol na nagkasala kay Bise Presidente Sara ng Impeachment Trial Court, abot-kamay  na ng Amerika ang ginintuang pangarap na pinakamimithi nito nang nagdaang mahigit tatlong dekada.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -