Ikalawang bahagi
ANG pagtatambal ng teorya at praktika (o praksis) ay napakahalaga sa larangan ng public health communication. Tinitiyak nito na may matibay na pag-aaral na magsisilbing pilosopikal, teoretikal at konseptwal na batayan ng patakaran, programa, proyekto at produksyon. Samantalang ang mismong praktika at aplikasyon naman sa larangan at komunidad ang titiyak ng paglalapat at kaangkupan. Sa pamamagitan din ng aktwal na aplikasyon maaaring hamunin ang kakulangan at kahinaan ng teorya, lente at kurikulum. Ang mga sumusunod ay mga karagdagang alituntunin at paalala upang higit na mapatalas ang praksis ng public health communication.
- Iwasan ang diskriminasyon (o pagtatangi) laban sa bulnerableng sektor. Huwag palalain ang kanilang sadlak na kondisyon at hindi ito dapat isisi sa kanila dahil sila mismo ay biktima ng mga nanaig na istruktural na puwersa. Iwasang gumamit ng mga nakaiinsultong salita at pangalagaan ang kanilang integridad bilang mga katuwang (co-producer) at kapantay (co-equal) sa gawain. Mula sa kritikal na pananaw, ang kahirapan ay hindi bunga ng personal failure, kundi ng structural failure.
- Tandaan na may pagkakaiba-iba rin ng antas ang pagiging bulnerable. Halimbawa, bagama’t bulnerable na nga ang mga kabataan ay mas nagiging bulnerable pa sila lalo kung kabilang ang kanilang hanay sa uring magsasaka o uring manggagawa. Ibang usapin pa kung kabahagi sila sa sektor ng mga katutubo o LGBTQIA+. Sa agham panlipunan, tinatawag na intersectionality of social exclusion (Crenshaw, 1989) kapag ang mga batayan ng pagtatangi o diskriminasyon ay nagtambal-tambal at nagreresulta sa higit pang pagkasadlak sa buhay.
- Alamin ang antas ng kaalaman at kamalayan ng target audience upang mai-angkop dito ang binubuong materyales. Bahagi nito ang pagpili ng tamang wika at istilo ng paglalahad. Tandaan na ang public health communication kagaya ng anumang media product ay kailangang tumutugon sa mataas na kalidad ng parehong form (substance) at content (structure and syntax).
- Tiyaking nakabatay sa siyentipiko at makakomunidad na pananaliksik ang binubuong produksyon. Nagtatambal dapat ang explicit (coded and institutional) at implicit knowledge (community-based and indigenous) sa binubuong health communication material. Maging sensitibo at responsable rin kung nagbabangga ang dalawang knowledge systems na ito. Huwag din kalimutan na may mga ethnowisdom na mayroong ding siyentipikong batayan (halimbawa: ethnomedicine, ethnopharmacology, ethnopsychology, ethnonutrition, ethnobotany, ethnogeography, ethnohydrology at iba pa).
- Gamitin ang mga natutunang prinsipyo, teorya, konsepto, kasanayan at pagpapahalaga sa klase (at kurikulum) at itambal ang mga ito sa mga karanasan (at katotohanan) sa lipunan. Siyasatin ang tambalan (convergence) at talaban (divergence) ng dalawang larangan. Maging responsable at etikal kung paano tutugunan ang mga kontradiksyon.
- Tandaan na bagaman may bahagi sa presentasyon na kailangang ilantad ang katangian ng problema (nature) at lala nito (extent), tiyakin pa rin na ang produksyon ay nagbibigay ng pag-asa sa mga mambabasa, tagapakinig at/o manonood. Sa konteksto ng kanilang sadlak na kondisyon, nakapagpapalakas ng kalooban ang aktibo at transpormatibong pag-asa (active and transformative hope). Wika nga, public health communication is an act of hope dahil hangad nito ang mas maganda, malusog at ligtas na hinaharap.
- Bigyan ng lakas ng loob ang mga target audience na sila mismo ay bahagi ng solusyon. Tiyaking mapagtitibay nito ang kanilang tiwala sa sarili bilang tagapaghawan ng sariling landas tungo sa inaasam na pagbabago.
- Hikayatin ang mga manonood na maging ahente ng pagbabago. Ipaunawa sa kanila na hindi nagsisimula at natatapos ang lahat sa kaalaman at kamalayan (awareness) lamang. Bigyang-diin na kailangan ng pagsasapraktika (action). Tandaan din ang tumbasang ito: awareness + action, theory + practice, ora et labora = praxis/praksis.
- Pagtambalin ang ‘rapport’ at ‘report.’ Sa kontekstong ito, ang ‘rapport’ ay tumutukoy sa kakayahan ng materyales na umugnay at pumukaw sa damdamin ng target audience (affective). Samantalang ang ‘report’ naman ay may kinalaman sa mismong nilalamang impormasyon ng produksyon (cognitive). Sa pamamagitan nito ay kapwa nagiging pukaw-damdamin at pukaw-kamalayan ang materyales. Wika nga ni Dr. Leonardo Estacio, isang antropologo sa UP Manila Department of Behavioral Sciences, mahalagang nagtatambal ang datos, damdamin at dignidad sa praktika ng pananaliksik o anumang gawaing pang-akademiko.
- Sikaping ma-triangulate ang datos sa pamamagitan ng pagsangguni sa literatura, opisyal na datos at pahayag ng batayang sektor sa komunidad. Bukod sa iba’t ibang batis (o source), ayon sa UP Manila Community Health and Development Program, maaari ring mag-triangulate batay sa disiplina (interdisciplinary), propesyon (interpropesyonal) at sektor (intersectoral). Malaking tulong din ang pagiging multimodal at transboundary sa dulog at aplikasyon.
- Maging sensitibo sa kultura ng target audience. Magiging epektibo lamang ang isang health advocacy kung kasama sa konsiderasyon ang kultura ng lipunan. Sa parametrong ito, isama sa diskurso ang indigenous knowledge systems and practices (IKSP) kagaya ng ethnomedicine, ethnonutrition, ethnobotany at iba pa.
- Maging sensitibo rin sa pagtatampok ng kanilang karanasan sa komunidad. Lagi itong i-pook upang mas maunawaan ng publiko ang malawak na panlipunang konteksto kung saan ito umiiral at nakapaloob. Kaugnay nito ay makatutulong din ang place-based inquiry sa tunguhing ito: Place-based Inquiry 101 – Pinoy Peryodiko
- Gamitin nang wasto at etikal ang umiiral na tradisyonal o modernong teknolohiya at langkapan ito ng kultura at sining upang mas maging makatuturan at epektibo. Ito ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng documentary film, street art, mural painting, community exhibit o public art installation, flipchart, ethnopoetry, community theater, ethnodrama, community radio, digital storytelling, participatory video, photo voice, participatory mapping, community dance at iba pa. Umuunlad na larangan ang medical humanities at health humanities na kailangang maipaloob sa kurikulum, komunikasyon at komunidad.
- Ipatupad ang paghingi ng free and prior informed consent (FPIC). Tiyaking ito ay nakabatay sa karapatan sa sariling pagpapasya ng komunidad. Kaugnay nito ay hamunin din ang umiiral na hindi pantay na relasyon sa kapangyarihan sa pagitan ng mga puwersang panlipunan (halimbawa: sa pagitan ng pamahalaan at komunidad, sa pagitan ng akademya at mamamayan, sa pagitan ng mga guro at mag-aaral, sa pagitan ng mga disiplina at iba pa).
- Tiyaking maging kapukaw-pukaw ang produksyon sa paraang makalilikha ito ng tugon o reaksyon mula sa target audience. Isangguni sa kanila ang produksyon at tipunin ang kanilang feedback para sa higit na ikabubuti ng materyales. Tandaan ang kahalagahan ng interaksyon sa pamamagitan ng engagement-focused health campaigns.
- Huwag kalimutang siyasatin ang epekto ng public health communication sa komunidad upang malaman kung natugunan ba ang mga inilatag nitong layunin. Maaaring maging kwantitatibo o kwalitatibo ang paraan ng monitoring, evaluation and learning (MEAL). Sa pamamagitan ng MEAL ay masusundan ang larga ng proyekto, matutukoy ang mga problema at alalahanin, masusuri ang bisa at epekto ng produksyon at, higit sa lahat, mapakikinabangan ang datos at pagsusuri upang higit na mapabuti ang patakaran at programa sa kasalukuyan at hinaharap. Unawain din na patuloy na nagbabago ang kondisyon, konteksto at kapaligiran.
Bilang pagbubuo(d), tandaan na kritikal ang papel ng public health communication upang magpalaganap ng impormasyong pangkalusugan, baguhin ang mga maling kaalaman at kinagawian, at wakasan ang krisis sa impormasyon at kalusugan (information and health crisis). Sa kontekstong ito, mahalaga ang salimbayan ng akademya, sektor pangkalusugan, pamahalaan, pangmasang organisasyon at lalo na ang mismong komunidad. Tandaan din na dapat magkatambal tuwina ang structural change (macro) at behavioral change (micro) dahil hindi posible ang huli kung wala ang una.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

